Tanong
Ang mga aklat ba gaya ng 90 minuto sa langit, 23 minuto sa impiyerno (90 minutes in Heaven and 23 minutes in Hell) ay naaayon sa Bibliya?
Sagot
Ang kalalabas lamang na mga best-selling na aklat ni Todd Burpo na Heaven is for Real at 90 Minutes in Heaven ni Don Piper at 23 Minutes in Hell ni Bill Wiese ay naghahanap ng kasagutan – Totoo ba na may mga taong dinadala ng Diyos sa langit o impiyerno at binibigyan ng pangitain ng langit o impiyerno? Posible ba na may isang taong dadalhin ng Diyos sa langit at impiyerno at pagkatapos ay pababalikin sa lupa upang dalhin ang isang mensaheng galing sa Diyos? Habang muling binubuhay ang konseptong nabanggit ng popularidad ng mga librong ito, walang bago sa mga pagaangking ito. Ang mga librong gaya ng A Divine Revelation of Hell at A Divine Revelation of Heaven ni Mary Baxter at We Saw Heaven ni Roberts Liardon ay malaon ng nasa sirkulasyon. Ang susing tanong ay ito: ang mga pagaangkin bang ito ay naaayon sa Bibliya?
Una, mahalagang malaman na may kakayahan ang Diyos na bigyan ng pangitain ang sinuman ng langit at impiyerno. Binigyan ng Diyos si Apostol Pablo ng ganitong pangitain sa 2 Corinto 12:1-6. Itinala din ni Isaias ang kanyang kahanga-hangang karanasan sa ikaanim na kabanata ng kanyang aklat. Posibleng dinala ng Diyos sina Piper, Wiese, Baxter, at iba pa sa langit at impiyerno at pagkatapos ay bumalik. Ang Diyos lamang ang tunay na nakakaalam ng buong katotohanan kung ang mga kuwentong ito ay totoo o resulta lamang ng kanilang imahinasyon, mga pinalaking kuwento o tahasang panloloko. Ang tanging paraaan upang malaman natin kung totoo ang mga kuwentong ito ay sa pamamagitan ng pagkukumpara sa kanilang karanasan sa sinasabi ng Salita ng Diyos.
Kung tunay na bibigyan ng Diyos ang isang tao ng pangitain ng langit at impiyerno, isa lamang ang tiyak, ang pangitaing iyon ay ganap na kasang-ayon dapat ng Salita ng Diyos. Hindi sasalungatin ng isang pangitaing galing sa Diyos ang Kanyang salita sa anumang paraan gaya ng sinabi sa Pahayag 21 at 22. Tangi sa rito, kung tunay na nagbibigay ang Diyos ng maraming pangitain ng langit at impiyerno, ang mga pangitaing iyon ay hindi dapat na magkakontra sa bawa’t isa. Oo, maaaring ang mga pangitain ay magkakaiba at nakatuon sa iba’t ibang detalye, ngunit hindi sila dapat na nagkakasalungatan kung tunay silang galing sa Diyos.
Gaya ng anumang aklat na sinulat ng kahit sinong manunulat sinasabi ng Bibliya na, “Suriin ninyo ang lahat ng bagay at gawin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan” (1 Tesalonica 5:21-22). Kung babasahin mo ang mga librong ito, basahin mo ito ng may mapanuring isipan. Lagi mong ihambing ang sinasabi ng manunulat sa sinasabi ng Kasulatan. Higit sa lahat, huwag mong hayaan na ang karanasan ng ibang tao at ang kanilang interpretasyon sa karanasang iyon ang humubog sa iyong pangunawa sa Kasulatan. Ang Kasulatan ay dapat gamitin sa pagpapaliwanag sa karanasan hindi ang kabaliktaran nito. Mapagpala ka at mapalakas ng mga nangyari sa ibang tao, ngunit huwag mong hayaan na ang kanilang karanasan ang maging pundsasyon ng iyong pananampalataya at paglakad sa Panginoon.
Sa pangkalahatan, nakita namin na ang 90 Minutes in Heaven ni Don Piper at Heaven is for Real ni Todd Burpo ang mas malapit sa Kasulatan kaysa sa ibang aklat. Mas tapat at mapagpakumbaba ang pagkakalahad ni Piper at Burpo sa isyu. Kung totoo man o hindi na ang kanilang mga pangitain ay nanggaling sa Diyos, ang kanilang karanasan ay masasabing mahimala. Ngunit muli, magbasa tayo ng may maingat na pagsusuri at pagtatalaga sa Bibliya bilang pinakamataas na awtoridad ng katotohanan.
Nang dalhin si Apostol Pablo sa “Paraiso,” “nakarinig siya roon ng mga salitang di masayod na hindi nararapat salitain ng tao” (2 Corinto 12:4). Ganito rin ang naranasan ni Apostol Juan (Pahayag 10:3-4) at ni Propeta Daniel (Daniel 8:26; 9:24; 12:4). Inutusan sila na huwag ihayag ang mga pangitaing kanilang nasaksihan. Katakataka naman para sa Diyos na utusan sina Pablo, Daniel, at Juan na ilihim ang mga aspeto ng ipinahayag sa kanila ng Diyos at paglipas ng 2,000 taon ay magbigay Siya ng mas maraming pangitain sa iba at payagan sila na ipahayag ng buo ang kanilang mga nakita. Aming pinaninindigan na ang mga librong ito na nagaangkin ng mga pangitain at paglalakbay sa langit ay dapat na pagdudahan at higit sa lahat, ipailalim sa awtoridad ng Bibliya.
English
Ang mga aklat ba gaya ng 90 minuto sa langit, 23 minuto sa impiyerno (90 minutes in Heaven and 23 minutes in Hell) ay naaayon sa Bibliya?