settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Dating Daan/mga Miyembro ng Iglesia ng Diyos Internasyonal? Ano ang mga katuruan ng relihiyong ito?

Sagot


“Ang Dating Daan” ay pangalan ng programa sa radyo at telebisyon ni Eliseo Soriano, ang nagtatag ng “Mga Miyembro ng Iglesia ng Diyos Internasyonal,” isang relihiyon na katutubo sa Pilipinas. Ang Dating Daan ay dapat na ituring na isang kulto sa loob ng Kristiyanismo dahil sa pagtanggi nito sa ilang katuruan ng Bibliya at sa pagiging eksklusibo nito.

Si Eliseo Soriano, na tinatawag na “Brother Eli” ng kanyang mga miyembro, ay dating disipulo ni Nicolas Perez, ang nagtatag at punong ministro ng Iglesya ng Diyos kay Kristo Hesus, Haligi at Suhay ng Katotohanan, isang organisasyong panrelihiyon na humiwalay sa Iglesia ni Kristo na itinatag naman ni Felix Manalo. Tinatawag ni Soriano ang kanyang sarili na “Ang Pantas na Tao,” “Ang Lumalakad na Bibliya,” “Makabagong Jeremias,” “Ang Itinalaga,” at “Siya na may hawak ng Susi.” Si Soriano ay nakatira sa labas ng Pilipinas mula noong 2005 dahil sa mga kasong paninirang puri at akusasyon ng panggagahasa sa isang lalaking miyembro.

Ipinakikilala ni Soriano ang kanyang sarili bilang “ang pinakamatinong mangangaral sa lahat ng panahon.” Ginagamit ni Soriano ang telebisyon, radyo at internet at ang paraan ng pagtuturo na “tanong at sagot” upang ipakalat ang kanyang katuruan. Ang kanyang metodolohiya sa pagpapaliwanag sa mga teksto ng Bibliya ay literalismo at hindi siya gumagamit ng tamang hermeneutiko o tamang paraan ng pagpapaliwanag sa Bibliya. Walang nakasulat na kapahayagan ng pananampalataya ang ADD/MCGI dahil marahil sa kadahilanang madalas na kinokontra ni Soriano ang kanyang sariling katuruan. Kilala rin si Soriano sa pagmumura, pagalipusta sa kanyang mga kadebate at pagdura sa harap ng kamera habang ini-ere ang kanyang programa sa telebisyon.

Maraming ginagawang pagkakawanggawa ang Dating Daan sa larangan ng medisina, edukasyon, pangangalaga sa kalikasan, at gawaing panglipunan. Gayunman, ang mga pagkakawanggawang ito ng organisasyon ay natatabunan ng mga maling doktrina. Itinuturo ng MCGI ang sariling bersyon nito ng dosetismo. Itinuturo ni Soriano na si Hesus ay hindi tao kundi Diyos lamang at ang kanyang espiritu na tumira sa katawan ng tao ay hindi espiritu ng tao kundi Espiritu ng Diyos. Ang maling katuruang ito ay mariing itinutuwid ng maraming sitas sa Kasulatan gaya ng 1 Juan 4:2-3 kung saan sinasabi, “Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay naging tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng anti-Cristo ang nasa kanila. Nasabi na sa inyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa daigdig na." Sa esensya, Sinasabi ni Apostol Juan na ang katuruan na hindi tunay na naging tao si Kristo ay isa sa mga katuruan ng anti-kristo.

Hindi naniniwala si Soriano sa doktrina ng Trinidad, sa halip, pinaniniwalaan niya na ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Banal na Espiritu ay “tatlong kapangyarihan ng Diyos sa langit.” ayon kay Soriano hindi magkakapantay ang Ama ang Anak at ang Banal na Espiritu. Si Kristo ay isa lamang “makapangyarihang Diyos” hindi ang “Pinakamakapangyarihang Diyos” na gaya ng Ama habang ang Banal na Espiritu ay isa lamang literal na kapangyarihan ng Diyos.

Pinaniniwalaan at sinasanay din ng MCGI ang mga sumusunod:

– May sangkap ng katawan ng tao ang Diyos gaya ng kamay, mata, paa at maging ng puwet. Ngunit wala Siyang tuhod dahil kahit maraming diyos, hindi Siya sasamba sa ibang diyos dahil Siya lamang ang Diyos na dapat pagukulan ng pagsamba. Ngunit sinasabi sa Kasulatan na ang Diyos ay walang pisikal na sangkap o anyo dahil Siya ay Espiritu (Juan 4:24).

– Nakatira ang Diyos sa Kanyang sariling planeta na nasa isang dako ng kalawakan. Ang katuruang ito ay may pagkakahawig sa doktrina ng Mormonismo na ang mga diyos na bumaba sa lupa ay nagmula sa langit malapit sa planetang “kolob.”

– Hindi sumasalahat ng dako ang Diyos. Maaring gustuhin ng Diyos na pumunta sa isang dako ngunit wala Siya sa isa pang dako. Tahasan nitong sinasalungat ang katuruan ng Bibliya na ang Diyos ay nasa lahat ng dako. “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang.” “Walang makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa” (Jeremias 23:23-34).

– Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pagsapi sa Dating Daan/MCGI, sa pamamagitan ng pagpapabawtismo at paggawa ng mga gawang ayon sa katuwiran. Pansinin ang isang pangungusap na kinuha sa website ni Soriano, “Naniniwala kami na tinatawag kami ng Diyos ng may determinasyon na paglingkuran Siya, sa pamamagitan ng pagdadala Niya sa amin sa Kanyang kawan, at itinuturo ang tungkol sa katuwiran pagkatapos na mabawtismuhan upang ang aming kasalanan ay matakpan sa pamamagitan ng mahal na dugo ni Hesu Kristo na nabuhos sa Bundok ng Kalbaryo para sa katubusan ng aming kasalanan at upang maging karapatdapat sa buhay na walang hanggan sa kalangitan.” Ang pangungusap na ito ay malinaw na nagtuturo na para sa Dating Daan, ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Ngunit itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay biyaya lamang ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo hindi dahil sa mabubuting gawa, “Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman” (Efeso 2:8-9).

– Ipinagbabawal sa MCGI ang pagdiriwang ng mga piyesta at pasko dahil ang mga ito ay mga uri ng pagsamba sa mga diyus diyusan. Ipinagbabawal din ang pagiinom ng alak, panonood ng sine at pagkokolorete ng mukha, pagsusuot ng pantalon, pagsusuot ng damit na lapat sa katawan para sa mga babae.

Marami sa mga doktrina na Dating Daan o Mga Miyembro ng Iglesia ng Diyos ang hindi naaayon sa Bibliya. At tiyak din na hindi ayon sa Bibliya ang ginagawang pagmumura at pagalipusta ni Soriano sa kanyang mga kadebate gaya ng sinabi ni Pablo kay Timoteo, “Ang lingkod ng Diyos ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabuti sa pakikitungo sa lahat, mahusay magturo at matiyaga” (2 Timoteo 2:24). Sa kabila ng kasikatan at pagkakawanggawa ng Dating Daan, ang relihiyong ito ay dapat na iwasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Dating Daan/mga Miyembro ng Iglesia ng Diyos Internasyonal? Ano ang mga katuruan ng relihiyong ito?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries