settings icon
share icon
Tanong

Bakit kailangang manalangin? Ano ang kabuluhan ng pananalangin kung nakatakda na rin lang ang magaganap sa ating bukas? Kung hindi na mababago ang pag- iisip ng Diyos, bakit dapat pa tayong manalangin?

Sagot


Para sa isang Kristiyano, ang pananalangin ay maaaring ihambing sa paghinga. Mas madali itong gawin kaysa hindi gawin. Maraming dahilan para tayo ay manalangin. Ang pananalangin ay paglilingkod sa Diyos (Lucas 2:36-38) at pagsunod sa Kanyang utos. Tayo ay nananalangin dahil ito ay iniutos sa atin (Filipos 4:6-7). Si Kristo at ang unang iglesia ang nagbigay sa atin ng halimbawa kung papaano tayo mananalangin (Marcos 1:35; Gawa 1:14; 2:42; 3:1; 4:23-31; 6:4; 13:1-3). Kung ito ay kapaki-pakinabang kay Hesus, nararapat lamang na dapat din natin itong gawin. Kung kailangan Niya na manalangin upang makapanatili sa kalooban ng Ama, mas lalong kailangan natin na tayo ay manalangin.

Ang isa pang dahilan kung bakit tayo dapat manalangin ay dahil nais ng Diyos na malaman natin ang Kanyang kalooban sa ating mga buhay. Nananalangin tayo bago tayo gumawa ng mahalagang desisyon (Lucas 6:12-13); upang ating mapagtagumpayan ang mga gawa ng kaaway (Mateo 17:14-21); para sa pag-aani ng kaluluwa (Lucas 10:2); upang maging matatag at mapagtagumpayan ang anumang tukso (Mateo 26:41); at ipinananalangin natin ang ating mga kapatid sa pananampalataya para sa kanilang ikababanal.

Inilalapit natin sa Diyos ang ating mga kahilingan sa pamamagitan ng panalangin at tinitiyak ng Diyos na ang ating mga panalangin ay hindi mawawalang kabuluhan kahit hindi natin natanggap ang mismong hiningi natin (Mateo 6:6; Roma 8:26-27). Ipinangako Niya sa atin na kapag ang hinihingi natin ay sang-ayon sa Kaniyang kalooban, ito ay ibibigay Niya sa atin. Kung minsan, hindi Niya sinasagot agad ang ating panalangin para sa ating kabutihan ayon sa Kanyang karunungan. Sa mga ganitong pagkakataon, tayo ay dapat na lalong maging masigasig at mapilit sa ating pananalangin (Mateo 7:7; Lucas 18:1-8). Ang layunin ng pananalangin ay hindi upang makuha natin sa Diyos ang ating kagustuhan dito sa lupa, kundi upang magawa natin ang Kanyang kalooban dito sa lupa. Ang karunungan ng Diyos ay higit na mataas sa karunungan natin.

Sa mga pagkakataon na hindi natin alam ang kalooban ng Diyos, ang pananalangin ang paraan upang malaman natin ang Kanyang kalooban. Kung hindi nanalangin ang babaing Sirofenisa na may anak na sinasapian ng demonyo, hindi mapapaalis ang demonyo sa kanyang katawan (Marcos 7:26-30). Kung hindi rin nagsisigaw kay Hesus ang mga bulag sa labas ng Jerico ay mananatili silang bulag (Lucas 18:35-43). Sinabi ng Diyos na hindi tayo tumatanggap dahil hindi tayo humihingi (Santiago 4:2). Ang pananalangin ay katulad din ng pagbabahagi ng Ebanghelyo sa ibang tao. Hindi natin alam kung sino sa mga tao ang tutugon sa mensahe ng Ebanghelyo hangga't hindi natin ito ipinangangaral. Sa gayunding paraan, hindi natin malalaman ang mga sagot sa ating mga panalangin kung hindi tayo mananalangin.

Ang kakulangan ng pananalangin ay nagpapahiwatig ng kakulangan ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos. Tayo ay nananalangin upang ating ipakita ang ating pananampalataya sa Diyos, na Kaniyang gagawin ang Kaniyang ipinangako sa Kaniyang Salita at bibiyayaan Niya ang ating buhay ng kasaganaan ng higit pa sa ating hiningi o inaasahan (Efeso 3:20). Ang pananalangin ay pangunahing pamamaraan upang makita natin ang ginagawa ng Diyos sa buhay ng ibang tao. Dahil ito ay pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos, ang pananalangin ang ating armas upang talunin si Satanas at ang kaniyang hukbo na hindi natin kayang gawin kung hindi tayo mananalangin. Kaya, harinawa ay makita tayo ng Diyos sa harapan ng Kaniyang luklukan, dahil tayo ay mayroong Dakilang Saserdote sa langit na nakakaunawa ng ating mga kahinaan (Hebreo 4:15-16). Binigyan Niya tayo ng pangako na mabisa ang maningas na panalangin ng isang taong matuwid (Santiago 5:16-18). Harinawa ay luwalhatiin ng Diyos ang Kaniyang pangalan sa ating mga buhay samantalang pinaniniwalaan natin na Siya ay sapat sa lahat ng ating mga pangangailangan. Lumapit tayo sa Kanya sa tuwina sa pamamagitan ng panalangin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit kailangang manalangin? Ano ang kabuluhan ng pananalangin kung nakatakda na rin lang ang magaganap sa ating bukas? Kung hindi na mababago ang pag- iisip ng Diyos, bakit dapat pa tayong manalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries