Tanong
Ano ang Araw ng Paghuhukom?
Sagot
Ang Araw ng Paghuhukom ay ang araw ng pinakahuli at ganap na paghatol sa makasalanang sangkatauhan. May ilang mga talata sa Kasulatan na tumutukoy sa pinakahuling paghatol pagkatapos ng kamatayan sa huling panahon kung kailan ang lahat ng tao ay haharap sa Diyos at igagawad Niya ang Kanyang huling hatol sa kanilang mga buhay.
Binabalaan tayo ng Bibliya tungkol sa Araw ng Paghuhukom. Isinulat ni Propeta Malakias, “‘Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat’” (Malakias 4:1). Binanggit ni Juan Bautista ang pangangailangan na tumakas sa poot na darating” (Lukas 3:7). Isinulat ni Pablo sa mga taong ayaw magsisi: “Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa’” (Roma 2:5–6; tingnan ang Awit 62:12). Ang Araw ng Paghuhukom ay tiyak na magaganap.
Itinala ng ilang beses sa Kasulatan ang ginawang paghatol ng Diyos sa mga inidibidwal at mga bansa. Halimbawa, ang Isaias 17—23 ay mga serye ng paghatol na binigkas laban sa Damasco, Egipto, Cush, Babilonia, Arabia, Jerusalem, at Tiro. Ang mga lokal na paghatol na ito ay nagsisilbing anino ng paparating na paghatol (Inilalarawan sa Isaias 24 ang paghatol ng Diyos sa buong mundo). Laging may isang panandaliang hatol sa kasalanan na nagaganap sa buhay na ito, pero ang pinal na paghatol ng Diyos ay magaganap sa huling panahon. Itinala sa Pahayag 19:17–21 ang isang malaking digmaan kung saan pinagpapatay ang mga kaaway ng Diyos (at ito ang imahe na naiisip ng tao kung naiisip nila ang Araw ng Paghuhukom). Gayunman, ito ay isang panandaliang hatol lamang sa mga taong nabubuhay sa panahon ng malaking digmaan. Sasakupin ng Huling Paghuhukom ang lahat ng taong nabuhay sa mundo sa lahat ng panahon at dadalhin sila sa kanilang huling destinasyon.
Naglalaman ang aklat ng Pahayag 20:11–15 ng napakalinaw na paglalarawan sa Araw ng Paghuhukom: “Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at Daigdig ng mga Patay ang mga patay na nasa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay. Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.”
Sa mga talatang ito, makikita natin na ang Diyos ang huling Hukom. Ayon kay Jesus, ang Anak ang magbibigay ng huling hatol kaya’t tiyak na Siya ang nakaupo sa trono (Juan 5:16–30; tingnan ang Pahayag 7:17).
Gayundin, makikita natin na ang paghuhukom na ito ay komprehensibo. Naroon ang lahat ng nabuhay at namatay na tao, dakila at hamak (dahil walang mayaman o mahirap sa paningin ng Diyos). Walang makakatakas sa Huling Paghuhukom.
Ang paghatol sa Araw ng Paghuhukom ay igagawad ayon sa ginawa ng indibidwal habang sila’y nabubuhay—hahatulan sila ayon sa kanilang mga ginawa. Hindi hahatulan ang isang tao ayon sa hindi niya ginawa o ayon sa ginawa ng ibang tao; haharap siya sa paghuhukom na nagiisa at responsable para sa kanyang sariling mga gawa.
Bagama’t ang paghuhukom ay ayon sa mga gawa, hindi ito pagtitimbang ng mabubuting gawa laban sa masasamang gawa. Ganap na ang ating pagpasok sa langit o impiyerno ay nakabase sa kung ang ating pangalan ay nakasulat o hindi nakasulat sa aklat ng buhay. Ang mga hindi nakalista ang pangalan sa aklat ng buhay ay itatapon sa lawang apoy. Binigyang diin sa Pahayag 21:27 na tanging ‘yon lamang nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay ng Kordero ang papasok sa Bagong Langit at Bagong Lupa.
Dahil sa napakalaki ng nakataya (walang katapusang paghihirap), responsibilidad ng bawat tao na tiyakin kung handa na siya sa pagharap sa Huling Paghuhukom bago iyon maganap. Paanong ang makasalanan ay nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay ng Kordero at tatayo sa harapan ng Diyos at idedeklarang “hindi nagkasala?” Paanong ang isang makasalanan ay mapapawalang-sala sa harap ng isang banal at makatarungang Diyos at maiiwasan ang Kanyang poot? Binibigyan tayo ng Bibliya ng isang malinaw na kasagutan.
“Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (Roma 5:1). Ang isang taong sumampalataya kay Cristo ay nahatulan na. Ang taong iyon ay pinawalang sala na—na ang ibig sabihin ay itinuring na siyang matuwid ng Diyos—ayon sa perpektong ginawa ni Cristo para sa kanya. Dahil sa ginawa ni Cristo, ang paghuhukom na magaganap sa Araw ng Huling Paghuhukom ay naganap na sa mga sumampalataya sa ginawa ni Cristo. Ang lahat ng sumasampalataya kay Cristo ay itinuring ng matuwid at ang kanilang mga pangalan ay nakasulat na sa Aklat ng Buhay ng Kordero. Wala na silang dapat ikatakot sa Araw ng Paghuhukom dahil ang kanilang kaparusahan ay dinala at pinagdusahan na ni Cristo doon sa krus (Roma 8:1). Para sa mga mananampalataya, ang Araw ng Paghuhukom ay ang araw ng ganap na kaligtasan ng sila ay iligtas sa lahat na parusa para sa kanilang mga kasalanan (Malakias 4:2–3).
“Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayundin naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya” (Hebreo 9:27–28).
English
Ano ang Araw ng Paghuhukom?