Tanong
Ang Banal na Espiritu ba ay isang persona?
Sagot
Maraming tao ang nalilito sa doktrina ng Banal na Espiritu. Ang Banal na Espiritu ba ay isang kapangyarihan, isang persona o iba pa? Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Banal na Espiritu?
Ibinigay sa Bibliya ang maraming paraan upang tulungan tayong maunawaan na tunay na ang Banal na Espiritu ay isang persona – na Siya ay may personal na kalikasan at hindi Siya isa lamang impersonal na bagay. Una, ang pangngalang ginagamit sa pagtukoy sa Banal na Espiritu ay “Siya” hindi “ito.” Malinaw na tiniyak ng orihinal na wikang Griyego na ginamit sa Bagong Tipan na ang Banal na Espiritu ay isang persona. Ang salitang Griyego para sa “Espiritu” ay pneuma at walang kasarian at dapat na natural na gamitin ang pangangalang pambalana. Ngunit sa maraming pagkakataon, ginamit ang pangngalang panlalaki (halimbawa sa Juan 15:26; 16:13-14). Sa panuntunang gramatiko, walang ibang paraan upang unawain ang mga pangngalang ginamit para sa Banal na Espiritu sa Bagong TIpan kundi ang ituring Siya bilang isang persona dahil lagi Siyang tinutukoy gamit ang pangngalang panlalaki.
Itinuturo sa atin sa Mateo 28:19 na magbawtismo sa pangalan ng Ama, Anak at Banal na Espiritu. Ito ay isang kolektibong pagtukoy sa Trinidad – isang Diyos sa tatlong persona. Gayundin sinasabi sa Bibliya na hindi natin dapat pighatiin ang Banal na Espiritu (Efeso 4:30). Maaari ding magkasala (Isaias 63:10) at magsinungaling laban sa Banal na Espiritu (Gawa 5:3). Dapat natin Siyang sundin (Gawa 10:19–21) at parangalan (Awit 51:11).
Ang pagiging persona ng Banal na Espiritu ay pinatunayan din ng marami sa Kanyang mga gawa. Siya ay personal na sangkot sa paglikha (Genesis 1:2), nagbibigay ng kakayahan sa mga anak ng Diyos (Zacarias 4:6), gumagabay (Roma 8:14), umaaliw (Juan 14:26), umuusig (Juan 16:8), nagtuturo (Juan 16:13), pumipigil sa pagkakasala (Isaias 59:19), at naguutos (Gawa 8:29). Ang bawat isa sa mga gawang ito ay nangangailangan ng pagkilos ng isang persona sa halip ng isa lamang kapangyarihan, bagay o ideya.
Pinatutunayan din ng mga katangian ng Banal na Espiritu ang kanyang personalidad. Ang Banal na Espiritu ay may buhay (Romans 8:2), may kalooban (1 Corinto 12:11), nalalaman ang lahat ng bagay (1 Corinto 2:10–11), walang hanggan (Hebreo 9:14), at nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon (Awit 139:7). Ang isa lamang kapangyarihan o pwersa ay hindi maaaring magtaglay ng lahat ng katangiang ito na gaya ng taglay ng Banal na Espiritu.
Pinagtibay din ng papel ng Banal na Espiritu bilang ikatlong persona ng Trinidad ang Kanyang pagiging isang persona. Tanging ang isang kapantay lamang ng Diyos (Mateo 28:19) at nagtataglay ng kalikasan bilang makapangyarihan sa lahat, sumasalahat ng dako at walang hanggan ang maituturing na Diyos.
Sa Gawa 5:3–4, tinukoy ni Pedro ang Banal na Espiritu bilang Diyos na sinasabi, “Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Espiritu Santo, at upang maglingid ng isang bahagi ng halaga ng lupa? Nang yao'y nananatili pa, hindi baga yao'y nanatiling iyong sarili? at nang maipagbili na, hindi baga nasa iyo ring kapangyarihan? Ano't inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Dios.” Tinukoy din ni Pablo ang Banal na Espiritu bilang Diyos sa 2 Corinto 3:17–18 na sinasabi, “Ngayon ang Panginoon ay siyang Espiritu: at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan. Datapuwa't tayong lahat, na walang talukbong ang mukha na tumitinging gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ng Panginoon, ay nababago tayo sa gayon ding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, na gaya ng mula sa Panginoon na Espiritu.”
Ang Banal na Espiritu ay isang persona gaya ng malinaw na itinuturo ng Kasulatan. Bilang isang persona, dapat Siyang sambahin bilang Diyos at gumagawa Siya ng may perpektong pakikipagkaisa sa Ama at sa Anak upang pangunahan at tulungan tayo sa ating espiritwal na pamumuhay.
English
Ang Banal na Espiritu ba ay isang persona?