Tanong
Ano ang doktrina ng iluminasyon ng Banal na Espiritu (illumination of the Holy Spirit)?
Sagot
Sa isang simpleng kahulugan, ang iluminasyon o sa ingles ay “illumination” ay ang “pagsisindi ng ilaw” sa isip ng tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang maliwanagan ang kanilang espiritwal na pang-unawa. Kung ang tinutukoy ay isang bagong kaalaman sa mga bagay sa hinaharap, tinatawag natin itong “propesiya.” Ang pangunawa naman at pagsasapamuhay ng kaalaman na ibinigay ng Diyos ay tinatawag na iluminasyon o sa ingles ay “illumination.” Ang tanong ay, “paano binibigyang liwanag ng Diyos ang isipan ng mga nagaaral ng Kanyang Salita?”
Ang pinakamababang antas ng kaliwanagan ay ang kaalaman tungkol sa kasalanan. Kung wala ang kaalamang ito, ang lahat ay walang patutunguhan. Sinasabi sa Awit 18:28, “Ikaw, O Yahweh, ang aking ilawan, sa gitna ng dilim ay nagiging tanglaw.” Ang pinakamahabang kabanata sa Bibliya, ang Awit 119, ay isang awit tungkol sa Salita ng Diyos. Sinasabi sa talata 130, “Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw, nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.” Inilalatag ng talatang ito ang pangunahing kaparaanan ng iluminasyon ng Diyos. Sa tuwing papasok sa puso ng isang tao ang Salita ng Diyos, nagbibigay ito ng liwanag at pangunawa. Dahil dito, paulit ulit tayong sinasabihan na mag-aral ng Salita ng Diyos. Sinasabi sa Awit 119:11, “Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa 'yo kailanman.” Sinasabi sa mga talatang 98 at 99, “Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan, kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway. Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit, pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.”
Ang regular na pagaaral ng Salita ng Diyos ay nagbibigay ng direksyon at pangunawa sa mga isyu ng buhay. Ito ang unang paraan ng pabibigay liwanag ng Diyos at dito nagsisimula ang lahat para sa atin. sa Awit 119, makikita rin natin ang isa pang uri ng iluminasyon ng Diyos. Sinasabi sa talata 18, “Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan, yaong buting idudulot sa akin ng iyong aral.” Ang mga kahanga-hangang bagay na ito ay hindi mga bagong kapahayagan, kundi mga bagay na naisulat na ng matagal na panahon ngunit ngayon ay naiintindihan na ng mambabasa, Ganito rin ang pagkasabi sa talata 73, “Nilikha mo ako, O Diyos, ako'y iyong iningatan, bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.” Ang hinihingi ng manunulat ay ang personal na pagkaunawa upang maisapamuhay ang Kautusan ng Diyos. Sa kabanatang ito ng Awit, hiningi sa Diyos ang pagtuturo at pangunawa sa Kanyang mga kautusan ng labing-limang beses.
Ang isang talata na karaniwang pinagmumulan ng kontrobersya tungkol sa iluminasyon ay ang Juan 14:26, “Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.” Nakikipagusap dito si Hesus sa Kanyang mga alagad sa isang silid sa itaas at binibigyan sila ng huling mga bilin bago Siya mamatay. Ang espesyal na grupong ito ng mga lalaki ay responsable sa pagpapakalat ng Mabuting Balita tungkol sa kay Hesu Kristo sa buong mundo. Ginugol nila ang tatlo at kalahating taon kasama ni Hesus, sa pagsaksi sa Kanyang mga himala at pakikinig ng Kanyang mga katuruan. Sa pagpapahayag sa mundo ng mga katuruang kanilang narinig kay Hesus, kailangan nila ang espesyal na tulong mula sa Diyos upang maalala ang lahat ng kanyang itinuro at sinabi ng walang pagkakamali. Sinabi ni Hesus na ang Banal na Espiritu ang magtuturo at magpapaalala sa kanila ng lahat ng Kanyang sinabi upang maipahayag nila iyon ng walang labis at walang kulang sa iba. Habang itinuturo ng talatang ito na tutulungan sila ng Banal na Espiritu upang maituro at maisulat ng walang labis at walang kulang ang kanilang mga Ebanghelyo, hindi nito itinuturo na gayon din ang gagawin ng Banal na Espiritu sa lahat ng mananampalataya.
Ano ngayon ang gawain ng iluminasyon ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya? Sinasabi sa atin sa Efeso 1:17-18, na ang Banal na Espiritu ang nagbibigay sa atin ng karunungan at kapahayagan tungkol sa Panginoong Hesu Kristo at nagbubukas ng ating mga mata ng pangunawa upang malaman natin ang layunin ng Diyos sa ating mga buhay. Sa 1 Corinto 2:10-13, ipinahayag Niya ang Kanyang plano para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu na Siyang nagtuturo sa atin ng mga espiritwal na mga bagay. Ang konteksto ng pagtuturong ito ng Espiritu Santo ay sa pamamagitan ng nasulat na Salita ng Diyos na ipinahayag na sa atin. Lagi tayong ibinabalik ng Espiritu Santo sa Salita ng Diyos para sa Kanyang pagtuturo. Gaya ng sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad sa Juan 16:12-15, inuulit lamang ng Banal na Espiritu ang sinabi na ng Ama at ng Anak. Ang paguulit na ito ay tumutulong sa atin upang maalala at marinig ng buo ang sinasabi sa atin ng Diyos sa Kanyang mga Salita. Minsan kailangan nating marinig ng paulit ulit ang isang bagay bago natin aktwal na “marinig” ang mga iyon. Ito ang gawain ng Banal na Espiritu sa atin, ang magpaalala at magturo ng mga bagay na sinabi na ng Ama at ng Anak sa Bibliya.
Ang isang bagay na minsang hindi nabibigyang pansin sa usapin ng iluminasyon ay ang layunin nito sa buhay ng tao. Sa pagkarinig sa ilang argumento, maipapalagay na ang buong layunin ng iluminasyon ay ang tama at intelektwal na pangunawa ng Salita ng Diyos. Walang duda na nais ng Diyos na maunawaan natin ng tama ang Kanyang mga Salita. May kahulugan ang mga Salita at dapat nating bigyang pansin ang mga detalye ng mga salitang iyon. Gayunman, ang isang intelektwal na pangunawa sa mga katotohanan ay walang magagawang mabuti para sa atin kung hindi isasapamuhay ang mga katotohanang ating nalaman at naunawaan.
Kung babalikan ang Awit 119, makikita natin ang layunin ng iluminasyon sa mga talatang tumatalakay sa paksang ito. “Ang lingkod mo ay turuang masunod ang kautusan,” (v. 27), “Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod, buong pusong iingata't susundin nang buong lugod” (v. 34), “upang aking maunawa ang aral mo't mga utos” (v. 125), “Bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay” (v. 144). Ang iluminasyon ay laging may tawag para sa aksyon. Bakit tayo tinutulungan ng Diyos na maunawaan ang Kanyang mga salita? Hinahamon tayo ng 1 Juan 1:6, “Kung sinasabi nating tayo'y kaisa niya, ngunit namumuhay naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay sa katotohanan.” Ang Espiritu ng Diyos, na Siyang nagbibigay sa atin ng kaliwanagan upang maunawaan ang mga Salita ng Diyos ay ibinibigay sa atin ang pangunawa at Siya rin ang gumagabay sa atin upang maisapamuhay ang ating mga natutuhan. Sinasabi sa Roma 8:14, “Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.” Ang gawain ng iluminasyon ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay ay isang katibayan na tayo nga ay tunay na mga anak ng Diyos.
English
Ano ang doktrina ng iluminasyon ng Banal na Espiritu (illumination of the Holy Spirit)?