Tanong
Ano ang mga hula sa Bibliya na natupad noong 70 AD?
Sagot
Napakahalaga sa kasaysayan ng Israel ang mga naganap noong AD 70 at iniuugnay ng marami ang panahong iyon sa mga hula sa Bibliya. Sa pagaaral sa paksang ito, magandang tandaan na hindi inilalarawan ng hula ang hinaharap kagaya ng paglalarawan ng kasaysayan sa nakalipas. Ito ang dahilan ng iba’t ibang interpretasyon sa mga hula sa Bibliya. May partikular na interes ang mga tao sa mga hula na may kinalaman sa pagwawakas ng panahon, isang kategorya sa teolohiya na tinatawag na eskatolohiya. Sa makabagong Kristiyanismo, karamihan sa mga diskusyon ay hindi tungkol sa kung anong mga pangyayari ang hinulaan kundi kung kailan naganap ang mga hula. Ang pinaka-pangkaraniwan sa mga diskusyong ito ay ang mahalagang taon na AD 70, kung kailan lubusang winasak ng mga Romano ang templo ng mga Judio.
Halos lahat ng mga interpretasyon ng mga Kristiyano sa mga hula ay nagkakaisa na may ilang hula ang natupad bago mag AD 70 at mismong noong AD 70. Hinulaan ni Jesus ang pagkawasak ng templo (Lukas 21:6; Mateo 24:2) at may ilang nagsasabi na maging ang pagpatay ng mga Romano sa mga Judio (Lukas 23:27-31). Sa kasaysayan, ang mga pangyayaring ito ay sumasang-ayon sa mga pananalita ni Jesus. May malaking pagkakasundo sa nakararaming interpretasyong Kristiyano sa mga hulang ito na literal na natupad noong AD 70.
May mga debate kung naganap na o hindi pa nagaganap ang mga karagdagang hula gaya ng makikita sa Daniel kabanata 9, Mateo kabanata 24—25, at Pahayag kabanata 6—18 bago ang AD 70. Ang partial preterism at full preterism ay naniniwala na karamihan kung hindi man lahat ng mga hula sa Bibliya ay naganap na bago magtapos ang unang siglo, karamihan noong bago ang AD 70. Pinaniniwalaan ng dispensationalism na ang pagkawasak lamang ng templo at posibleng ang pagpatay sa mga Judio ang aktwal na naganap noong AD 70 at ang mga natitira sa mga hula ay magaganap pa sa hinaharap sa panahon ng kapighatian o labis na kahirapan.
Sa aspeto ng ebidensya sa kasaysayan, mahirap patunayan na ang mga hula sa Bibliya ay naganap ng lahat bago matapos ang AD 70. Maaaring gamitin ang mga nangyari noong AD 70 para sabihin na iyon ang katuparan ng partikular na hula depende sa pananaw ng nagaangkin. Siyempre, kung gagamit ang isang tao ng sapat na antas ng interpretasyon sa paraang simbolismo, kahit anong pangyayari ay maaaring gamitin para sabihing iyon ang katuparan ng kahit anong hula sa Bibliya. Gayunman, dapat ding tandaan na nakakaraming interpretasyon ng mga hindi naniniwala sa dispensasyon ay kinakailangang tapos ng isulat ang aklat ng Pahayag bago ang AD 70 (dahil isinulat sa aklat ng Pahayag ang maraming mga hula) na isang bagay na hindi sinasang-ayunan ng karamihan ng mga iskolar ng Bibliya.
Ang pinakamahirap na depensahan ng mga naniniwala na naganap ng lahat ang mga hula sa Bibliya bago at noong AD 70 ay ang aspetong teolohikal. Sa partikular, ang interpretasyong preterismo ay nangangailangang gumamit ng napakagulo at pinaghalo-halong literal at simbolismong pagpapaliwanag sa mga talata sa Bibliya. Kailangang ipaliwanag ng isang preterista—gamit ang mga haka-haka at magkakaibang pinaghalo-halong interpretasyong literal at pigura ng pananalita—ang mga salita, mga talata, at mga parirala na makikita sa parehong diskurso, o maging sa parehong talata.
Ang pinaka-kapanipaniwalang interpretasyon ay naganap ang pagpatay sa mga Judio at ang pagwasak sa templo noong AD 70, ngunit ang iba pang mga pangyayari na inihula at inilarawan sa aklat ni Daniel, Mateo, at aklat ng Pahayag ay hindi pa nagaganap. Tunay na ang mga iyon ay mga hula tungkol sa mga magaganap sa hinaharap.
English
Ano ang mga hula sa Bibliya na natupad noong 70 AD?