settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Biblikal na hermeneutiko/hermeneutics?

Sagot


Ang Biblikal na hermeneutiko (hermeneutics) ay ang pagaaral sa mga prinsipyo at pamamaraan ng pangunawa sa mga teksto ng Bibliya. Inuutusan ang mga mananampalataya sa 2 Timoteo 2:15 na gumamit ng tamang hermeneutiko (hermeneutics), “Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan.” Ang layunin ng Biblikal na hermeneutiko (hermeneutics) ay tulungan tayo na malaman kung paano ang tamang pagpapaliwanag, pangunawa at pagsasapamuhay ng Salita ng Diyos.

Ang pinakamahalagang batas ng Biblikal na Hermeneutiko (hermeneutics) ay ang pagpapaliwanag sa Bibliya sa literal na paraan hanggat maaari. Dapat nating unawain ang Bibliya sa normal at simpleng kahulugan ng mga salita malibang malinaw na ang teksto ay hindi literal at isinulat sa paraang simboliko. Karaniwang literal na sinasabi ng Bibliya ang nais nitong ipakahulugan at pinapakahuluganan nito ang nais nitong sabhin. Halimbawa, ng sabihin sa Bibliya na pinakain ni Hesus ang “limang libo” sa Markos 8:19, ang batas ng Biblikal na Hermeneutiko (Hermeneutics) ay nagsasaad na dapat nating unawain ang salitang “limang libo” sa literal na paraan – na ito ay isang grupo ng may limang libong nagugutom na mga Hudyo na pinakain ni Hesus ng tunay na tinapay at tunay na isda sa pamamagitan ng Kanyang ginawang himala. Ang anumang pagtatangka na gawing “espiritwal” ang numerong ito o tanggihan ang isang iteral na himala ay kawalan ng katarungan sa sinasabi ng teksto at hindi pagpapahalaga sa layunin ng mga salita. May ilang tagapagpaliwanag ng Bibliya ang nagkakamali dahil tinatangka nilang baguhin ang literal na kahulugan ng mga salita sa Bibliya upang isingit ang kanilang nais na kahulugan na wala naman talaga sa teksto na parang ang bawat talata ay may nakatagong espiritwal na katotohanan na dapat nilang tuklasin. Pinapanatili ng Biblikal na Hermeneutiko ang katapatan sa eksaktong kahulugan ng Kasulatan upang hindi natin gawing alegorya ang mga talata ng Bibliya na dapat na inuunawa sa literal na paraan.

Ang ikalawang batas ng Biblikal na hermeneutiko (hermeneutics) ay dapat na unawain ang mga talata sa Bibliya ayon sa kasaysayan, batas gramatiko at konteksto. Ang pangunawa sa isang teksto ayon sa kasaysayan ay nangangahulugan na dapat na sikapin nating maunawaan ang kultura at sitwasyon sa likod ng pagsulat sa isang teksto. Halimbawa, upang lubos na maunawaan ang paglalakbay ni Jonas sa Jonas 1:1–3, dapat nating saliksikin ang kasaysayan ng bansang Asiria at ang relasyon nito sa Israel. Ang pagpapaliwanag sa isang teksto ayon sa gramatiko ay ang nangangailangan ng pagsunod sa batas gramatiko at pagalam sa gamit ng talasalitaang Hebreo at Griyego kung saan orihinal na isinulat ang Luma at Bagong Tipan. Halimbawa, ng isulat ni Pablo ang pariralang “ang ating Dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesu Kristo” sa Tito 2:13, ang batas gramatiko ay nagsasaad na ang salitang Diyos at Tagapagligtas ay parehong tumutukoy kay Hesu Kristo – sa ibang salita, malinaw na tinatawag ni Pablo si Hesus na “ang ating Dakilang Diyos.” Ang pagpapaliwanag sa Bibliya ayon sa konteksto ay kinapapalooban ng pagsasaalang alang sa konteksto ng isang talata o sitas sa pagtatangka na alamin ang tamang kahulugan. Kasama sa konteksto ang mga talatang sinusundan at kasunod ng talatang pinagaaralan, ang kabanata, ang aklat, at sa mas malawak na konteksto, ang buong Bibliya. Halimbawa, ang nakalilitong mga pangungusap sa aklat ng Mangangaral ay nagiging malinaw kung malalaman ang konteksto ng aklat – na ito ay isinulat mula sa isang panlupang pananaw “sa ilalim ng araw” (Mangangaral 1:3). Sa katotohanan, ang pariralang “sa ilalim ng araw” ay inulit ng halos tatlumpu’t siyam (39) na beses sa aklat na siyang nagtatag ng konteksto sa katotohanan na walang kabuluhan ang lahat ng bagay sa mundong ito.

Ang ikatlong batas ng Biblikal na hermeneutiko (hermeneutics) ay ang batas na laging ang Kasulatan ang pinakamahusay na tagapagpaliwanag sa kanyang sarili. Dahil dito, lagi nating ikinukumpara ang Kasulatan sa kanyang sarili sa pagtatangka na malaman ang kahulugan ng isang talata. Halimbawa, ang pagsawata ni Isaias sa Juda sa ginawa nitong paghingi ng tulong sa Egipto at ang kanilang pagtitiwala sa sandatahang lakas nito (Isaias 31:1) ay udyok, sa isang banda ng malinaw na utos ng Diyos na hindi dapat na humingi ng tulong ang Israel sa kabayuhan ng mga Egipto (Deuteronomio 17:16).

May mga tao na iniiwasan ang pagaaral ng Biblikal na hermeneutiko (hermeneutics) dahil sa maling paniniwala na nalilimitahan nito ang kanilang kakayahan na malaman ang mga bagong katotohanan mula sa Salita ng Diyos o nahahadlangan nito diumano ang pagpapaliwanag ng Banal na Espiritu sa Kasulatan. Ngunit walang basehan ang pananaw na ito. Ang Biblikal na hermeneutiko ay tungkol sa pagsasaliksik sa tamang interpretasyon ng Salita ng Diyos. Layunin ng Biblikal na hermeneutiko na protektahan tayo laban sa maling paglalapat ng Kasulatan o sa pagkiling o pagbibigay ng ating sariling kulay at kahulugan sa sinasabi ng mga teksto na siyang dahilan ng maling pangunawa sa Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay katotohanan (Juan 17:17). Nais nating malaman ang katotohanan at ipamuhay ito sa abot ng ating makakaya, at ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng Biblikal na hermeneutiko (Biblical hermeneutics). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Biblikal na hermeneutiko/hermeneutics?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries