Tanong
Ano ang Mapalad? Ano ang ibig sabihin ng “mapalad” sa sermon sa bundok ni Hesus?
Sagot
Ang Kabanata 5:3-12 ng aklat ng Mateo ay kilala sa tawag na “Ang Mapalad.” Ito ang turo ni Hesus tungkol sa walong “mapalad” sa Kanyang sermon sa bundok (Mateo 5:3-12), ang bawat talata sa kabanatang ito ay naguumpisa sa salitang “mapalad ang mga.” Laging pinagtatalunan kung eksaktong ilan ang “mapalad” sa mga talatang ito. May ilang nagsasabi na pito, mayroon namang nagsasabi na siyam, ang iba naman ay nagsasabi na may sampung “mapalad” sa mga talatang ito ngunit mas malamang ang bilang na walo (iisa lamang na “mapalad” ang tinutukoy sa talatang 11- 12).
Ang salitang Griyego na isinalin sa Tagalog na “Mapalad” ay nangangahulugan na “espiritwal na kasaganaan.” Ito ang salitang tumutukoy sa malalim na karanasan ng kagalakan ng kaluluwa ng isang alagad ni Kristo. Ang mga nakakaranas ng mga nabanggit sa unang bahagi ng mga talata (aba, nahahapis, mapagpakumbaba, nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, mahabagin, may malinis na puso, gumagawa ng daan sa pagkakasundo at mga pinaguusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos) ay nakakaranas din ng mga tinukoy na karanasan sa ikalawang bahagi ng mga talata (kaharian ng Diyos, kaaliwan, mga pangako ng Diyos, kabusugan, pagkakita sa kaharian ng langit). Ang mga mapalad ay makakabahagi sa kaligtasan at makakapasok sa kaharian ng Diyos at makakapasok sa langit. Ang isa pang salin sa “mapalad” ay “isang taong puspos ng kagalakan.”
Inilalarawan ng mga talatang ito ang mga ideyal na katangian ng isang alagad ng Panginoon at ang kanyang mga gantimpala, sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang mga katangian at uri ng pamumuhay ng tao na inilalarawan ni Hesus sa mga talatang ito ay kabaliktaran ng mga katangian at uri ng pamumuhay ng mga taong “nasa labas ng kaharian.” Bilang isang anyo ng panitikan, ang “mapalad” ay matatagpuan din sa Lumang Tipan, partikular sa aklat ng mga Awit (1:1; 34:8; 65:4; 128:1) gayundin sa Bagong Tipan (Juan 20:29; 14:22; Santiago 1:12; Pahayag 14:13).
English
Ano ang Mapalad? Ano ang ibig sabihin ng “mapalad” sa sermon sa bundok ni Hesus?