settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkagalit?

Sagot


Ang pagkontrol sa galit ay isang mahalagang paksa. Ayon sa mga Kristiyanong tagapayo, may 50 porsyento ng mga tao ang pumupunta sa kanila na ang problema ay may kinalaman sa pagkagalit. Maaaring sirain ng galit ang komunikasyon at wasakin ang mga relasyon at ito rin ang sumusira hindi lamang ng kalusugan kundi ng buhay ng marami. Nakalulungkot na binibigyang katarungan ng tao ang pagkagalit sa halip na angkinin ang kanilang responsibilidad. Ang bawat tao ay nagdaranas ng galit sa iba't ibang antas. Salamat dahil ang Salita ng Diyos ay tumatalakay sa mga prinsipyo kung paano dadalhin ang pagkagalit sa isang makadiyos na pamamaraan at kung paapano mapapaglabanan ang makasalanang pagkagalit.

Hindi laging kasalanan ang pagkagalit. May uri ng pagkagalit na sinasang-ayunan ng Bibliya na tinatawag na "banal na pagkagalit." Ang Diyos din ay nagagalit (Awit 7:11; Markos 3:5), at iniutos din sa mga mananampalataya na magalit (Efeso 4:26). May dalawang Griyegong salita ang ginamit sa Bagong Tipan para salitang "galit." Ang isa ay ngangahulugan ng "pagkahumaling, enerhiya" habang ang isa naman ay ngangahulugan ng "pagkairita, pagkulo." Sa biblikal na pakahulugan, ang galit ay isang emosyon na ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang lutasin ang mga problema. Ang ilan sa mga halimbawa ng biblikal na pagkagalit ay ang pagsaway ni Pablo kay Pedro dahil sa masamang halimbawa nito sa Galatia 2:11-14, ang pagkabalisa ni David ng kanyang marinig kay Nathan ang isang kuwento ng kawalang katarungan (2 Samuel 12), at ang pagkagalit ni Hesus dahilan sa ginawang pagsalaula ng mga Hudyo sa templo ng Diyos sa Jerusalem (Juan 2:13-18). Pansinin na wala sa mga halimbawang ito ng pagkagalit ang may bahid ng pagtatanggol sa sarili, kundi pagtatanggol sa iba o sa isang prinsipyo.

Nagiging kasalanan ang pagkagalit kung ito ay dahil sa pansariling motibo (Santiago 1:20), kung napipilipit ang layunin ng Diyos (1 Corinto 10:31), o kung hinahayaan ito na manatili (Efeso 4:26-27). Masama ang galit kung ang tao ang nilalabanan sa halip na gamitin ang galit laban sa problema. Sinasabi sa Efeso 4:15-19 na dapat nating sabihin ang katotohanan sa pag-ibig at gamitin ang ating mga salita upang makapagpatibay ng iba at huwag hayaan na may mga masamang salita na mamutawi sa ating mga labi. Ang malungkot, ang pagbigkas ng mga nakalalasong pananalita ang pangkaraniwang ginagawa ng taong makasalanan (Roma 3:13-14). Nagiging kasalanan ang pagkagalit kung hindi ito kinokontrol at nagbubunga ito ng sama ng loob (Kawikaan 29:11), at nagiiwan ng pagkasira at masakit na konsekwensya. Nagiging kasalanan din ang pagkagalit kung hindi na tumatahimik ang taong nagagalit at nagtatanim ng sama ng loob o kaya naman ay iningatan ang pagkagalit sa kanyang puso (Efeso 4:26-27). Ito ay magbubunga ng depresyon at pagiging iritable kahit sa maliliit na bagay dahil sa galit na hindi naresolba sa puso ng tao.

Maaari nating harapin ang ating pagkagalit sa isang biblikal na pamamaraan sa pamamagitan ng pagkilala at pagamin sa ating pagkagalit (Kawikaan 28:13; 1 Juan 1:9). Dapat itong gawin sa harap ng Diyos at ng taong nasaktan dahil sa ating pagkagalit. Hindi natin dapat maliitin ang ating pagkakasala sa pamamagitan ng pagiwas o paninisi ng ibang tao.

Maaari din nating harapin ang pagkagalit sa isang biblikal na pamamaraan kung makikita natin ang Diyos sa likod ng problema. Mahalaga ito lalo kung nakagawa ang isang tao ng isang kasalanan na nakasakit sa ating damdamin. Sinasabi sa Santiago 1:2-4, Roma 8:28-29, at Genesis 50:20 ay nagsasaad ng katotohanan na ang Diyos ang may kapamahalaan at may ganap na kontrol sa lahat ng pangyayari at lahat ng tao na ating nakakasalamuha. Walang nangyayari sa atin na hindi pinahintulutan ng Dyios. At gaya ng itinuturo ng mga talatang ito, ang Diyos ay mabuting Diyos (Awit 145:8, 9, 17) na nagpapahintulot ng lahat ng bagay at pangyayari sa ating buhay para sa ating ikabubuti at para sa ikabubuti din naman ng iba. Ang pagbubulay sa katotohanang ito sa ating isip hanggang sa bumaba ito sa ating puso ang babago sa ating paguugali sa pagharap sa mga taong nakasakit sa ating damdamin.

Maaaring Biblikal ang ating pagkagalit kung ang isang bagay na ating kinagagalitan ay kinapopootan ng Diyos at ipinapaubaya natin sa Kanya ang hustisya. Ito ay totoo sa mga kaso ng kawalang katarungan at kung inaabuso ng masasamang tao ang mga inosente. Sinasabil sa Genesis 50:19 at Roma 12:19 na hindi nararapat paglaruan ang Diyos. Ang Diyos ay makatwiran at makatarungan at mapagtitiwalaan natin Siya na nakakaalam ng lahat at nakakakita ng mga gawa ng tao (Genesis 18:25).

Maaari nating harapin ang pagkagalit sa Biblikal na pamamaraan kung hindi natin gagantihan ang masama ng masaa kundi ng mabuti (Genesis 50:21; Roma 12:21). Kailangan nating palitan ang ating emosyon ng pagkagalit ng pag-ibig. Gaya ng pagdaloy ng ating kilos mula sa ating puso, gayundin naman ang ating aksyon ang babago sa ating puso (Mateo 5:43-48). Kaya nating baguhin ang ating damdamin sa ibang tao kung babaguhin natin ang ating aksyon sa presensya ng taong iyon.

Maaari nating harapin ang pagkagalit sa pamamagitan ng pakikipagusap upang maresolba ang problema. May apat na pangunahing batas sa pakikipagkomunikasyon na ibinahagi si Pablo sa Efeso 4:15; 25-32.

1) Magsalita ng buong katapatan (Efeso 4:15, 25). Hindi kayang basahin ng iba ang ating iniisip. Kailangan nating sabihin ang katotohanan sap ag-ibig.

2) Maging mapagbantay (Efeso 4:26-27). Hindi natin dapat hayaan na lumala ang problema at mawalan tayo ng kontrol. Ang pagharap at pagbabahagi sa mga bagay na gumugulo sa atin ay mahalaga bago iyon lumala.

3) Atakehin ang problema huwag ang tao (Efeso 4:29, 31). Ngunit habang ginagawa ito, dapat nating tandaan na mahalagang ibaba lamang ang ating boses (Kawikaan 15:10).

4) Umaksyon, huwag magdepende sa reaksyon (Efeso 4:31-32). Dahil sa ating makasalanang kalagayan, ang ating unang reaksyon sa problema ay laging may konotasyon ng pagkakasala (v. 31). Ang pagbilang ng sampu bago tayo umaksyon ay makatutulong upang isipin muna kung paano tayo kikilos at magsasalita (v. 32). Kailangan nating isipin kung paano natin gagamitin ang ating galit sa paglutas ng problema at hindi para makadagdag pa sa problema.

Sa huli, kailangan natng gawin ang ating bahagi sa paglutas ng problema (Mga Gawa 12:18). Hindi natin kayang kontrolin ang reaksyon at isip ng iba, ngunit kaya nating kontrolin ang ating sarili. Hindi kayang paglabanan ang emosyon ng biglaan. Ngunit sa pamamagitan ng pananalangin, pagaaral ng Bibliya at pagtitiwala sa Banal na Espiritu, maaaring paglabanan ang pagkagalit. Kung paanong hinahayaan natin na kontrolin ng galit ang ating buhay noong hindi pa tayo nananampalataya, dapat din nating sanayin na kontrolin ang ating pagkagalit ngayong nakikilala na natin ang Panginoon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkagalit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries