settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang mga nilalang sa ibang planeta/alien o UFO?

Sagot


Una, bigyan natin ng kahulugan ang salitang "aliens" bilang mga “nilalang na may kapasidad na gumawa ng mabuti at masama o mga moral na nilalang, may katalinuhan, emosyon at may kakayahang magdesisyon.” Pagkatapos ay tingnan natin ang ilang mga "nagawa na at natuklasan" ng siyensya kaugnay nito.

1. Nagpadala na tayo ng mga sasakyang pangkalawakan sa halos lahat ng planeta sa ating solar system. Pagkatapos na obserbahan ang halos lahat ng planeta, ating napag-alaman na ang planetang Mars at ang buwan lamang ang maaaring sumuporta sa buhay.

2. Noong 1976, ipinadala ng Amerika ang dalawang "landers" sa Mars. Ang bawat isa ay may taglay na instrumento upang makapaghukay sa buhangin ng Mars at magsuri para sa anumang senyales ng buhay. Wala silang natagpuang kahit ano. Samantalang kung susuriin mo ang mga lupa sa pinakatigang na disyerto sa mundo o sa pinakamalamig na lugar ng Antarctica, matatagpuan mo na ang mga lugar na ito ay punong puno ng nabubuhay na maliliit na organismo. Noong 1997, ipinadala ng Amerika ang Pathfinder sa Mars. Ang sasakyang ito ay kumuha ng mga samples at nagsagawa ng mas maraming eksperimento. Wala rin itong natagpuan na kahit anong senyales ng buhay. Mula noon marami pang misyon ang ipinadala sa Mars at pareho rin lang ang kanilang naging konklusyon, walang nabubuhay na kahit anong nilalang sa Mars.

3. Ang mga astronomo ay laging nakakatuklas ng mga bagong planeta sa malalayong lugar sa kalawakan. May mga nagsasabi na ang pagkakaroon ng napakaraming planeta ay nagpapatunay na maaaring mayroong buhay sa ibang panig ng kalawakan. Ang totoo, wala pang sinuman ang nakatuklas o nakapagpatunay ng teoryang ito sa dinami-dami ng spekulasyon. Ang napakalayong distansya ng mga planetang ito sa ating mundo ang dahilan kung bakit napakaimposible na sabihin o patunayan ang abilidad ng mga planetang ito na magbigay buhay sa anumang nilalang. Dahil alam nilang ang ang mundo lamang na ating tinitirahan ngayon ang may kakayahang magbigay buhay, ang mga naniniwala sa ebolusyon ay naghahanap ng buong sikap ng iba pang planeta sa ibang solar system upang suportahan ang teorya na maaari ngang ang mga nilalang ay nagmula sa ibang nilalang. Napakaraming mga planeta sa kalawakan ngunit ang tiyak ay wala tayong kakayahang alamin ang tungkol sa mga planetang ito kung mayroon bang kayang sumuporta sa buhay na katulad ng ating mundo.

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol dito? Ang mundo at ang sangkatauhan ay natatangi sa mga nilikha ng Diyos. Itinuturo sa atin sa Genesis 1 na nilikha muna niya ang mundo bago Niya nilikha ang araw, ang buwan maging ang mga tala at bituin. Ayon sa Gawa 17:24, 26 "Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay"At ginawa niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan."

Nilikha ng Diyos ang tao na walang kasalanan at lahat ng bagay sa mundo ay "mabuti" (Genesis 1:31). Ng magkasala ang unang taong si Adan (Genesis 3), ang bunga ay sumpa ng Diyos sa lahat ng aspeto ng sangnilikha mula sa sakit hanggang sa kamatayan. Kahit na ang mga hayop na walang kasalanan laban sa Diyos dahil sila ay hindi moral na nilalang, ay nagdurusa rin at namamatay (Roma 8:19-22). Namatay si Hesus upang bayaran ang kaparusahan na dapat nating maranasan dahil sa ating mga kasalanan. Sa Kanyang muling pagparito, papawiin Niya ang sumpa na naranasan ng lahat mula noong panahon ni Adan (Pahayag 21-22). Pansinin na sinabi sa Roma 8:19-22 na ang sangnilikha ay nananabik din sa paghihintay sa panahong iyon. Mahalaga ring maunawaan na namatay si Kristo para sa sangkatauhan at Siya'y namatay na minsan lang at iyon ay sapat na (Hebreo 7:27; 9:26-28; 10:10).

Kung ang lahat ng nilikha ay nagdurusa at nasa ilaim ng sumpa ng Diyos, lahat ng may buhay labas sa mundong ito ay tiyak na nagdurusa rin. Alang-alang sa argumento, kung ipagpalagay nating may iba pang nilikha sa ibang planeta, sila man ay nagdurusa rin at nasa ilalim din ng sumpa ng Diyos at kung hindi man sila nagdurusa ngayon, silang lahat ay magugunaw rin naman sapagkat sinabi ni Apostol Pedro na ang lahat ng bagay sa sangkalawakan ay gugunawin sa apoy (2 Pedro 3:10). Kung hindi sila nagkasala, hindi magiging makatarungan ang Diyos kung parurusahan sila. Ngunit kung sila'y nagkasala at si Hesus ay maaari lamang mamatay na minsan (na ginawa Niya dito sa lupa) kung gayon ay iniwan Niya sila sa kanilang kasalanan na magiging kontradiksyon din sa katangian ng Diyos (2 Pedro 3:9). Magiiwan ang kaisipang ito sa atin ng hindi malulutas na mga kabalintunaan, iyon ay kung totoong may ibang nabubuhay na nilalang sa ibang panig ng kalawakan.

Paano naman ang mga hindi moral na nilikha ngunit may buhay na nilalang sa ibang planeta? Maaari bang may algae o aso o pusa sa isang hindi kilalang planeta? Kung meron man, hindi ito makakaapekto sa katotohanan ng Bibliya. Ngunit dahil ang lahat sa sangnilikha ay nagdurusa, ano ang layunin ng Diyos sa paglikha sa mga nilalang na walang moralidad ngunit may buhay sa ibang planeta?

Sa huli, hindi tayo binibigyan ng anumang dahilan ng Bibliya upang paniwalaan na mayroong ibang nilikha ang Diyos bukod sa tao sa ibang panig ng kalawakan. Sa halip binibigyan tayo ng Bibliya ng dahilan kung bakit hindi tayo dapat maniwala sa teoryang ito. Oo nga't maraming bagay na hindi natin maipapaliwanag, ngunit walang anumang dahilan upang ibintang ang mga hindi pangkaraniwang pangyayari na hindi natin maipaliwanag sa mga nilalang sa ibang planeta o aliens at UFO. Kung mayroon mang paliwanag para sa mga ito, ito ay mas maipapaliwanag sa espiritwal na paraan at masasabing ang mga bagay na ito na itinuturing na aliens o UFOs ay mga gawa ng demonyo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang mga nilalang sa ibang planeta/alien o UFO?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries