settings icon
share icon
Tanong

Papaano at kailan ginawa ang Canon ng Bibliya?

Sagot


Ang salitang “Canon” ay ginamit upang ilarawan kung paano kinilala na ang bawat 66 na aklat sa Bibliya ay kinasihan ng Diyos at nararapat lamang na mapabilang sa Bibliya. Ang ibig sabihin ng “Canon” ay panukat. Sinusukat ng mga Iskolar ng Bibliya kung ang isang aklat ay walang pagkakamali at maituturing na nagmula sa Diyos. Ang kahirapan sa pamantayan upang malaman kung ang aling aklat ang dapat mapabilang sa Biblikal na Canon ay dahil sa hindi nagbigay ang Bibliya mismo ng listahan kung aling aklat ang dapat mapabilang sa Canon. Ang pagalam kung aling aklat ang dapat ibilang sa Canon ay isang mahabang proseso, una sa pamamagitan ng mga rabbi at mga iskolar na Hudyo, at gayundin ng mga naunang Kristiyano. Sa huli, ang Diyos pa rin ang siyang nag-dedesisyon kung anong libro ang mapapabilang sa Biblikal na Canon. Ang isang libro sa Kasulatan ay napapabilang sa Canon kung may katibayan na ito ay kinasihan na ng Diyos noong ito ay isinusulat pa lamang. Ito lamang ang lehitimong sitwasyon kung saan ang Diyos ang Siyang magsasabi sa Kanyang mga tagasunod kung aling aklat ang dapat mapabilang sa Bibliya.

Kumpara sa Bagong Tipan, mayroon lamang kakaunting kontrobersya sa Canon ng Lumang Tipan. Naniniwala ang mga Hebreong mananampalataya sa mga sugo ng Diyos, at tinanggap nila na kinasihan ng Diyos ang kanilang mga isinulat. Sa kabila nito hindi maipagkakailang mayroon pa ring mga debate na may kinalaman sa Canon ng Lumang Tipan. Gayon man, noong 250 A.D. mayroong halos pandaigdigang pagsang-ayon sa Canon ng Kasulatang Hebreo. Ang tanging isyu na nananatili ay ang isyu ng Apocrypha o ang mga aklat na nasulat sa loob ng 400 taon sa pagitan ng Malakias at Mateo. Ang mga debate at diskusyon ay nagpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan. Itinuturing ng mas nakararaming Hebreong iskolar ang Apocrypha na mga magagandang dokumentong pangkasaysayan at pangrelihiyon, subalit hindi kapantay ng mga Kasulatang Hebreo mula Genesis hanggang Malakias.

Para naman sa Bagong Tipan, ang proseso ng pagkilala at pangongolekta ay nagsimula pa noong unang siglo ng Kristiyanismo. Noong una pa man, ang ilang mga aklat sa Bagong Tipan ay kinilala na nagmula sa Diyos. Itinuturing ni Apostol Pablo na ang mga isinulat ni Lukas ay may awtoridad kagaya ng mga isinulat sa Lumang Tipan (1 Timoteo 5:18; tingnan din ang Deuteronomio 25:4 at Lucas 10:7). Kinilala rin ni Pedro ang mga isinulat ni Pablo bilang Kasulatan (2 Pedro 3:15-16). Ang ilan sa mga libro ng Bagong Tipan ay ipinamahagi sa mga iglesia (Colosas 4:16; 1 Tesalonica 5:27). Binanggit ni Clement ng Roma ang walong aklat ng Bagong Tipan (A.D. 95). Kinilala naman ni Ignatius ng Antioch ang pitong aklat (A.D. 115). Kinilala rin ni Polycarp, disipulo ni Apostol Juan, ang labin-limang aklat (A.D. 108). Binanggit rin ni Irenaeus ang dalawampu’t isang aklat (A.D. 185). Kinilala naman ni Hippolytus ang dalawampu’t-dalawang aklat (A.D. 170-235). Ang mga Aklat sa Bagong Tipan na naging sentro ng maraming mga kontrobersiya ay ang mga aklat ng Hebreo, Santiago, 2 Pedro, 2 Juan, at ang 3 Juan. Ang unang “Canon” ay ang Muratorian Canon, na tinipon noong (A.D. 170). Kasali sa Muratorian Canon ang lahat ng aklat sa Bagong Tipan maliban sa mga aklat ng Hebreo, Santiago at 3 Juan. Noong A.D. 363, sinabi ng Konseho ng Laodicea na tanging ang Lumang Tipan (kasali na ang Apocrypha) at ang dalawampu’t pitong aklat sa bagong Tipan ang tanging mga aklat na maaaring basahin sa mga simbahan. Pinagtibay rin ng konseho ng Hippo (A.D. 393) at ng Konseho ng Carthage (A.D. 397) na may awtoridad ang dalawampu’t pitong mga aklat sa Bagong Tipan mula sa aklat ng Mateo hanggang sa aklat ng Pahayag.

Sinunod ng naturang mga Konseho ang mga sumusunod na prinsipyo at mga hakbang upang pagpasyahan kung ang isang aklat sa Bagong Tipan ay totoong kinasihan ng Banal na Espiritu at karapatdapat ibilang sa canon: 1) Ang sumulat ba ay isang Apostol o may malapit na kaugnayan sa isang Apostol? 2) Ang naturang aklat ba ay tinatanggap ng nakararaming grupo ng mga mananampalataya? 3) Ang nilalaman ba ng aklat ay katanggap-tanggap na mga katuruan at sumasang-ayon sa mga doktrina ng Kristiyanismo? 4) Naglalaman ba ang aklat ng mga ebidensiya ng mataas na moral at espiritwal na pamantayan na nagpapakita sa gawain ng Banal na Espiritu? Muli, dapat nating alalahanin na hindi ang iglesya ang nag-desisyon sa Canon. Walang sinaunang simbahan o iglesya ang nagdesisyon sa Canon ng Kasulatan. Ang Diyos, at tanging ang Diyos lamang ang siyang nagdesisyon kung aling mga aklat ang mapapabilang sa Bibliya. Ito'y sa pamamagitan ng pagkumbinse ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod sa Kanyang kalooban na mapasama sa Canon. Ang proseso ng pagkolekta ng mga aklat sa Bibliya ay maaaring may pagkakamali, subalit ang Diyos, sa Kanyang kapangyarihan at kagandahang loob ay pinahintulutan na malaman ng Iglesia noon at ngayon kung aling aklat ang kinasihan ng Banal na Espiritu sa kabila ng ating katigasan ng ulo at kamangmangan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Papaano at kailan ginawa ang Canon ng Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries