Tanong
Itinuring ba ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang kanilang mga sinulat bilang Kasulatan?
Sagot
Sinasabi sa 2 Timoteo 3:16-17 na “ Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.” Malinaw na itinuturing ng unang iglesya na ang Lumang Tipan ay kinasihang Kasulatan. Gaya ng ipinapaliwanag ni Pedro sa 2 Pedro 1:20-21, “ Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan, sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”
Ngunit mailalapat din ba ito sa mga aklat ng Bagong Tipan? Alam ba ng mga manunulat ng Bagong Tipan na ang kanilang mga sulat ay kinasihan din ng Diyos? Bagama’t hindi ito ganap na mapapatunayan, may malakas na ebidensya na alam nila na ang kanilang mga sulat ay bahagi ng Salita ng Diyos. Sa 2 Pedro 3:15-16, isinulat ni Pedro, “Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. May ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.” Malinaw na itinuturing ni Pedro ang mga sinulat ni Pablo bilang kinasihang Salita ng Diyos.
Ang isa pang indikasyon na naunawaan ng mga manunulat ng Bagong Tipan na ang kanilang isinulat ay Salita ng Diyos ay makikita sa 1 Timoteo 5:18 kung saan sinasabi, “Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.” Habang ang unang bahagi ng talata ay kinuha mula sa aklat ng Deuteronomio (25:4), ang ikalawang bahagi naman ay mula sa Ebanghelyo ni Lukas (10:7). Malinaw na ang sulat ni Lukas ay itinuturing ni Pablo na may parehong awtoridad gaya ng sa Pentateuch. Tinukoy din dito ang sulat ni Lukas bilang “Kasulatan.”
Sa pagtatapos, may magandang basehan para paniwalaan na itinuturing ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang sinulat ng bawat isa bilang sagradong Kasulatan, na literal na hiningahan ng Diyos – "at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay" (2 Timoteo 3:16–17).
English
Itinuring ba ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang kanilang mga sinulat bilang Kasulatan?