settings icon
share icon
Tanong

Itinuturo ba ng 1 Pedro 3:21 na kailangan ang bawtismo para sa kaligtasan?

Sagot


Malalaman natin ang itinuturo ng bawat talata o sitas sa Bibliya kung isasaalang-alang natin ang ating mga nalalaman sa itinuturo ng buong Bibliya patungkol sa isang paksa. Sa kaso ng bawtismo at kaligtasan, malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, hindi sa anumang mabubuting gawa, kasama rito ang bawtismo (Efeso 2:8-9). Kaya nga, ang anumang pagpapakahulugan na kinakailangan ang bawtismo o anumang gawa ng tao para sa kaligtasan ay isang maling interpretasyon. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa paksang ito, pakibasahin ang aming artikulo na may pamagat na "Ang kaligtasan ba ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, o sa pamamagitan ng pananampalataya at mga gawa?"

Ang mga naniniwala na kinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan ay malimit na ginagamit ang 1 Pedro 3:21 upang suportahan ang kanilang turo dahil binabanggit dito ang pariralang "bawtismo na nagliligtas sa inyo." Talaga bang sinasabi ni Apostol Pedro na ang bawtismo ay makapagliligtas sa atin? Kung ito ang kanyang itinuturo, sasalungatin niya ang napakaraming mga talata sa Kasulatan na malinaw na nagtuturo kung paano maliligtas ang tao (na nagpapatunay na tumatanggap ang tao ng Banal na Espiritu bago sila mabawtismuhan o kahit hindi sila mabawtismuhan) gaya ng nangyari sa magnanakaw sa krus na kasama ni Hesus sa Lukas 23;39-43. Ang isang magandang halimbawa ng sa isang taong naligtas bago siya nabawtismuhan ay si Cornelio at ang kanyanng pamilya (Roma 8:9; Efeso 1:13; 1 Juan 3:24). Ang ebidensya na sila ay naligtas ay ang pagpayag ni Pedro na bawtismuhan sila. Hindi mabilang na mga talata sa Kasulatan ang malinaw na nagtuturo na ang kaligtasan ay nararanasan ng isang tao pagkatapos niyang maniwala sa Ebanghelyo, at sa oras na iyon "tinatakan" siya "kay Kristo" sa pamamagitan ng ipinangakong Banal na Espiritu" (Efeso 1:13).

Gayunman, salamat na hindi natin kailangang manghula kung ano ang ibig sabihin ni Pedro sa talatang ito dahil kanyang nilinaw para sa atin ang ibig sabihin ng pariralang, "ang bautismo ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi." Habang ipinapakita ni Pedro ang koneksyon ng bawtismo sa kaligtasan, hindi ang mismong paglubog sa tubig ang kanyang pinatutungkulan dito (hindi ang pagaalis ng dumi mula sa pisikal na katawan). Walang kinalaman ang paglulubog sa tubig sa paglilinis sa ating mga kasalanan. Ang tinutukoy ni Pedro ay ang inilalarawan ng bawtismo, na siyang nagligtas sa atin (ang paghingi sa Diyos ng isang malinis na konsensya sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli ni Hesu Kristo), Sa ibang salita, simpleng inilalatag lamang ni Pedro ang kaugnayan ng bawtismo sa pananampalataya. Hindi nakapagliligtas ang tubig; sa halip ito ay sa pamamagitan ng "paghingi sa Diyos ng isang malinis na konsensya," na siyang inilalarawan ng bawtismo. Ang paglapit at pagsisisi sa Diyos ang laging nauuna bago ang pagbabawtismo. Una muna ay pananampalataya pagkatapos ay pagsisisi, saka lamang ang pagbabawtsimo upang ipakita sa publiko ang pakikiisa at pananampalataya ng tao kay Kristo.

Isang napakagandang ilustrasyon ang ibinigay ni Dr. Kenneth Wuest, ang sumulat ng Word Studies in the Greek New Testament. "Ang bawtismo sa tubig ay malinaw na nasa isipan ni Pedro sa talatang ito, hindi ang bawtismo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu dahil tinukoy niya ang tubig noong baha na siyang nagligtas sa mga lulan ng arko, at sa talatang ito, tinukoy niya ang bawtismo na nagliligtas sa mga mananampalataya. Ito ay sa dahilang ang bawtismo ang larawan ng kaligtasan. Hindi ito ang aktwal na nakapagliligtas kundi ito ay isa lamang larawan ng pagliligtas. Ang mga handog sa Lumang Tipan ay larawan din lamang ng realidad, ng Panginoong Hesu Kristo. Hindi sila aktwal na nagligtas sa mananampalataya. Sila ay mga larawan lamang ng dumating na Tagapagligtas. Hindi dapat pagtalunan na ang mga paghahandog na ito ay sumisimbolo sa bawtismong Kristiyano. Ginagamit lamang ni Apsotol Pedro ang bawtismo bilang isang ilustrasyon ng pagliligtas ng Diyos.

"Kaya ang bawtismo sa tubig ay nagligtas sa mananampalataya bilang "tipo" o "larawan lamang ng tunay na nagligtas sa kanya. Ang isang mananampalataya sa Lumang Tipan ay naligtas na bago pa siya maghandog. Ang kanyang paghahandog ay isang panlabas na patotoo lamang na kanyang inilalagak ang kanyang pananampalataya sa "Kordero ng Diyos" na siyang inilalarawan ng mga paghahandog sa Lumang Tipan. Ang bawtismo sa tubig ay ang panlabas na patotoo ng panloob na pangyayari sa isang mananampalataya. Maingat si Pedro sa pagbibigay alam sa kanyang mga mambabasa na hindi siya nagtuturo ng kaligtasan sa pamamagitan ng bawtismo, o kailangan na ang isang tao ay magpabawtismo upang maligtas, dahil kanyang sinabi, "Ang bawtismo ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan," katulad ng literal na paliligo o paglilinis ng katawan o maging metaporikal na kahulugan nito na paglilinis ng kaluluwa. Walang seremonya ang maaaring magdulot ng anumang pagbabago sa konsensya. Ngunit ipinaliwanag ni Pedro kung ano ang kanyang ibig sabihin sa pamamagitan ng mga salitang "isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi," at ipinaliwanag niya kung paano ito naganap, at ito ay sa pamamagitan ng, "muling pagkabuhay ni Hesu Kristo'" kung kanino ang isang mananampalataya nakiisa sa Kanya sa Kanyang pagkabuhay na muli."

Ang isa sa mga dahilan ng kalituhan sa pagunawa sa talatang ito ay nagmula sa katotohanan na sa maraming kaparaanan, ang layunin ng bawtismo ay upang ipakita sa publiko ang deklarasyon ng pananampalataya ng isang tao at ng kanyang pakikiisa kay Hesu Kristo na sa ngayon ay napalitan na ng "pagdedesisyon para kay Kristo" o kaya nama'y "pananalangin ng panalangin ng makasalanan (sinner"s prayer)." Ngunit para kay Pedro at sa mga unang Kristiyano, ang pagbabawtismo ay agad agad na ginagawa ng isang mananampalataya matapos na siya'y maging isang tunay na Kristiyano. Bahagi ng kanilang kultura noon na pagkatapos na manampalataya ng isang tao, hindi na pinagtatagal pa ang bawtismo. Ito'y agad na ginagawa pagkatapos na manampalataya ang isang tao. Kaya nga hindi nakapagtataka na para kay Pedro laging konektado ang kaligtasan sa pagpapabawtismo. Ngunit nilinaw ni Pedro sa talatang ito na hindi ang ritwal mismo ang nagliligtas, kundi ang katotohanan na ang isang tao ay nakipag-isa kay Kristo sa Kanyang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, "Ang bawtismo ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesu Kristo" (1 Pedro 3:21).

Kaya nga ang bawtismo na nagliligtas sa atin ayon kay Pedro ay hindi ang aktwal na paglulubog sa tubig kundi ang pananampalataya sa paghahandog na ginawa ni Kristo na siyang nagpapawalang sala sa isang makasalanan (Roma 3:25-26; 4:5). Ang bawtismo ay isang panlabas na tanda ng ginawa ng Diyos sa isang tao. "Tayo'y iniligtas niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi sa kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin" (Titus 3:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Itinuturo ba ng 1 Pedro 3:21 na kailangan ang bawtismo para sa kaligtasan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries