Tanong
Bakit kalapati ang laging ginagamit na simbolo para sa Banal na Espiritu?
Sagot
Binanggit sa apat na Ebanghelyo ang pagbabawtismo ni Juan Bautista sa Panginnong Jesus sa ilog Jordan (Mateo 3:16; Markos 1:10; Lukas 3:22; Juan 1:32). Ayon kay Lukas “at bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati.” Dahil ang Banal na Espiritu ay—espiritu—Hindi natin Siya maaaring makita. Gayunman, sa pagkakataong ito, nagpakita ang Banal na Espiritu at walang duda na nakita Siya ng mga tao. Ang kalapati ay simbolo ng kalinisan at kabanalan (Mateo10:16), at ang anyo ng kalapati sa pagbabawtismo kay Hesus ay nagpapahayag na ang Espiritu na nanahan sa Panginoong Hesus ay malinis at banal.
Ang isa pang pangyayari sa Kasulatan kung saan binanggit ang isang kalapati ay ang tala sa Bibliya tungkol sa arko ni Noe at sa baha sa Genesis 6-8. Pagkatapos ng ilang panahon, matapos na malubog ang mundo sa baha, nais ni Noe na tingnan kung may tuyong lupa na sa mundo kaya nagpalipad siya ng isang kalapati mula sa arko. Bumalik ang kalapati na may tangay na sanga ng olibo sa tuka nito (Genesis 8:11). Mula noon, naging simbolo ng kapayapaan ang olibo. Bilang simbolo, isinasaad ng kalapati sa kuwento ni Noe na nagdeklara ang Diyos ng kapayapaan sa mundo pagkatapos Niya itong gunawin dahil sa sobrang kasamaan ng mga tao. Ang kalapati ay sumisimbolo sa Kanyang Espiritu na nagdadala ng Mabuting Balita ng pagkakasundo sa pagitan ng Diyos at ng tao. Iyon nga lamang, ito ay isang panandaliang pagkakasundo dahil ang pang walang hanggan at espiritwal na pagkakasundo ay makakamit sa pamamagitan lamang ng Panginoong Hesu Kristo. Ngunit mahalaga na ginamit na simbolo ang kalapati para sa Banal na Espiritu sa pagbabawtismo kay Kristo dahil muli, inilalarawan nito ang pakikipagkasundo ng Diyos sa tao sa pamamagitan ni Kristo.
Noong araw ng Pentecostes, nagpakita ang Banal na Espiritu sa anyo ng mga “dilang apoy” (Gawa 2:30) upang ipahiwatig ang mahimalang kapangyarihan ng mensahe ng mga apostol at ng kanilang buhay na ganap na binago ng Espiritu. Ang pagpapakita ng Banal na Espiritu sa anyo ng kalapati sa pagbabawtismo kay Hesus ay sumisimbolo sa isang maginoong Tagapagligtas na nagdadala ng kapayapaan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng`paghahandog ng Kanyang sariling buhay para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
English
Bakit kalapati ang laging ginagamit na simbolo para sa Banal na Espiritu?