settings icon
share icon
Tanong

Paano natin malalaman na ang Bibliya ang Salita ng Diyos at hindi ang Apocrypha, Koran at ang aklat ng Mormon at iba pa?

Sagot


Ang katanungan kung alin sa mga aklat na pangrelihiyon ang tunay na Salita ng Diyos ay napakahalaga. Upang maiwasan ang paikot-ikot na pangangatwiran, ang unang tanong na dapat sagutin ay, paano natin malalaman na nakipagugnayan ang Diyos sa tao? Tiyak na nakipag-ugnayan ang Diyos sa tao sa isang kaparaanan na maiintindihan ng tao, ngunit nangangahulugan din ito na maaaring gumawa ang tao ng kanyang sariling mensahe at pagkatapos ay angkinin na iyon ay nanggaling sa Diyos. Dahil dito, kung nais ng Diyos na patunayan ang Kanyang pagkikipag-ugnayan sa tao, Kailangan Niya itong kumpirmahin sa isang paraan na hindi magagaya ng sinumang tao, sa ibang salita, sa pamamagitan ng mga himala. Sa pamamagitan nito, malalaman kung alin at sino ang tunay na galing sa Diyos.

Bukod sa ebidensya na ang Bibliya ay hindi nagsasalungatan (ebidensya ng mga manuskrito) at ng pagiging totoo nito sa kasaysayan (mga ebidensya sa arkelohiya), ang pinakamahalagang ebidensya na ito ay galing sa Diyos ay ang “pagkasi” dito mismo ng Espiritu ng Diyos. Ang katibayan na ang Bibliya ay ganap at kinasihan ng Espiritu ng Diyos ay ang mga himala, kasama ang mga hula. Ginamit ng Diyos ang mga propeta upang ipahayag at isulat ang Kanyang mga Salita at ginamit Niya ang mga himala gaya ng katuparan ng mga hula upang patunayan na Siya ang nagsugo sa Kanyang mga mensahero. Halimbawa sa Genesis 12:7, ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging lupain ng kanyang lahi ang ang lupain ng Canaan. Noong 1948, ang lupaing ito ay ibinalik sa mga Hudyo sa ikalawang pagkakataon sa kasaysayan ng mundo. Kamangha mangha ito kung malalaman na walang ibang bansa sa kasaysayan ng mundo ang pinaalis sa kanilang sariling lupain at nagbalik pagkatapos! Nangyari ito sa bansang Israel ng dalawang beses.

Eksaktong inihula sa aklat ni Daniel ang pagkakatatag ng apat na dakilang kaharian - ang Babilonia, Medo-Persia, Gresya at Roma - maraming siglo pa bago naitatag ang apat na kahariang ito (sa loob ng mahigit isanlibong (1,000) taon)! Isinulat ni Daniel ng detalyado kung paano maghahari ang mga bansang ito at kung paano sila babagsak. Kasama sa kanyang mga hula ang paghahari ni Alexander the Great at Antiochus Epiphanies.

Sa Ezekiel 26, mababasa ang kahanga-hangang detalye kung paanong magigiba ang siyudad ng Tiro: inihula ni Ezekiel na ang siyudad ay guguho at ang mga debris ng lunsod ay matatapon sa dagat. Nang magmartsa si Alexander the Great sa lugar na iyon, natagpuan niya ang mga tao na nasa isang tore sa isang isla malapit sa Tiro. Hindi Siya makatawid patungo sa isla upang labanan ang mga taong iyon. Sa halip na maghintay sa mga kalaban, nagpagawa si Alexander ng tulay upang makatawid sa isla. Nagtagumpay sila. Tumawid ang kanyang mga sundalo patungo sa isla kung saan naroon ang tore at sinakop ang mga naroroon. Ngunit saan sila kumuha ng maraming bato upang gumawa ng tulay? Ang mga bato na kanilang ginamit ay mga natira sa mga guho ng siyudad ng Tiro. Ang mga bato ng siyudad na ito ay gumuho sa dagat, gaya ng inihula ni Ezekiel may tatlong daang (300) taon bago iyon naganap!

Napakaraming mga hula sa Bibliya patungkol kay Kristo [mahigit na dalawang daan at pitumpu (270)] at kailangang gumamit ng ilang pahina upang ilista lahat ang mga iyon. Ilan lamang sa mga hulang ito ang tungkol sa lugar kung saan Siya isisilang at ang panahon ng Kanyang kapanganakan. Ang tsansa na aksidenteng matupad ng isang tao ang kahit labing anim (16) lamang sa mga hulang ito ay isa (1) sa 10^45 (1 sa 10000000000000000000000000000000000000000000000). Gaano ito karami? Bilang pagkukumpara, may napaka-kaunting 10^82 (10 sa 100000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000) na atom lamang sa buong sangkalawakan! Si Hesus, na nagpatunay na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, ay kinumpirma din ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli (isang hindi mapapasubaliang katotohanan sa kasaysayan).

Ngayon, tunghayan natin ang Koran. Si Muhamad, ang may akda nito, ay hindi gumawa ng anumang himala upang patunayan ang kanyang mensahe (kahit na hiniling ng kanyang mga tagasunod na gumawa siya ng himala - Sura 17:91-95; 29:47-51). Sa huling mga tradisyon lamang (sa Hadith) may mga himala umanong naganap at ang mga ito ay halatang gawa-gawa lamang (gaya ng paghati ni Muhamad sa buwan) ngunit walang mapagkakatiwalaang ebidensya upang patunayan ito. Gayundin, makikita sa Koran ang maraming mga pagkakamali sa tala ng kasaysayan. Naniniwala ang mga Muslim na ang Bibliya ay sa Diyos ngunit ayon sa kanila may ilan itong pagkakamali dahil sa pag-edit dito (Sura 2:136, gayundin ang Suras 13, 16, 17, 20, 21, 23, 25). Ang tanong na hindi nila mabigyan ng tamang kasagutan ay, “Kailan nagkaroon ng mali sa Bibliya?” Kung sasabihin nila na bago ang A.D. 600, paano ngayon hihikayatin ng Koran ang mga mananampalataya na basahin ito? Kung sabihin nila na ang pagkakamali dahil sa pagedit dito ay pagkatapos lamang ng A.D. 600, mas lalong magiging kwestyonable ang kanilang argumento, dahil walang duda na ang mga manuskrito ng Bibliya ay walang pagkakamali mula noong ikatlong siglo hanggang sa mga sumunod na siglo. Kahit na sabihin nilang mali ang Kristiyanismo, may napakarami pa ring problema sa Koran dahil inaakusahan nito ang mga Kristiyano ng paniniwala sa mga hindi naman nito pinaniniwalaan. Halimbawa, itinuturo ng Koran na naniniwala ang mga Kristiyano na ang Trinidad ay ang Ama, ang Ina (si Maria) at ang Anak (Sura 5:73-75, 116). Sinasabi din sa Koran na naniniwala ang mga Kristiyano na ang Diyos ay nakipagtalik kay Maria upang magkaroon siya ng Anak (Suras 2:116; 6:100-101; 10:68; 16:57; 19:35; 23:91; 37:149-151; 43:16-19). Kung ang Koran ay totoong nanggaling sa Diyos, dapat ay tama ang katuruan nito tungkol sa pinaniniwalaan ng mga Kristiyano.

Si Joseph Smith, ang manunulat ng Aklat ng Mormon ay nagtangka rin na gumawa ng himala (bilang katibayan ng isang tunay na propeta ayon sa Deuteronomio 18:21-22) ngunit maraming beses siyang nabigo. Hinulaan niya na darating na muli si Hesus sa “History of the Church” (HC) 2:382. Ipinangaral ni Smith na ang pagdating ng Panginoon ay mangyayari sa loob ng limampu’t limang (55) taon (humigit kumulang noong 1891), ngunit hindi inangkin ng simbahang Mormon na nangyari ito. Hinulaan din ni Smith na ilang siyudad ang mawawasak kung tatanggihan nila ang kanyang “ebanghelyo”sa kanyang “Doctrine and Covenants” (D&C) 84:114-115. Sinabi niya na mawawasak ang New York, Albany at Boston kung tatanggihan nila ang kanyang katuruan. Pumunta mismo si Joseph Smith sa mga siyudad na ito upang mangaral at hindi tinanggap ng mga nabanggit na siyudad ang kanyang “ebanghelyo” ngunit hindi sila nawasak. Ang isa pang sikat na hula ni Joseph Smith ay kanyang sinabi sa kanyang aklat na “END OF ALL NATIONS” sa D&C 87 tungkol sa pagaaklas ng South Carolina nong digmaang sibil sa Amerika. Ayon kay Smith, hihingi ng tulong ang South Carolina sa Britanya at dahil dito magkakaroon umano ng digmaan sa lahat ng bansa,mag-aaklas ang mga alipin; mananangis ang lahat ng tao sa mundo; magkakaroon ng tag-gutom, mga salot, lindol, kidlat, kulog at magwawakas ang lahat ng mga bansa. Nag-aklas nga ang South Carolina noong 1861, ngunit hindi nag-aklas ang mga alipin, hindi nagkaroon ng digmaan sa lahat ng bansa, hindi nagkaroon ng tag-gutom, mga salot, lindol, kidlat, kulog at hindi nagwakas ang lahat ng mga bansa sa mundo.

Ang koleksyon ng mga sulat na tinatawag ng mga Protestante na Apocrypha (o nakatagong mga sulat) ay tinatawag naman ng mga Romano Katoliko na mga aklat Deuterocanonico (o pangalawang canon). Ang mga aklat na ito ay nasulat sa pagitan ng 300 B.C. at A.D. 100, ang yugto sa kasaysayan sa pagitan ng Lumang Tipan (Malakias) at Bagong Tipan (Mateo) na tinatawag na apatnaraang (400) taon ng pananahimik ng Diyos (400 silent years). Ang Apocrypha ay tinanggap ng mga Romano katoliko na kasama sa Bibliya noong 1546 sa konseho ng Trent. Ngayon, kung totoong kinasihan ng Diyos ang mga aklat na kasama sa Apocrypha, hindi sasalungat ang itinuturo ng mga ito sa Bibliya ngunit maraming ebidensya na nagpapatunay na ang mga aklat na ito ay hindi galing sa Diyos. Sa Bibliya, makikita natin na pinatunayan ang pagkasugo sa mga propeta ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala ng katuparan ng kanilang mga hula at ang kanilang mga mensahe ay agad na tinanggap ng mga tao (Deuteronomio 31:26; Josue 24:26; 1 Samuel 10:25; Daniel 9:2; Colosas 4:16; 2 Pedro 3:15-16). Ang mga mensahe ng manunulat sa Apocrypha ay kabaliktaran. Walang aklat na kabilang sa Apocrypha ang isinulat ng kahit sinong propeta; sa katotohanan, isang aklat ang mismong nagsabi sa kanyang sarili na hindi ito kinasihan ng Diyos (1 Macabeo 9:27)! Wala isa man sa mga aklat na ito ang kabilang sa Kasulatan ng mga Hebreo. Walang aklat sa Apocrypha ang tinukoy na may awtoridad ng kahit sinong manunulat ng Luma at Bagong Tipan. Walang natupad na hula sa alinmang aklat na kabilang sa Apocrypha. Sa huli, ginamit ni Hesus ang mga talata sa mga aklat ng Lumang Tipan, ngunit hindi siya gumamit ni minsan ng anumang talata mula sa Apocrypha. Hindi rin ito ginawa ng kahit sino sa Kanyang mga alagad.

Higit na di hamak ang Bibliya kaysa alinman sa mga aklat na sinasabing nanggaling din sa Diyos. Wala itong katapat at wala itong katulad. Walang ibang aklat ang Diyos maliban sa mga aklat ng Bibliya at pinatunayan ito ng napakaraming ebidensya. Walang anumang aklat ang makakapasa sa pamantayan na itinakda ng Diyos na tanging ang Bibliya lamang ang nakaabot. At kung hindi ito ang Salita ng Diyos, wala tayong magiging pamantayan kung paano malalaman kung aling aklat ang nanggaling sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano natin malalaman na ang Bibliya ang Salita ng Diyos at hindi ang Apocrypha, Koran at ang aklat ng Mormon at iba pa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries