settings icon
share icon

Aklat ni Job

Manunulat: Hindi partikular na tinukoy sa aklat kung sino ang manunulat ng Aklat ni Job. Ang posibleng kandidato ay sina Job, Elihu, Moses at Solomon.

Panahon ng Pagkasulat: Ang panahon ng pagkasulat sa Aklat ni Job ay madedetermina kung sino ang manunulat ng aklat. Kung si Moises ang manunulat, ang panahon ng pagkasulat ay humigit kumulang 1400 B.C. Kung si Solomon naman ang sumulat, maaaring nasulat ang aklat noong humgit kumulang 950 B.C. Dahil hindi natin kilala ang manunulat ng aklat, hindi rin natin malalaman ang tiyak na panahon ng pagkasulat ng Aklat ni Job.

Layunin ng Sulat: Tinutulungan tayo ng Aklat ni Job na maunawaan ang mga sumusunod: Hindi maaring makagawa si Satanas ng pinansyal at pisikal na pananalanta sa atin malibang pahintulutan siya ng Diyos. Ang Diyos ang may kapamahalaan sa lahat ng ginagawa ni Satanas. Walang tayong kakayahan na maunawaan ang mga dahilan sa likod ng pagdurusa sa mundo ngunit ang tiyak, aanihin ng masama ang kanilang itinanim. Hindi natin laging maisisisi ang ating paghihirap sa ating sariling kagagawan. Minsan, pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa upang subukin, turuan, linisin at palakasin ang ating pananampalataya at ang ating espiritu. Laging karapatdapat at sapat ang Diyos at hinihingi Niya sa atin ang ating pagibig at pagpupuri sa gitna ng lahat ng kalagayan natin sa buhay.

Mga Susing Talata: Job 1:1, "May isang lalaking Job ang pangalan at nakatira sa lupain ng Uz. Mabuti siyang tao. Malinis ang kanyang pamumuhay. May takot siya sa Diyos at hindi gumagawa ng masama."

Job 1:21, "Ang sabi niya: "Hubad akong lumabas sa tiyan ng aking ina, hubad din akong babalik sa alabok. Si Yahweh ang nagbibigay, siya rin ang kukuha. Purihin si Yahweh!"

Job 38:1-2, - Sa gitna ng nag-aalimpuyong bagyo, ganito ang sinabi ng Diyos kay Job: "Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman? Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan."

Job 42:5-6, - Nakilala kita sa balita lamang, ngunit ngayo'y akin nang namasdan. Kaya ako'y nagsisisi nang buong taimtim, at ang sarili ko'y aking itinatakwil."

Maiksing pagbubuod: Nagbukas ang aklat sa isang eksena sa langit kung saan humarap si Satanas sa Diyos at inakusahan si Job Kanyang harapan. Ipinagpilitan ni Satanas na naglilingkod lamang si Job sa Diyos dahil pinagpapala siya nito. Hiniling niya sa Diyos na pahintulutan siya na subukin ang pananampalataya at katapatan ni Job. Pinahintulutan ng Diyos si Satanas, ngunit mayroong hangganan. Bakit kailangang magdusa ang matuwid? Ito ang tanong ni Job pagkatapos na mawala ang kanyang pamilya, kayamanan at kalusugan. Dumating ang tatlong kaibigan ni Job na sina Elifaz, Bildad at Zofar, upang "aliwin" siya at pagusapan ang serye ng trahedya na dumating sa kanyang buhay. Ipinagpilitan nila na ang kanyang pagdurusa ay parusa ng Diyos dahil sa kanyang mga kasalanang nagawa. Ngunit nanatiling tapat si Job sa kabila ng lahat at nangatwiran na ang kanyang nararanasan ay hindi dahil sa kanyang mga kasalanan. Ang ikaapat na kaibigan ni Job na nagngangalang Eliu ang nagsabi kay Job na dapat siyang magpakumbaba at magpasakop sa mga pagsubok ng Diyos upang siya'y linisin. Sa huli, tinanong ni Job ang Diyos at natutuhan niya ang mahalagang leksyon tungkol sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos at ang pangangailangan niya ng buong pagtitiwala sa Diyos. Pagkatapos ng lahat, muling ibinalik ng Diyos ang kanyang kalusugan, kasiyahan at kayamanan ng higit pa sa dati.

Mga pagtukoy kay Kristo: Habang iniisip ni Job ang kanyang paghihirap, tatlong katanungan ang nabuo sa kanyang isipan na ang kasagutan ay tanging kay Hesu Kristo lamang matatagpuan. Ang mga tanong na ito ay matatagpuan sa kabanata 14.

Una, sa ika-apat na talata, itinanong ni Job, "Mayroon bang malinis na lilitaw mula sa taong marumi?" Ang tanong na ito ay nagmula sa puso ni Job na kinikilala na ang puso ng tao ay hindi maaaring magbigay kasiyahan sa Diyos o magpawalang-sala sa tao sa Kanyang harapan. Banal ang Diyos, makasalanan ang tao. Kaya nga may napakalaking agwat sa pagitan ng Diyos at tao dahil sa kasalanan. Ngunit matatagpuan ang sagot sa katanungang ito ni Job kay Hesu Kristo. Binayaran Niya ang kabayaran ng ating mga kasalanan at pinalitan ito ng katwiran at ginawa tayong katanggap tanggap sa paninign ng Diyos (Hebreo 10:14; Colosas 1:21-23; 2 Corinto 5:17).

Ang ikalawang tanong ni Job, "Kung mamatay ang tao, siya kaya'y mabubuhay?" (tal. 14). Ito ay isang tanong tungkol sa buhay at kamatayan na kay Kristo lamang matatagpuan ang kasagutan. Ang sagot sa katanungan kung saan pupunta ang isang tao na sumampalataya kay Hesus pagkatapos ng kamatayan ay sa langit. Ang taong hindi sumampalataya ay gugugulin ang walang hanggan sa "kadiliman sa labas" kung saan "tatangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin" (Mateo 25:30).

Ang ikatlong tanong ni Job na matatgpuan din sa talata 14, Kung mamatay ang tao, ano ang mangyayari sa Kanyang buhay?" Muli, ang sagot ay matatagpuan kay Kristo. Tunay na mabubuhay tayong muli kung tayo ay na kay Kristo. "Kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: "Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay!" Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?" (1 Corinto 15:54-55).

Praktikal na Aplikasyon: Ipinapaalala sa atin ng aklat ni Job na may labanang nagaganap sa pagitan ng mabuti at masama na hindi natin lubos na nauunawaan. Lagi tayong nagtatanong kung bakit pinahintulutan Niyang mangyari ang isang bagay at pinagdududahan natin ang kanyang kabutihan dahil hindi natin nakikita ang buong larawan. Tinuturuan tayo ng Aklat ni Job na dapat tayong magtiwala sa Diyos sa lahat ng pagkakataon. Dapat tayong magtiwala sa Diyos hindi lamang kung kailan hindi natin hindi naiintindihan kundi dahil hindi talaga natin naiiintindhian. Sinasabi sa atin ng Mangaawit, "Ang Diyos na ito ay ganap ang gawa, at maaasahan ang kanyang salita;" (Awit 18:30). Kung ganap ang Kanyang mga gawa, mapagtitiwalaan natin Siya sa anumang bagay na Kanyang ginagawa at sa mga bagay na Kanyang pinahihinutulutang mangyari sa ating buhay - dahil ang lahat ng iyon ay ganap. Maaaring imposible para sa atin ang mga bagay-bagay ngunit ang isipan natin ay hindi isipan ng Diyos. Hindi natin perpektong mauunawaan ang isipan ng Diyos gaya ng paalala niya sa atin, "Ang wika ni Yahweh: "Ang aking isipa'y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa't isip ko'y hindi maaabot ng inyong akala" (Isaias 55:8-9). Ganun pa man, responsibilidad natin na sumunod sa Diyos, magtiwala sa Kanya at magpasakop sa Kanyang kalooban, nauunawaan man natin iyon o hindi.

English



Pagsusuri sa Lumang Tipan

Aklat ni Job
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries