settings icon
share icon
Tanong

Ano ang propesiya ng mga Mayan noong 2012?

Sagot


Ang mahabang kalendaryo ng mga sinaunang Mayan ay nagtatapos sa Disyembre 21,2012. Ito ay nagbunga sa maraming mga interpretasyon. May ilan na ipinalagay na ito ay isa lamang "reset" o bagong pagsisimula ng isang bagong "cycle" o pag-inog ng mundo. Mayroon namang nagpalagay na ito na ang petsa ng katapusan ng mundo (o maaaring ang panahon ng isang pangdaigdigang sakuna). Ano nga ba ang ibig sabihin ng kalendaryo ng mga Mayan at mayroon ba itong koneksyon sa katapusan ng mundo?

Nakagawa ang mga Mayan ng kanilang sariling kalendaryo (isang mahabang uri) noong humigit kumulang 355 B.C. Sa pamamagitan ng kanilang obserbasyon at husay sa Matematika, nakuwenta nila ang paggalaw ng mga bituin sa kalawakan sa hinaharap. Natuklasan nila ang epekto ng panginginig ng mundo habang umiikot ito sa kanyang sariling axis. Ang panginginig na ito ng mundo habang umiikot ang dahilan ng unti-unting paglayo ng galaw ng mga bituin sa kalangitan (isang epekto na tinatawag sa ingles na ‘recession’) sa loob ng 5,125 na pagikot ng mundo sa axis nito. Natuklasan din ng mga Mayan na minsan sa bawat pag-ikot ng mundo sa axis nito, ang isang madilim na ‘band’ sa sentro ng Milky Way na tinatawag na ‘Galactic Ecuator’ ay sumasalubong sa Elliptical na pag-inog ng araw (ang paraan ng paggalaw ng araw sa kalangitan).

Sa pagsasalubong na ito, naaabot ng araw ang tinatawag na ‘solstice’ (isang maiksing sandali kung kailan ang posisyon ng araw ay nasa pinakamalayong anggulo sa bawat panig ng equatorial plane sa paningin ng nagmamasid). Nangyari ito noong Disyembre 21, 2012 sa Hilagang Hemisphere at Hunyo 21 sa Timog Hemisphere. Sa panahong ito, ang solstice ay nagaganap sa parehong panahon kasabay ng Galactic Equator sa Milky Way. Ang taong ito ay naganap (katumbas nito sa ating Kalendaryong Gregorian) noong 2012 A.D. at huling naganap noong Agosto 11, 3114 B.C. Pinaniniwalaan ng mga Mayan na ang araw ay isang diyos at ang Milky Way ay ang pintuan ng buhay at kamatayan, at pinaniwalan din nila na ang pagsasalubong na ito sa nakaraan ay ang panahon ng paglikha sa lahat ng bagay. Ipinalalagay sa mga manuskrito ng mga Mayan na ang muling pagsasalubong na ito (na nangyari noong Disyembre 21, 2012) ay siyang magsisilbing wakas at pasimula ng bagong pagikot ng panahon.

Ang tinatawag na ‘Propesiya ng mga Mayan noong 2012’ ay imbento lamang ng malilikot na imahinasyon ng tao ayon sa hindi pa tiyak na interpretasyon ng mga iskolar sa mga Mayan hieroglyphics. Bukod sa pagsasalubong ng ’Galactic Ecuator’ sa Elliptical na posisyon ng Milky Way, napakaliit ng indikasyon na nanghula ang mga Mayan patungkol sa anumang mga mangyayari sa malayong hinaharap. Hindi mga tunay na propeta ang mga Mayan, at ni hindi nga nila nahulaan ang kanilang sariling pagkalipol sa kasaysayan ng mundo. Totoong mahusay sila sa Matematika at mga magagaling na astrologo, ngunit sila ay mga brutal at bayolenteng tao rin at may kaunting pangunawa lamang sa mga normal na kaganapan sa mundo. Nagsasanay din sila ng pagaalay ng mga tao sa Diyos at sa brutal na paghahandog ng dugo ng mga tao sa ‘diyos na araw.’ Isa sa mga kakatwa nilang paniniwala ay ang pagbububo diumano ng dugo ng tao ang nagbibigay ng buhay at kapangyarihan sa araw.

Walang kahit anong ebidensya o katuruan sa buong Bibliya na magugunaw ang mundo o may mangyayaring pandaigdigang kalamidad noong Disyembre 21, 2012. Hindi kailanman itinuro sa Bibliya ang mga pangitain o tanda sa kalawakan na tinukoy ng mga Mayan bilang tanda sa paggunaw ng mundo. Napakasalungat sa katotohanan kung hahayaan ng Diyos na matuklasan ng mga Mayan ang isang kamangha-manghang katotohanan at ilihim niya iyon sa mga propeta sa Lumang Tipan at panatilihin silang walang alam sa mga kapanahunan na gaya ng interpretasyon sa kalendaryo ng mga Mayan. Sa huli, walang kahit anong ebidensya sa buong Bibliya na ang hula ayon sa Kalendaryo ng mga Mayan ay maituturing na isang kapanipaniwalang hula tungkol sa pagwawakas ng mundo.

Kabilang din sa mga paniniwala ng mga Mayan bukod sa hula tungkol sa paggunaw ng mundo noong Disyembre 21, 2012 ay ang mga sumusunod na teorya: ang araw ay isang diyos; ang araw ay binibigyan ng kapangyarihan ng dugo ng tao; ang paglikha ay nangyari noong 3,114 B.C. (sa kabila ng mga ebidensya na nangyari ang paglikha ng mas maaga sa petsang ito); at ang pagkakalinya ng mga bituin ay may kinalaman sa mga nangyayari sa pang araw araw na buhay ng mga tao sa lupa. Gaya ng ibang hidwang relihiyon, itinataas ng relihiyon ng mga Mayan ang mga nilikha sa halip na ang mismong Lumikha. Sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa maling pagsamba: "Tinalikdan nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang nilalang sa halip na ang Lumalang na siyang dapat papurihan magpakailanman!" (Roma 1:25), at "Mula pa nang likhain niya ang sanlibutan, ang kalikasang di nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa niya. Kaya't wala na silang maidadahilan" (Roma 1:20). Ang pagtanggap sa propesiya ng mga Mayan at ng kung sinu-sinong bulaang propeta na manghuhula ng eksaktong taon o araw ng pagkagunaw ng mundo o ng pagdating ng Panginoong Hesu Kristo ay pagtanggi sa malinaw na katuruan ng Bibliya tungkol sa dito. Sinabi sa atin ni Hesus, "Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man---ang Ama lamang ang nakaaalam nito" (Markos 13:32).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang propesiya ng mga Mayan noong 2012?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries