Tanong
Kinukunsinti ba ng Bibliya ang pangaalipin?
Sagot
Kadalasang tinitingnan natin ang pangaalipin bilang bahagi na ng nakaraan. Ngunit tinatayang higit sa 12 milyong tao ngayon sa mundo ang nakakaranas ng pangaalipin: sapilitang paggawa, prostitusyon, at iba pa. Para sa mga nakalaya na sa pagkaalipin sa kasalanan, ang mga sumasampalataya kay Hesus ay nararapat lamang na manguna sa pagsugpo sa pangaalipin sa ating mundo ngayon.Ngunit bakit nga ba tila walang isinasaad na matinding paglaban ang Bibliya tungkol sa pangaalipin at sa halip ay tahasang pinapayagan ang pagkakaroon ng alipin?
Hindi kinokondena ng Bibliya ang pagkakaroon ng alipin. Ito ay nagsasaad ng mga panuntunan ukol sa kung paano dapat tratuhin ang mga alipin (Deuteronomio15:12-15; Efeso 6:9; Colosas 4:1), ngunit hindi ipinagbabawal sa kabuuan. Sa marami, ito ay nakikita bilang pagkunsinti ng Bibliya sa lahat ng uri ang pangaalipin. Ang hindi nila nauunawaan ay ang uri ng pangaalipin noong panahong isinulat ang Bibliya ay malaki ang kaibahan sa uri ng pangaalipin nitong daantaong nakalipas sa iba't ibang panig ng mundo.
Ang pangaalipin na binabanggit sa Bibliya ay hindi lamang nakabatay sa lahi. Ang mga tao ay hindi nagiging alipin dahil sa kanilang pinagmulan at kulay ng balat. Noong panahong iyon, ang pagiging alipin ay batay sa katayuan sa lipunan. Ipinagbibili nila ang kanilang sarili bilang pambayad utang o upang maitustos sa kanilang pamilya. Sa panahon ng Bagong Tipan, maging ang mga doktor, abugado o pulitiko ay naging alipin din. May mga taong pinipiling maging alipin upang makuha ang kanilang mga pangangailangan mula sa kanilang amo.
Ang pangaalipin sa mga nakalipas na taon ay base lamang sa kulay ng kanilang balat. Sa Estados Unidos, ang mga itim ay naging alipin dahil sa kanilang kulay; marami sa nagmamay-ari ng mga alipin ay naniniwalang mas mababang uri ng tao ang mga maiitim. Ang Bibliya ay tahasang kumokondena sa pangaalipin batay sa lahing pinagmulan.Tulad na lamang ng pangaaliping naranasan ng mga Hebreo sa mga taga- Ehipto. Ang mga hebreo ay naging alipin, hindi sa kanilang kagustuhan kundi dahil sila ay mga Hebreo (Exodo 13:14). Ang mga salot na ibinuhos ng Diyos sa Ehipto ay pagpapakita lamang sa damdamin ng Diyos tungkol sa pangaalipin dahil sa lahi (Exodo 7-11).Oo, pinapayagan ng Bibliya ang ibang uri ng pangaalipin. Gayon din naman, hindi pinahihintulutan ang ibang uri nito.
Ang mahalagang tandaan, malaki ang kaibahan ng pangaalipin na pinapayagan sa Bibliya kumpara sa pangaaliping nakabatay sa lahi na malaking suliraning hinaharap ng ating mundo nitong mga nakalipas na taon hanggang sa kasalukuyan.
Bukod pa dito, parehong kinokondena ng Luma at Bagong Tipan ang "pagnanakaw ng tao" tulad ng nangyari sa Africa noong ika-19 siglo. Sila ay tinipon upang ipagbili at maging alipin sa tinawag na "New World" upang magtrabaho sa mga plantasyon at bukid. Ang gawaing ito ay kasuklam-suklam sa Diyos. Sa katunayan, ang parusa ayon sa Kautusan ni Moises ay kamatayan;
"At ang magnakaw ng isang tao, at ipagbili, o masumpungan sa kaniyang kamay, ay papataying walang pagsala" (Exodo 21:16). Gayon din, ayon sa Bagong Tipan, ang mga ito ay kabilang sa mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos, mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina, sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikiapid sa kapwa lalaki, sa mga sinungaling at saksing hindi nagsasabi ng totoo (1 Timoteo 1:8-10).
Ating tatandaan na ang pinakamahalagang layunin ng Bibliya ay ituro ang tungkol sa kaligtasan, at hindi upang baguhin ang lipunan. Bagamat madalas, ang Bibliya ay pumapaksa ng iba't ibang aspeto ng buhay ng tao mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaking bahagi nito. Kung ang isang tao ay makaranas ng pag-ibig, awa at biyaya ng Diyos, babaguhin ng Diyos ang kanyang kaluluwa, ang pag-iisip at pagkilos. Ang isang taong nakasumpong ng biyaya mula sa Diyos at ng kaligtasan at kalayaan sa kasalanan matapos siyang baguhin ng Diyos ay malalamang mali ang pangaalipin. Ang taong tunay na nakaranas ng grasya ng Diyos ay magiging mapagmahal sa kanyang kapwa. Ito ang hatol ng Bibliya upang wakasan ang pangaalipin.
English
Kinukunsinti ba ng Bibliya ang pangaalipin?