Tanong
Ano ang Arianismo (Arianism)?
Sagot
Ang Arianismo o Arianism ay ipinangalan kay Arius, isang guro noong unang bahagi ng ikaapat na siglo A.D. Ang isa sa pinakauna at maaaring pinakamahalagang paksa na pinagtalunan ng mga unang Kristiyano ay ang tungkol sa pagka Diyos ni Kristo. Si Hesus ba ay tunay na Diyos sa anyong laman? Si Hesus ba ay Diyos o tulad lamang sa Diyos? Itinuro ni Arius na si Hesus ay nilikha lamang ng Diyos at Siya ang una sa lahat ng mga nilikha, at Siya rin ang pinakamaluwalhati sa lahat ng nilikha ng DIyos. Ang Arianismo (Arianism) ay ang pananaw na si Hesus ay isang nilikha ng Diyos na may katangiang gaya ng sa Diyos ngunit sa ganang Kanyang sarili ay hindi tunay na Diyos.
Mali ang naging pagkaunawa ng Arianismo sa mga talata sa Bibliya kung saan nabanggit na napagod si Hesus (Juan 4:6) at sinabi Niya na hindi Niya alam kung kailan Siya babalik (Mateo 24:36). Mahirap ngang maunawaan kung paanong ang Diyos ay napagod at walang alam tungkol sa isang bagay, ngunit ang ibaba ang Kanyang katayuan sa pagiging isang nilikha lamang ng Diyos ay isang napakalaking pagkakamali. Si Hesus ay tunay na Diyos, ngunit tunay ding Tao. Hindi naging tao si Hesus bago Siya nagkatawang tao. Siya ay Diyos sa pasimula pa at kasama ng Diyos (Juan 1:1). Kaya ang limitasyon ni Hesus bilang tao ay walang epekto sa Kanyang pagiging walang hanggang Diyos.
Ang ikalawang pangunahing misinterpretasyon ng Arianismo ay ang kahulugan ng pagiging "panganay" sa lahat ng mga nilikha (Roma 8:29; Colosas 1:15-20). Ang pagkakaintindi ng Arianismo sa salitang "panganay" sa mga talatang nabanggit ay "pagsilang" o "paglikha". Ngunit hindi ito ang tamang pakahulugan. Ipinahayag mismo ni Hesus ang Kanyang pagiging walang hanggan at ang pagiral Niya sa Kanyang sarili bilang katunayan na Siya ay hindi isang nilikha (Juan 8:58; 10:30). Sinasabi sa Juan 1:1-2 na si Hesus ay "kasama ng Diyos sa pasimula pa." Sa panahon ng Bibliya, ang maging isang panganay na anak ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng dakilang karangalan (Genesis 49:3; Exodo 11:5; 34:19; Bilang 3:40; Awit 89:27; Jeremias 31:9). Sa ganitong esensya naging "panganay" si Hesus. Si Hesus ang nagtataglay ng pinakamataas na karangalan sa pamilya ng Diyos. Si Hesus ang pinahiran, ang "Kamangha manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama at ang Pangulo ng Kapayapaan" (Isaias 9:6).
Pagkaraan ng halos ilang siglo ng mga debate ng mga iba't ibang konseho ng iglesya, opisyal na itinakwil ng iglesyang Kristitiyano ang Arianismo bilang isang maling doktrina. Mula noon, hindi na tinanggap ang Arianismo bilang isang kapani paniwalang doktrina ng pananampalataya. Ngunit hindi pa rin nawala ang Arianismo. Ngapatuloy ito sa pagdaan ng mga siglo sa iba't ibang kaanyuan. Ang saksi ni Jehovah at mga Mormons sa ngayon ay nanghahawak sa katulad na katuruan ng ng Arianismo tungkol sa kalikasan ni Kristo. Gaya ng ginawa ng unang iglesya, dapat din nating itakwil ang anuman at lahat ng pagatake sa pagka Diyos ng ating Panginoon at Tagapagligtas, ang Panginoong Hesu Kristo.
English
Ano ang Arianismo (Arianism)?