Tanong
Ano ang ilang popular na ilustrasyon ng Banal na Trinidad?
Sagot
Isang marangal na layunin ang maisalarawan ang Trinidad, ngunit sa bandang huli ay isa lamang itong pagpapakita ng kawalang say-say. Sa loob ng maraming siglo ay pinahirapan ng mga Teologo ang kanilang pag iisip sa pagsisikap na makabuo ng tamang doktrina at lubos na nakalulugod na ilustrasyon o paglalarawan ng Tres-unong Diyos. Subalit ang kanilang pagsusumikap na ito ay nahahadlangan ng katotohanan na ang Diyos ay nakahihigit sa lahat, at ang iba niyang mga katangian ay hindi kayang maunawaan (Isaias 55:8-9).
Ang Trinidad ay isang teolohikal na terminolohiyang inilalapat sa Diyos upang ipaliwanag ang kanyang walang hanggang pag iral bilang tatlong magkakaibang persona (Ama, Anak, at Espiritu Santo) ngunit nananatiling iisa at hindi magkakahiwalay na Diyos. Ang konsepto ng Tres-unong Diyos ay sadyang mahirap arukin-mahirap maipaliwanag sa simpleng dahilan na wala tayong makikita sa daigdig na ito na katulad ng kanyang pag-iral, Ang tao ay alam natin na isang komplikadong nilikha, na umiiral bilang isang persona ngunit hindi bilang nagkakaisang marami.
Subalit sa kabila ng katotohanan na walang ano pa man sa mundong ito ang ganap na makapagsasalarawan sa Banal na Trinidad, ang mga tagapagturo at teologo mula pa noon ay nag aalok ng ilang analohiyang hinango sa sistema ng kalikasan at matematika upang kahit papaano ay maisalarawan ang hindi maipaliwanag. Narito ang ilang ilustrasyon na maaaring makatulong:
Ang isa sa kilala at simpleng ilustrasyon ng Trinidad ay ang itlog. Ang itlog ng manok ay binubuo ng balat, ng dilaw at ng puting bahagi nito, gayunman, silang tatlo ay bahagi ng iisang itlog. ang tatlong bahagi ay nagkakaisang kabuuhan. Ngunit may kakulangan ng paglalarawang ito katulad ng iba pa, dahil hindi ito tumutugma sa katotohanan na ang Diyos ay hindi nahahati sa mga “bahagi.” Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay nasa iisang katangian o esensya, ngunit ito ay hindi pwedeng gawing paliwanag sa balat, dilaw, at puti ng itlog. Ang kaparehong ilustrasyon ay ginagamit din sa mansanas: Ang balat, ang laman at ang boto nito ay kabuuan ng isang mansanas, kung paanong ang Ama, ang Anak at ang Espiritu ay kabuuan ng iisang Diyos. Ngunit ang kahinaan ng paglalarawang ito ay katulad din ng sa itlog, ang bahagi ng mansanas na nakahiwalay ay hindi na masasabing isang mansanas samantalang ang bawat persona ng Diyos ay nagtataglay ng buong kalikasan ng iisang Diyos.
Ang isa pang paglalarawan na sinasabing nagmula kay San Patrick ay noong nag eebanghelyo siya sa mga tao ng sinaunang ireland, ipinaliwanag niya ang konsepto ng Trinidad sa pamamagitan ng pag gamit ng kilalang halaman sa ireland na shamrock bilang ilustrasyon, ang shamrock ay kabilang sa pamilya ng clover, ito ay may tatlong maliliit na dahon sa iisang tangkay. Ayon sa kwento habang si San Patrick ay naglalakbay, nakasabay niya sa parang ang ilang pinunong Irish. Naging palaisipan sa mga pinuno ng tribo ang doktrina ng Trinidad kung kaya't si Patrick ay pumutol ng tangkay ng shamrock kasama ang dahon. Ang tatlong dahon ayon kay Patrick ay iisang halaman, kung paanong ang tatlong persona ng Trinidad ay iisang Diyos. May isa pang kahalintulad na kwento, maliban sa bahagi nito na si Patrick ay nagtuturo sa lalawigan ng Connaught kung saan kausap niya ang anak na babae ni Haring Laoghaire, Ethne, at Fedelm. Marahil ay mas magandang ilustrasyon ang dahon ng shamrock kaysa analohiya ng itlog at mansanas, ngunit may kahinaan pa rin ito na katulad ng posibilidad na magkaroon ng maling pangunawa na nahahati ang Diyos sa mga bahagi.
Karaniwan ding inihahalintulad ang Trinidad sa iba't ibang antas na materyal (solid, liquid, gas). Ginagamit sa ilustrasyong ito ang tubig bilang halimbawa: ang tubig bilang yelo, likido, o gas (singaw ng tubig), kahit ano pa ang kalagayang pisikal ng tubig ayon sa kanila, ito ay nananatiling tubig. ang komposisyong kemikal nito ay H20 pa rin, ito man ay singaw na lumulutang sa himpapawid. Ngunit ang problema sa ilustrasyong ito ay tumitigas ang tubig kapag ito ay lumamig at kapag ito naman ay pinakuluan, ito ay nagiging singaw. samantalang ang Diyos ay hindi nagbabago ng estado o anyo, ang likidong tubig ay maaring maging singaw o yelo ngunit ang Diyos Ama ay hindi kailanman magiging Anak o Banal na Espiritu. Ang ideya ng magkakaibang pagpapakita ng Diyos ng kanyang sarili sa magkakaibang panahon at mga konteksto (katulad ng tubig na nagiging yelo,likido o singaw) ay tinatawag na modalismo, ito ay isang hidwang aral na dapat iwasan.
Gayunman, natuklasan ng ilang tao ang kapaki-pakinabang na ilustrasyon ng Trinidad sa pamamagitan ng geometrikong disenyo. Isang halimbawa ay ang tatsulok, ito ay may tatlong sulok o kanto na magkakaugnay na siyang bumubuo ng hugis tatsulok. Ang isa pang disenyo ay ang triketra na nagpapakita ng tatlong magkakatugma, magkakaugnay na arko na nabubuo bilang tatsulok kapag tiningnan sa gitna:
Ang hugis tatsulok/triketra na ito ang disenyong naglalarawan sa Trinidad:
Sa kanyang maikling aklat na Flatland: A Romance of Many Dimensions na inilathala noong 1884, si Edwin Abbott ay sumulat ng tungkol sa Parisukat na namumuhay sa Patag na lupain, ito'y lupain na mayroon lamang dalawang dimensyon. At sa isang pagtatagpo na nagpabago ng kanyang buhay, si Parisukat ay dinalaw ni Globo, na nakatira sa lupain sa kalawakan, isang daigdig ng tatlong dimensyon. Bagaman hindi lubos maunawaan at hindi maabot ng pag-iisip ni Parisukat ang higit pa sa dalawang dimensyon (sapagkat wala naman talagang ganoon sa kanyang daigdig), wala na siyang magawa kundi tanggapin ang sinasabi ni Globo at ang umiiral na tatlong dimensyon. Gayunman, nang kanyang tangkaing ipaalam o ibalita sa mga naninirahan sa Patag na lupain ang kanyang bagong tuklas na kaalaman, siya ay pinaghinalaang baliw at siya ay ipinabilanggo. Ang kalagayan ni Parisukat sa Patag na lupain ay katulad ng sa atin. Hindi natin maunawaan ang konsepto ng Tres-unong umiiral kung paanong hindi maarok ni Parisukat si Globo. Ngunit tinatanggap at pinaniniwalaan natin ang Salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pananampalataya ay nauunawaan natin na mayroong Diyos na umiiral sa isang kahariang hindi pa naabot ng ating karanasan. Ang itlog, ang mansanas, ang dahon ng shamrock, ang kalagayan ng materya, at ang iba't-ibang hugis ng geometriko ay maaaring maging malapit na ilustrasyon ng Trinidad, subalit hindi natin ganap na mauunawaan ang pag iral ng Diyos. Ang Diyos na walang hanggan at nakahihigit sa lahat ay hindi lubos na maipapaliwanag sa pamamagitan ng ating mga limitadong paglalarawan.
English
Ano ang ilang popular na ilustrasyon ng Banal na Trinidad?