Tanong
Ano ang Bibliya?
Sagot
Ang salitang “Bibliya” ay nanggaling sa salitang Latin at Griego na nangangahulugang “Libro,” isang angkop na pangalan dahil ang Bibliya ay ang Aklat para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon. Ito ay Aklat na walang katulad at natatangi sa lahat ng Aklat.
Ang Biblita ay binubuo ng 66 na mga aklat. Kasama sa mga ito ay mga aklat ng Kautusan gaya ng Levitico at Deuteronomio; mga Aklat kasaysayan gaya ng Ezra at Mga Gawa; mga aklat tulaan gaya ng Mga Awit at Mangangaral; Mga aklat ng mga hula gaya ng Isaias at Pahayag; mga talambuhay gaya ng Mateo at Juan at mga personal na sulat gaya ng Tito at Hebreo.
Ang mga May Akda
May humigit kumulang apatnapung taong manunulat ang nagkontribusyon sa Bibliya na isinulat sa loob ng mahigit na 1500 taon. Kabilang sa mga sumulat ng mga aklat nito ay mga hari, mangingisda, pastor, saserdote, opisyal ng gobyerno, abogado at manggagamot. Mula sa mga pagkakaibang ito nabuo ang isang hindi kapanipaniwalang pagkakaisa, na may iisang tema na bumubuo sa mga aklat mula umpisa hanggang wakas.
Ang pagkakaisa ng mga aklat ng Bibliya ay sa kadahilanang ang talagang may akda nito ay ang Diyos mismo. Ang Bibliya ay “hiningahan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16). Ang mga tao na ginamit upang sumulat ng mga aklat ay pinangasiwaan ng Diyos at ipinasulat kung ano lamang ang gusto Niyang maisulat at ang resulta ay ang perpekto, banal at walang kamaliang Salita ng Diyos (Awit 12:6; 2 Pedro 1:21).
Ang Pagkakahati
Ang Bibliya ay nahahati sa dalawang pangunahing bahagi: Ang Lumang Tipan at ang Bagong Tipan. Sa maiksing salita, ang Lumang Tipan ang salaysay tungkol sa isang bansa at ang Bagong Tipan naman ang salaysay tungkol sa isang Tao. Ang bansa ang paraan ng Diyos upang ipadala ang Taong iyon sa mundo - ang Panginoong Hesu Kristo.
Inilalarawan ng Lumang Tipan ang pagkatatag at pagiingat ng Diyos sa bansang Israel. Ipinangako ng Diyos na gagamitin Niya ang bansang Israel upang pagpalain ang buong mundo (Genesis 12:2-3). Mula ng maging isang bansa ang Israel, nagtatag ang Diyos ng isang pamilya mula sa bansang ito upang siyang panggalingan ng pagpapala: ang pamilya ni David (Awit 89:3-4). Mula sa pamilya ni David, ipinangako ang pagdating ng isang Tao na magdadala ng pagpapala sa buong mundo (Isaias 11:1-10).
Ang bagong Tipan ay nagdedetalye ng pagdating ng ipinangakong Tao. Ang kanyang pangalan ay Hesus at Kanyang tinupad ang mga hula sa Lumang Tipan, nabuhay na banal, namatay bilang Tagapagligtas at bumangon mula sa mga patay.
Ang Pangunahing Karakter
Si Hesus ang pangunahing karakter sa Bibliya - ang buong aklat ay talagang patungkol sa Kanya. Hinulaan sa Lumang Tipan ang Kanyang pagdating at siyang naghudyat ng Kanyang pagpasok sa mundo. Inilalarawan sa Bagong Tipan ang kanyang pagdating at ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa makasalanang mundo.
Si Hesus ay higit pa sa isang Tao lamang sa kasaysayan; sa katotohanan Siya ay hindi lamang tao. Siya ang Diyos sa laman at ang kanyang pagdating ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Ang Diyos mismo ay naging tao upang bigyan tayo ng malinaw na larawan kung sino at ano ang Diyos. Kanino mailalarawan ang Diyos? Siya ay gaya ni Hesus; si Hesus ay Diyos sa anyo ng tao (Juan 1:14; 14:9).
Isang Maiksing Pagbubuod
Nilikha ng Diyos ang tao at inilagay sa isang perpektong tirahan; gayunman ang tao ay nagrebelde sa Diyos at bumagsak mula sa estado na nais ng Diyos para sa Kanya. Inilagay ng Diyos ang mundo sa ilalim ng Kanyang sumpa dahil sa kasalanan ngunit agad na nagbigay ng pangako para sa Kanyang plano na ibabalik ang sangkatauhan at ang sangnilikha sa kanilang dating maluwalhating kalagayan.
Bilang bahagi sa plano ng pagtubos, tinawag ng Diyos si Abraham mula sa Babilonia patungo sa Canaan (mga 2000 B.C.). Ipinangako ng Diyos kay Abraham, sa kanyang anak na si Isaac at sa kanyang apong si Jacob (tinatawag ding Israel) na Kanyang pagpapalain ang lahat ng tao sa mundo sa pamamamagitan ng isang manggagaling sa kanilang angkan. Naglakbay ang bansang Israel mula sa Canaan at tumira sa Ehipto at dumami hanggang sila'y naging isang bansa doon.
Humigit kumulang 1400 B.C., pinaalis ng Diyos ang bansang Israel palabas ng Ehipto sa ilalim ng pangunguna ni Moises at ibinigay sa kanila ang Lupang Pangako, ang Canaan, upang mapasakanilang kamay. Sa pamamagitan ni Moises, ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang kanyang mga Kautusan at nakipagtipan sa kanila. Kung sila'y mananatiling tapat sa Diyos at hindi sasamba sa mga diyus-diyosan ng mga katabing bansa, sila'y pagpapalain. Ngunit kung tatalikuran nila ang Diyos at sasamba sa mga diyus-diyosan, wawasakin ng Diyos ang kanilang bansa.
Pagkatapos ng may apat na pung (40) taon, sa pamumuno ni Haring David at ng kanyang anak na si Solomon, ang Israel ay nagkaisa bilang isang dakila at makapangyarihang bansa. Ipinangako ng Diyos kina David at Solomon na manggagaling sa kanilang angkan ang isang hari na maghahari magpakailanman.
Pagkatapos ng paghahari ni Solomon, ang bansang Israel ay nahati. Ang 10 tribu sa hilaga ay tinawag na “Israel.” Sila ay tumagal sa loob ng 200 taon hanggang parusahan sila ng Diyos dahil sa kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan. Sinakop ng Asiria ang Israel noong 721 B.C. Ang dalawang tribu naman sa kanluran ay tinawag na “Judah” at nagtagal sila ng mahaba-habang panahon ngunit sa huli, naglingkod din sila sa mga diyus-diyusan at tumalikod sa Diyos. Binihag ng Babilonia ang Judah noong mga 600 B.C.
May 70 taon ang nakalipas, kinahabagan ng Diyos ang Israel at pinabalik ang mga nabihag sa ibang bansa sa kanilang sariling lupain. Ang Jerusalem, bilang kabisera, ay itinayong muli noong may 444 B.C, at muli nagkaroon ng sariling pagkakakilanlan ang bansang Israel at dito nagtapos ang Lumang Tipan.
Paglipas ng mga 400 taon, ang Bagong Tipan ay nagbukas sa pagsilang ni Hesu Kristo sa Bethlehem. Si Hesus ang ipinangako ng Diyos na magmumula sa lahi ni Abraham at David, ang Siyang magsasakatuparan ng mga plano ng Diyos upang tubusin ang sangkatauhan at muling ibalik ang sangnilikha sa orihinal nitong kalagayan. Buong katapatang tinapos ni Hesus ang kanyang gawain - namatay Siya para sa kasalanan at nabuhay mula sa mga patay. Ang kamatayan ni Kristo ang basehan ng bagong kasunduan ng Diyos sa tao. Ang lahat ng sasampalataya kay Hesus ay maliligtas sa kasalanan at mabubuhay magpakailanman kapiling ang Diyos.
Pagkatapos na mabuhay na mag-uli, isinugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad sa mundo upang ipangalat sa lahat ng dako ang tungkol sa Kanyang buhay at ang Kanyang kapangyarihan upang magligtas. Ang mga alagad ni Hesus ay nangalat sa lahat ng dako habang ipinapangaral ang Mabuting Balita tungkol kay Hesu Kristo. Naglakbay sila mula Asia Minor, Gresya, at sa buong imperyo ng Roma. Ang Bagong Tipan ay nagtapos sa hula tungkol sa muling pagbabalik ni Hesus bilang isang hukom sa mga hindi sumasampalataya at upang palayain ang buong sangnilikha mula sa sumpa ng Diyos.
English
Ano ang Bibliya?