Ang pagsasalita ba sa ibang wika ay katibayan ng pagkakaroon ng Banal na Espiritu?



Tanong: "Ang pagsasalita ba sa ibang wika ay katibayan ng pagkakaroon ng Banal na Espiritu?"

Sagot:
may tatlong okasyon sa Aklat ng Mga Gawa kung saan ang pagsasalita sa ibang wika ay kasabay ng pagtanggap sa Banal na Espiritu – ang mga ito ay matatagpuan sa Mga Gawa 2:4, 10:44-46 at 19:6) Gayunman, ang tatlong okasyong ito lamang ang tanging mga lugar sa Bibliya kung saan makikita ang pagsasalita sa ibang wika ay ebidensya ng pagtanggap sa Banal na Espiritu. Sa buong aklat ng Mga Gawa, libu-libong mga tao ang nanampalataya kay Hesus ngunit walang sinabi sa Bibliya na sila ay nagsalita sa ibang mga wika (Mga Gawa 2:41, 8:5-25, 16:31-34, 21:20). Hindi itinuro kahit saan sa buong bagong Tipan na ang pagsasalita sa ibang wika ang tanging ebidensya na ang isang tao ay tumanggap ng Banal na Espiritu. Sa halip itinuturo ng Bibliya ang kabaliktaran. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang bawat isang tunay namananampalataya ay pinananahanan ng Banal na Espiritu (Roma 8:9; 1 Corinto 12:13; Efeso 1:13-14), ngunit hindi nagsasalita sa ibang wika ang bawat mananampalataya (1 Corinto 12:29-31).

Ngayon, bakit ang pagsasalita sa ibang wika ang ebidensya sa pagtanggap sa Banal na Espiritu sa tatlong mga pangyayari sa aklat ng Mga Gawa? Itinala sa Mga Gawa kabanata 2 ang pagtanggap ng Banal na Espiritu ng mga apostol at binigyan sila ng kakayahan na ipahayag ang Ebanghelyo. Ang mga apostol ay pinagkalooban ng Espiritu na kakayahan na makapagsalita sa ibang wika (lenguwahe ng tao) upang maibahagi nila ang ebanghelyo sa lenguwahe ng mga nakikinig. Habang sila ay nagsasalita sa kanilang lenguwahe, naririnig naman ng mga nakikinig sa kani-kanilang sariling mga lenguwahe ang kanilang sinasabi. sa Mga Gawa kabanata 10, nakatala ang pagpapadala ng Diyos kay Pedro upang magbahagi ng ebanghelyo sa mga hindi hudyo. Si Pedro at ang mga unang Kristyano, bilang mga hudyo ay hindi agad makakapaniwala na tatanggapin ng Diyos ang mga hentil (hindi hudyo) sa iglesia ng Diyos. Gayunman, binigyan ng Diyos ang mga hentil na pinangaralan ni Pedro ng kakayahan magsalita sa ibang wika upang patunayan sa kanila na tumanggap din sila ng parehong Banal na Espiritu na tinanggap ng mga apostol (Mga Gawa 10:47, 11:17).

Inilarawan ito sa Aklat ng mga Gawa 10:44-47: “Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita. At silang sa pagtutuli na nagsisampalataya ay nangamanghang lahat na nagsiparoong kasama ni Pedro, sapagka't ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo. Sapagka't nangarinig nilang nangagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. Nang magkagayo'y sumagot si Pedro, mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?” Inalala ni Pedro kalaunan na ang okasyong ito bilang katibayan na inililigtas din ng Diyos ang mga hentil (Mga GAwa 15:7-11).

Hindi itinuro saan man sa Bibliya na ang pagsasalita sa ibang wika ay dapat na asahan ng sinuman na tatanggapin Si Kristo bilang Tagapagligtas at dahil doon ay mababawtismuhan sa Banal na Espiritu. Sa katotohanan, sa dinami-daming mga pangyayari ng naging mga mananampalataya ang mga tao sa buong bagong Tipan, dalawa lang ang itinala kung saan ang mga naligtas ay nagsalita sa ibang wika. Ang pagsasalita sa ibang wika ay isang mahimalang kaloob na may tanging layunin lamang para sa tanging panahon. Hindi ito kailanman tanging ebidensya ng pagtanggap sa Banal na Espiritu noon, ngayon at sa hinaharap.


Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang pagsasalita ba sa ibang wika ay katibayan ng pagkakaroon ng Banal na Espiritu?