Tanong
Bakit tinatawag na Banal na Kasulatan ang Bibliya?
Sagot
Ang pariralang “biblia sacra” (mga banal na aklat) ay unang ginamit noong panggitnang siglo (Middle Ages). Sa salitang Ingles, ang isa sa pinakauna - kung hindi man ang pinakaunang gamit ng salitang “Ang Banal na Bibliya” ay lumabas sa pabalat ng 1611 Authorized version na kilala sa Amerika bilang King James Version (KJV). Ang salitang banal ay may ilang kahulugan, at makikita natin na lahat sila ay angkop na paglalarawan sa Salita ng Diyos.
Ang kahulugan ng salitang “banal” ay “sagrado, pinabanal, pinaging banal.” Nang kausapin ng Diyos si Moises mula sa nagliliyab na puno, iniutos Niya na hubarin nito ang kanyang panyapak dahil banal ang lupang kanyang tinutuntungan dahil pinabanal ang lupang iyon ng presensya ng Diyos. Dahil ang Diyos ay banal, ang mga salitang Kanyang sinasambit ay banal din. Sa parehong paraan, ang mga salita ng Diyos na kanyang ibinigay kay Moises sa bundok ng Sinai ay banal din naman, gaya ng lahat ng Kanyang salita sa Bibliya na Kanyang ibinigay sa sangkatauhan. Dahil ang Diyos ay perpekto, ang kanyang mga Salita ay perpekto (Awit 19:7). Dahil ang Diyos ay makatuwiran at banal, makatuwiran at banal din ang Kanyang mga salita (Awit 19:8).
Ang Bibliya ay banal dahil isinulat ito ng mga tao na nasa ilalim ng paggabay at direksyon ng Banal na Espiritu. “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti” (2 Timoteo 3:16-17). Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang “kinasihan ng Diyos” ay “Theopneustos,” mula sa salitang theos, na nangangahulugan na “Diyos,” at “pneo”, na nangangahulugan na “huminga o hingahan.” Ang salitang Ingles na pneumonia ay galing sa parehong salitang ugat na ito sa Griyego. Kaya, ang ating Banal na Diyos, sa persona ng Banal na Espiritu, ay literal na hiningahan ang mga Banal na Salita sa Kasulatan ng isulat ng mga manunulat ang bawat aklat sa Bibliya. Ang Diyos na manunulat ay banal; at dahil dito, ang Kanyang isinulat ay banal.
Ang isa pang kahulugan ng salitang banal ay “ibinukod.” Ibinukod ng Diyos ang bansang Israel mula sa ibang mga bansa upang maging “kaharian ng mga saserdote at bansang banal” (Exodo 19:6). Gayundin naman, ang mga Kristiyano ay ibinukod mula sa mga hindi mananampalataya na lumalakad sa kadiliman gaya ng inilarawan ni apostol Pedro: “Datapuwa't kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan” (1 Pedro 2:9). Ang aspetong ito ng kabanalan (ibinukod) ay totoo rin sa Bibliya dahil ang Bibliya ay ibinukod mula sa ibang mga aklat. Ito ang tanging aklat na isinulat mismo ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang tanging aklat na may kapangyarihang magpalaya sa mga tao (Juan 8:32), magbago ng buhay at gawin silang marunong (Psalm 19:7) at magpabanal sa kanila at gawin silang makatuwiran (Juan 17:17). Ito ang tanging aklat na nagbibigay ng buhay, kaaliwan at pag-asa (Awit 119:50), at ito ang tanging aklat na nagtataglay ng mga salitang mananatili magpakailanman (Mateo 5:18).
English
Bakit tinatawag na Banal na Kasulatan ang Bibliya?