settings icon
share icon
Tanong

Sino ang dalawampu't apat (24) na matatanda sa aklat ng Pahayag?

Sagot


Sinasabi sa Pahayag 4:4, "Nakapaligid dito ang dalawampu't apat pang trono. Nakaluklok doon ang dalawampu't apat na matatanda; puti ang kanilang kasuutan at may koronang ginto ang bawat isa." Hindi partikular na ipinakilala saanman sa aklat ng Pahayag kung sinu sino ang 24 na matatandang ito. Gayunman, maaaring sila ay mga kinatawan ng Iglesya. Hindi maaaring sila ay mga anghel, gaya ng panukala ng iba. Ang katotohanan na nakaupo sila sa trono ay nagpapahiwatig na sila ay kasamang mamumuno ni Kristo. Hindi binanggit saanman sa Bibliya na ang mga anghel ng Diyos ay mamumuno o mauupo sa trono. Ngunit tungkol sa Iglesya, paulit ulit na sinasabi sa Bibliya na mamumuno at maghahari silang kasama ni Kristo (Pahayag 2:26-27, 5:10, 20:4; Mateo 19:28; Lukas 22:30).


Bilang karagdagan, ang salitang Griyegong isinalin sa salitang tagalog na ‘matanda’ ay hindi kailanman ginamit para sa mga anghel kundi para lamang sa mga tao, partikular sa mga taong may sapat na gulang na at may kakayahang mamuno sa Iglesya. Nagpapahiwatig din ang kanilang pananamit na ang matatandang ito ay mga lalaki. Habang ang mga anghel ay nakaputi din sa tuwing magpapakita, ang puting kasuutan ay pangkaraniwang ginagamit para sa mga mananampalataya na sumisimbolo sa katuwiran ni Kristo na ipinahiram sa kanila para sa kanilang ikaliligtas (Pahayag 3:5,18; 19:8).

Ang mga gintong korona na suot ng matatanda ay nagpapahiwatig din na sila ay mga tao, hindi mga anghel. Hindi kailanman ipinangako ang korona para sa mga anghel o nakita man ang mga anghel na may suot ng korona. Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang tagalog na ‘korona’ ay tumutukoy sa korona ng pagtatagumpay, na isusuot para sa mga nakipagbaka at nagtagumpay gaya ng ipinangako ni Kristo (Pahayag 2:10; 2 Timoteo 4:8; Santiago 1:12).

May ilang naniniwala na ang 24 na matatanda ay kumakatawan sa Israel, dahil sa panahon ng pagkakita sa pangitaing ito, ang Israel bilang bansa ay hindi pa natutubos. Hindi maaaring ang matatandang ito ay ang mga banal sa panahon ng pitong taon ng kapighatian sa dahilang hindi pa sumasampalataya ang lahat ng mga tinubos sa panahon ng pangitain ni Juan. Ang pinakamalapit na interpretasyon sa pagkakakilanlan ng 24 na matatandang ito na umaawit ng awit ng Katubusan (Pahayag 5:8-10) ay sila ang mga matatanda na kumakatawan sa dinagit na Iglesya sa ikalawang pagparito ni Kristo. Nakasuot sila ng korona ng pagtatagumpay at dinala sila sa lugar na ipinangako sa kanila ng kanilang Manunubos (Juan 14:1-4).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang dalawampu't apat (24) na matatanda sa aklat ng Pahayag?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries