Tanong
Sino ang tinutukoy na 144,000?
Sagot
Ang aklat ng Pahayag sa Bibliya ay palagiang naglalatag ng hamon pagdating sa pagbibigay kahulugan sa nasusulat dito. Ang aklat na ito ay puno ng mga imahe at simbolismo at dahil dito ang mga tao ay nagkakaroon ng iba’t ibang pagpapakahulugan ayon sa kanya-kanyang pagkaunawa sa kabuuan ng aklat. May apat na pangunahing paraan sa pagintindi ng mga teksto sa aklat ng Pahayag: 1) Preterismo (ang paniniwala na lahat o halos lahat ng mga pangyayari sa Pahayag ay pawang naganap na sa pagtatapos ng unang siglo); 2) Historisismo (ang paniniwala na ang aklat ng Pahayag ay ang kasaysayan ng iglesya buhat pa sa panahon ng mga apostol hanggang sa kasalukuyan); 3) Idealismo (ang paniniwala na ang aklat ng Pahayag ay paglalarawan ng labanan sa pagitan ng mabuti at masama); 4) Futurismo (ang paniniwala na ang aklat ng Pahayag ay naglalaman ng mga hula na magaganap sa hinaharap). Sa apat na ito, ang paraang futurismo ang nagbibigay pakahulugan na sumasang-ayon sa kabuuan ng Banal na Kasulatan. Ito rin ay mahusay na umaakma sa binabanggit mismo sa Pahayag na ang aklat na ito ay aklat ng mga hula o propesiya (Pahayag 1:3; 22:7, 10, 18, 19).
Kaya’t ang kasagutan sa tanong na “Sino ang 144,000?” ay nakadepende kung anong pamamaraan ang ginagamit sa pagbibigay kahulugan sa aklat ng Pahayag. Maliban sa pamamaraang futurismo, lahat ng ibang pamamaraan ay binigyang kahulugan ang 144,000 sa pamamagitan ng simbolismo, aat sinasabi na ang bilang na ito ay bilang ng mga kinatawan ng iglesya at ang numerong 144,000 ay sumisimbolo sa kabuuan – halimbawa ang kabuuang bilang ng iglesya. Ngunit kung titingnan ito ng payak, “At narinig ko ang bilang ng mga natatakan, 144,000 mula sa bawat angkan ng mga anak ni Israel”(Pahayag 7:4), walang ibang nabanggit kundi bilang ito ng mga Hudyo o mga Israelita – 12,000 mula sa bawat angkan ng “mga anak ni Israel.” Wala rin namang malinaw na nabanggit sa Bagong Tipan na nagsasabing ang Israel ay siya ring iglesya.
Ang mga Hudyong “natatakan,” ay nangangahulugang may natatangi silang proteksyon ng Diyos mula sa Kanyang banal na paghuhukom at mula sa Anti-Kristo upang magampanan nila ang kanilang misyon sa panahon ng Paghihirap o Tribulation (tingnan ang Pahayag 6:17, kung saan tinatanong kung sino ang makakatayo sa poot na darating). Ang panahon ng Tribulation ay ang paparating na pitong-taon ng paghihirap kung saan ipalalasap ng Diyos ang kanyang banal na paghatol laban sa mga tumanggi sa Kanya at isasakatuparan ang pangako ng kaligtasan sa bayan ng Israel. Ang lahat ng ito ay mula sa Pahayag ng Diyos sa propetang si Daniel (Daniel 9:24-27). Ang 144,000 Hudyo ay ang “mga unang bunga” (Pahayag 14:4) sa iniligtas na Israel na una ng nabanggit sa propesiya (Zacarias 12:10;Mga Taga-Roma 11:25-27), at ang kanilang layunin ay ipangaral ang ebanghelyo sa panahon ng Tribulation. Bilang resulta ng kanilang ministeryo, napakarami ang mananampalataya kay Kristo sa panahong ito: “at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawat bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika” (Pahayag 7:9).
Marami sa kalituhan sa pagintindi sa 144,000 ay bunga ng maling katuruan ng mga Saksi ni Jehova. Ayon sa kanila, ang 144,000 ay isang limitadong bilang ng mga taong maghahari kasama ni Kristo sa langit at makakasama ng walang hanggan ng Diyos. Ang 144,000 ang pinagmulan ng makalangit na pag-asa ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga hindi kabilang sa 144,000 ay magsasaya sa pag-asa sa lupa kung saan ang mundo diumano ay gagawing isang paraiso at pamumunuan ni Kristo at ng 144,000. Malinaw na ang kanilang itinuturo ay pagmumungkahi ng isang sistema ng lipunan sa kabilang buhay na may mga nakatataas na namumuno (ang sinasabing 144,000) at ang mga pinamumunuan. Walang katuruan sa Bibliya tungkol sa doktrina ng “dalawang antas” ng pamumuno. Totoo na nabanggit sa Pahayag 20:4 na may mga tao na mamumuno sa kahariang milenyal kasama ni Kristo. Ito ay binubuo ng iglesya (mananampalataya kay Kristo Hesus), mga banal sa Lumang Tipan (mga mananampalatayang namatay bago ang unang pagdating ni Kristo) at ng mga banal sa tribulation (mga tumanggap kay Kristo sa panahon ng tribulation). Subalit walang binanggit sa Bibliya na tiyak na bilang para sa mga pangkat ng mga taong ito. Bukod dito, ang kahariang milenyal ay iba sa walang hanggang estado, na magaganap lamang pagkatapos ng kahariang milenyal. Sa panahong yaon, mananahan tayo kasama ang Diyos sa Bagong Jerusalem. Siya’y ating Diyos at tayo ang Kanyang mga anak (Pahayag 21:3). Ang pamanang ipinangako sa atin kay Kristo na tinatakan ng Espiritu Santo (Efeso 1:13-14) ay mapapasaatin at magiging tagapagmana tayo ng Diyos kasama ni Kristo (Roma 8:17).
English
Sino ang tinutukoy na 144,000?