settings icon
share icon
Tanong

Ang baha ba sa panahon ni Noe ay pandaigdigan o pambansa lamang?

Sagot


Ang mga talata sa Bibliya na tumutukoy sa pagbaha ay nagpapakita na ito ay pandaigdigan. Ang Genesis 7:11 ay nagsasabi na "nabuksan ang bukal sa ilalim ng lupa, at nabuksan din ang mga bintana ng langit. Sinabi rin sa Genesis 1:6-7 at 2:6 na bago ang pagbaha, ang kapaligiran ay kaibang-kaiba sa kapaligiran natin ngayon. Ayon sa mga talatang nabanggit at sa ilan pang mga paglalarawan sa Bibliya, makatwirang paniwalaan na may panahon sa mundo na ito ay nababalot ng isang kulandong ng tubig sa itaas. Ang kulandong na ito ay maaaring ulap, o mga singsing ng tubig na katulad ng yelong nakapalibot sa planetang Saturn. Ito ang bumagsak sa lupa ng magpabaha ang Diyos upang hatulan ang unang mundo. Isama pa ang bukal ng tubig na pinawalan sa ilalim ng lupa (Genesis 2:6) na naging dahilan ng pandaigdigang pagbaha.

Ang pinakamalinaw na mga talata na nagpapakita sa lawak ng baha ay ang Genesis 7:19-23. Patungkol sa tubig, sinabi na "patuloy pang lumaki ang tubig hanggang sa lumubog ang lahat ng matataas na bundok, at tumaas pa ng halos pitong metro sa taluktok ng mga bundok. Namatay ang bawat may buhay sa lupa, mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao. Ang lahat ng may hininga sa ibabaw ng lupa ay namatay. Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos, maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko."

Sa talatang nasa itaas, hindi lang makailang ulit na ginamit ang salitang “lahat,” makikita rin nating lumubog ang "lahat" ng matataas na bundok, at tumaas pa ng halos pitong metro mula sa tuktok ng pinakamataas na bundok at namatay ang "bawat may buhay sa lupa." Ang mga paglalarawang ito ay malinaw na nagpapahayag ng malawakang pagbaha sa buong daigdig. At, kung ang baha ay pambansa lamang, bakit inutusan ng Diyos si Noe na gumawa ng arko sa halip na sabihan si Noe na mangibang bayan na lang kasama ang mga hayop? At bakit Niya inutusan si Noe na gumawa ng malaking arko na pwedeng tirahan ng iba't-ibang uri ng hayop na makikita sa buong kalupaan? Kung ang baha ay hindi pandaigdigan, hindi na kailangan ang ganitong arko.

Ipinahayag din ni Apostol Pedro ang isang pandaigdigang pagbaha sa 2 Pedro 3:6-7, kung saan kanyang sinabi, "Sa pamamagitan din ng tubig, ginunaw ang daigdig ng panahong iyon. Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama." Sa mga talatang ito, inihalintulad ni Pedro ang pagdating ng "pandaigdigang" paghuhukom sa panahon ni Noe at sinabi niyang ginunaw ang daigdig sa panahong iyon sa pamamagitan ng tubig. Gayon din naman, marami ding manunulat sa Bibliya ang sumasang-ayon sa isang pandaigdigang baha. (Isaias 54:9; 1 Pedro 3:20; 2 Pedro 2:5; Hebreo11:7). Sa huli, binanggit din ng Panginoong Hesu Kristo ang pandaigdigang baha at ginamit niya itong larawan ng paparating na pagkawasak ng buong daigdig sa Kanyang muling pagbabalik (Mateo 24:37-39; Lukas 17:26-37)

Marami ding mga karagdagang ebidensya na labas sa Bibliya ang nagpapatunay ng isang pandaigdigang baha. Maraming mga malawak na libingan ng mga sinaunang buto na natagpuan sa iba't-ibang panig ng mundo at malaking kabuuan ng deposito ng karbon ang kinakailangan upang mabilis na matakpan ang malawak na kabuuan ng mga halaman sa daigdig. Kahit na ang mga buto at kalansay ng mga hayop mula sa dagat ay matatagpuan din sa ibabaw ng mga bundok sa buong daigdig. Ang mga sibilisasyon sa lahat ng bahagi ng mundo ay mayroon ding kanya-kanyang alamat tungkol sa pandaigdigang baha. Lahat ng mga ebidensyang ito at marami pang iba ang nagpapatunay sa pandaigdigang baha noong panahon ni Noe.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang baha ba sa panahon ni Noe ay pandaigdigan o pambansa lamang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries