Tanong
Ano ang ibig sabihin na ang Banal na Espiritu ang ating Mangaaliw?
Sagot
Pagkatapos na ipahayag ni Hesus sa Kanyang mga alagad na iiwan Niya sila sa lalong madaling panahon, sinabi Niya ang isang pangungusap na nagpalakas ng kanilang loob: “At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man” (Juan 14:16).
Ang salitang Griyego na isinalin sa Tagalog na “Mangaaliw” o “Tagapayo” (tulad ng mababasa sa Juan 14:16, 26; 15:26; at 16:7) ay parakletos. Ang salitang ito ay salitang hindi aktibo at nangangahulugan na “isang tinatawag sa tabi ng isa.” Ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng dahilan sa pagtawag sa isa: upang magbigay ng payo o tumulong sa isang nangangailangan. Ang Tagapayong ito o Paraclete, ay ang Diyos Espiritu Santo, ang ikatlong persona ng Trinidad na “tinawag sa ating tabi.” Siya ay isang persona at nananahan sa bawat isang mananampalataya.
Habang nagmiministeryo si Hesus dito sa lupa, ginabayan, binantayan at tinuruan Niya ang Kanyang mga alagad; ngunit ngayon, sa Juan kabanata 14 hanggang 16, naghahanda na Siya upang iwanan sila. Ipinangako Niya na darating ang Banal na Espiritu upang mahanan sa kanila at pumalit sa Kanyang presensya. Tinawag ni Hesus ang Banal na Espiritu na “ibang Mangaaliw” – isang katulad Niya. Ang Espiritu ng Diyos ay hindi kakaiba sa Anak ng Diyos sa esensya dahil pareho silang Diyos.
Sa panahon ng Lumang Tipan, Ang Espiritu ng Diyos ay pumapasok at umaalis sa mga tao. Iniwan ng Espiritu ng Diyos si Haring Saul (1 Samuel 16:14; 18:12). Noong nagsisi si David sa kanyang kasalanan, hiniling Niya sa Diyos na huwag bawiin sa kanya ang Banal na Espiritu (Awit 51:11). Ngunit ng ibigay ang Banal na Espiritu sa araw ng Pentecostes, nanahan Siya sa Kanyang mga anak upang maging kasama nila magpakailanman. Maaari nating mapighati ang Banal na Espiritu ngunit hindi Niya tayo iiwan. Gaya ng sinabi ni Hesus sa Mateo 28:20, “Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” Paanong makakasama natin si Hesus gayong siya ay nasa langit na at nakaupo sa kanan ng Ama? Nasa atin siya ngayon sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu (ang Mangaaliw – ang Parakletos).
Ang mapasaatin ang Banal na Espiritu bilang Mangaaliw ay ang magkaroon ng Diyos na nananahan sa atin bilang mga mananampalataya. Itinuturo sa atin ng Banal na Espiritu ang Salita ng Diyos at ginagabayan tayo sa buong katotohanan. Ipinapaalala Niya sa atin ang mga itinuro ni Hesus upang magtiwala tayo sa Kanyang Salita kung dumadaan tayo sa mga mahihirap na kalagayan sa buhay. Gumagawa sa atin ang Banal na Espiritu upang ipadama sa atin ang kapayapaan (Juan 14:27), ang Kanyang pag-ibig (Juan 15:9–10), at ang Kanyang kagalakan (Juan 15:11). Inaaliw Niya ang ating isip at puso sa magulong mundong ito. Ang kapangyarihan ng nananahang Mangaaliw ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na mamuhay sa Espiritu na “hindi binibigyang kasiyahan ang nasa ng ating laman” (Galacia 5:16). Nagbubunga ang Banal na Espiritu sa ating mga buhay (Galacia 5:22–23) sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama. Anong laking pagpapala ang panahanan ng Banal na Espiritu bilang ating Mangaaliw, Katulong, Tagapayo at ating Tagapagtanggol!
English
Ano ang ibig sabihin na ang Banal na Espiritu ang ating Mangaaliw?