settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Kristiyano?

Sagot


Ang talasalitaan na isinulat ni Webster ay nagsasabing ang Kristiyano ay “isang taong nagpapahayag ng kanyang paniniwala kay Hesus bilang Tagapagligtas o kaya nama'y paniniwala sa relihiyong nakabatay sa mga itinuro ni Hesus.” Bagama’t ito ay isang magandang pakahulugan sa salitang Kristiyano, hindi ito ang sapat na kahulugan kung ano ba ang isang totoong Kristiyano ayon sa itinuturo ng Bibliya.


Ang salitang Kristiyano ay tatlong beses ginamit sa Bagong Tipan (Gawa 11:26; Gawa 26:28; 1 Pedro 4:16). Ang mga alagad ni Hesu Kristo ay unang tinawag na ‘Kristiyano’ sa Antioquia (Gawa 11:26) dahilan sa kanilang ikinikilos, gawain at pananalita na katulad kay Kristo. Ito ay orihinal na ginamit ng mga hindi mananampalatayang taga Antioquia bilang isang mapanirang katawagan upang pagtawanan ang mga Kristiyano. Ang literal na kahulugan nito ay ‘pag-aari ni Kristo’ o ‘alagad ni Kristo’ na katulad sa pagpapakahulugan ng talasalitaang isinulat ni Webster.

Sa kasamaang-palad sa pagdaan ng panahon, ang salitang ‘Kristiyano’ ay tila nawalan ng kabuluhan at karaniwang ginagamit ng mga taong relihiyoso o nagtitiwala sa sariling moralidad na hindi naman mga totoong isinilang na muli sa espiritu bilang mga alagad ni Hesu Kristo. Maraming tao na hindi naniniwala at nagtitiwala kay Hesu Kristo ang nagaakalang sila ay Kristiyano dahil nagsisimba sila o kaya nama'y nakatira sa isang ‘Kristiyanong bansa.’ Ngunit ang pagpunta sa simbahan, ang paglilingkod sa mga taong mas kapus-palad kaysa sa iyo, o ang pagiging mabuting tao ay hindi makatutulong sa iyo upang maging Kristiyano. Ayon sa isang ‘Ebanghelista,’ “ang pagpunta sa simbahan ay hindi magpapaging Kristiyano sa isang tao kagaya ng hindi ka puwedeng maging isang sasakyan kung pupunta ka sa garahe.” Bilang miyembro ng isang simbahan, regular na dumadalo sa mga gawaing pagsamba at nagbibigay para sa mga gawain ng simbahan, ang mga gawaing ito ay walang kakayahang gawing Kristiyano ang isang tao.

Ang Bibliya ay nagtuturo na ang ating mabubuting gawa ay hindi makatutulong upang tanggapin tayo ng Diyos. Sinasabi sa Tito 3:5, “Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo.” Ang Kristiyano ay isang taong ipinanganak na muli sa kapangyarihan ng Espiritu Santo (Juan 3:3; Juan 3:7; 1 Pedro 1:23) at inilagak ang kanyang pananampalataya at pagtitiwala kay Hesu Kristo para sa kanyang kaligtasan. Ang sulat ni Pablo sa mga taga Efeso 2:8 ay nagsasabi, “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos. - Ang totoong Kristiyano ay yaong tunay na nagsisi sa kanyang mga kasalanan at inilagak ang pananampalataya at pagtitiwala kay Hesu Kristo lamang at wala ng iba pa. Ang kanyang pagtitiwala ay hindi nakalagak sa pagsunod sa relihiyon, sa listahan ng kodigong moral o listahan ng mga bawal at hindi bawal na gawain.

Ang totoong Kristiyano ay isang taong inilagak ang kanyang pananampalataya at pagtitiwala sa persona ni Hesu Kristo at sa katotohanang Siya ay namatay sa krus bilang kabayaran ng mga kasalanan at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw upang makamit ang tagumpay laban sa kamatayan at ipagkaloob ang buhay na walang hanggan sa lahat ng nananalig sa kanya. Sinasabi sa Juan 1:12, “Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Diyos, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan.” Ang totoong Kristiyano ay isang totoong anak ng Diyos, kabahagi sa pamilya ng Diyos, at isang taong pinagkalooban bagong buhay kay Kristo. Ang tatak ng isang tunay na Kristiyano ay pag-ibig sa kapwa mananampalataya at pagiging masunurin sa Salita ng Diyos (1 Juan 2:4; 1 Juan 2:10).

Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries