Tanong
Ang doktrina ba ng preserbasyon (pagiingat) ng Diyos sa Kasulatan ay naaayon sa Bibliya?
Sagot
Ang doktrina ng preserbasyon patungkol sa Kasulatan ay nangangahulugan na iningatan ng Diyos ang orihinal na mensahe ng Kanyang mga salita. Ang doktrinang ito ang ating batayan na mapagkakatiwalaan natin ang Kasulatan dahil ang Diyos ang namahala sa proseso ng pagsasalin ng Kasulatan sa pagdaan ng mga siglo.
Dapat din nating malaman na wala na sa atin ngayon ang mga orihinal na sulat o ang mismong orihinal na kopya ng mga sulat. Ang nasa atin ngayon ay ang libu-libong mga kopya ng mga manuskrito. Ang mga manuskritong ito ay nagtataglay ng mga pagkakaiba, ngunit sa napakaliit na porsyento lamang at hindi iyon nakakaapekto sa anumang paraan sa pangunahing katuruan o orihinal na mensahe ng Salita ng Diyos. Ang karamihan ng pagkakaiba ay sa baybay ng mga salita. Ngunit ang mga pagkakaiba sa baybay o spelling ay hindi makakaapekto sa katotohanan ng Kasulatan at hindi ito nangangahulugan na hindi iningatan ng Diyos ang Kanyang salita at ang orihinal nitong mensahe. Sa mga kaso na ang isang manuskrito ay may pagkakaiba sa isang kopya, sa pamamagitan ng masusing pagsusuri at pagkukumpara ng lahat ng mga manuskrito, malalaman kung ano ang orihinal na salitang ginamit ng manunulat.
Ang mga sinaunang eskriba na ang pangunahing gawain ay kopyahin ang eksaktong mga salita sa Kasulatan ay napaka metikuloso. Ang isang halimbawa ng kanilang pagiging metikuloso ay ang napakaingat nilang pagbibilang ng lahat ng mga letra at pagtatanda sa pinakagitnang letra ng isang aklat. Pagkatapos ay bibilangin nila ang mga letra sa kanilang ginawang kopya at titingnan kung ang panggitnang letra ay pareho ng sa orihinal. Ginagamit nila ang masusi at napakahirap na pamamaraang ito upang tiyakin ang pagkakapareho ng kopya sa orihinal.
Gayundin naman, ang Kasulatan mismo ay nagpapatunay sa plano ng Diyos na ipreserba o ingatan ang Kanyang salita. Sa Mateo 5:18, sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi nagaganap ang lahat.”Hindi maipapangako ni Hesus ang bagay na ito kung hindi Niya tiyak na iingatan ng Diyos ang Kanyang mga salita. Sinabi din ni Hesus, “Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko'y hindi magkakabula” (Mateo 24:35; Markos 13:31; Lukas 21:33). Mananatili ang Salita ng Diyos at tiyak isasakatuparan nito ang layunin ng Diyos.
Sinabi ni Propeta Isaias, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na ang salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. “Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng Diyos ay hindi lilipas” (Isaias 40:8). Muli itong binigyang katiyakan ng inulit ni Pedro ang mga salitang ito ni Isaias at sinabing ang salitang ito “ang Mabuting Balitang ipinangaral sa inyo” (1 Pedro 1:24-25). Hindi ito maipapangako ni Isaias o ni Pedro kung hindi nila nauunawaan ang doktrina ng preserbasyon o pagiingat ng Diyos sa Kasulatan.
Sa tuwing sinasabi ng Bibliya na ang Salita ng Diyos ay mamamalagi magpakailanman, hindi ito nangangahulugan na ang Bibliya ay nasa isang nakatagong lalagyan sa langit. Ibinigay ang Salita ng Diyos sa sangkatuhan at hindi nito gaganapin ang kanyang layunin kung hindi ito ipinahayag sa atin. “Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito” (Roma 15:4). Gayundin naman, hindi maliligtas ang isang tao kung hindi dahil sa mensahe ng Ebanghelyo, kung saan nakatala ang Salita ng Diyos (1 Corinto 15:3-4). Kaya nga, upang maipahayag ang Ebanghelyo “hanggang sa dulo ng daigdig” (Gawa 13:47), kailangang maingatan ang Salita ng Diyos. Kung ang orihinal na mensahe ng Salita ng Diyos ay hindi iniingatan ng Diyos sa mahimalang paraan, wala tayong magiging batayan upang matiyak ang katotohanan ng mensahe nito.
English
Ang doktrina ba ng preserbasyon (pagiingat) ng Diyos sa Kasulatan ay naaayon sa Bibliya?