Tanong
Paano natin malalaman kung anong bahagi ng Bibliya ang maaring ilapat sa buhay natin ngayon?
Sagot
Maraming maling pangunawa ang nangyayari kung ating ipagpapalagay na ang lahat ng mga utos sa Bibliya ay hindi para sa mga tao sa kasalukuyan kundi para lamang sa orihinal na sinulatan sa kanilang panahon o kaya naman kung ating ipagpapalagay na ang isang partikular na utos na para lamang sa isang natatanging grupo ay para naman sa lahat ng tao sa lahat ng panahon. Paano natin malalaman ang pagkakaiba? Ang unang bagay na dapat tandaan ay natapos na ang canon ng Kasulatan sa pagtatapos ng unang siglo A.D. Nangangahulugan ito na karamihan, kung hindi man lahat ng mga Aklat sa Bibliya ay hindi orihinal na isinulat para sa atin. Ang nasa isip ng mga may akda ay ang kanilang mga mambabasa sa panahong iyon at maaaring hindi nila alam na ang kanilang mga sulat ay mababasa ng maraming tao sa buong mundo pagkatapos ng ilang siglo. Ito ang dahilan kung kaya't dapat tayong maging napakaingat sa pagpapaliwanag ng Bibliya sa mga Kristiyano sa ating panahon ngayon. Makikita na marami sa mga mangangaral ngayon ang itinuturing ang Bibliya na tulad sa isang dagat na pinagkukunan ng aplikasyon sa buhay ng mananampalataya ngayon. Ginagawa nila ito ng hindi inuunawa ang kahulugan ng Bibliya para sa orihinal na manunulat at hindi isinasaalang-alang ang tamang interpretasyon at pagunawa sa mga talata ng Bibliya.
Ang unang tatlong batas sa pagunawa sa Bibliya o Hermeneutics (ang sining at siyensya sa pagunawa sa Bibliya) ay 1) konteksto, 2) konteksto at 3) konteksto. Bago natin sabihin sa Kristiyano sa panahon natin ngayon kung paano nila ipamumuhay ang itinuturo ng Bibliya, dapat muna tayong magkaroon ng tamang pangunawa kung ano ang ibig sabihin ng isang partikular na talata sa Bibliya sa mga unang sinulatan. Kung magmumungkahi tayo ng aplikasyon na malayo sa pangunawa ng mga unang sinulatan, may malaking posibilidad na mali ang pagkaunawa natin sa mga talatang iyon ng Bibliya. Pagkatapos nating maunawaan ang kahulugan ng isang talata para sa mga orihinal na mambabasa, maaari na nating ikunsidera ang pagkakaiba sa pagitan natin at ng unang sinulatan. Ano ang pagkakaiba sa wika, panahon, kultura, heograpiya, pangyayari at sitwasyon? Ang lahat ng ito ay dapat na isaalang-alang bago ilapat ang aplikasyon. Matapos nating maintindihan ang pagkakaiba sa pagitan natin at ng mga unang mambabasa, makikita natin ang pagkakahawig sa atin ngayon at ng mga unang sinulatan at sa huli, makikita natin ang tamang aplikasyon para sa ating sarili sa ating panahon at sitwasyon.
Mahalaga rin ang katotohanan na ang bawa talata ay mayroon lamang iisang tamang interpretasyon. Maaaring magkaroon iyon ng maraming aplikasyon ngunit iisa lamang ang tamang interpretasyon. Nangangahulugan ito na ang ibang aplikasyon ay maaaring mas tama kaysa sa iba. Kung ang isang aplikasyon ay mas malapit sa tamang interpretasyon kaysa sa isa, iyon ang mas tamang aplikasyon ng teksto. Halimbawa, maraming sermon na ang nagawa mula sa 1 Samuel 17 (ang kuwento tungkol sa labanan ni David at Goliat), na ang aral na itinuturo ay “pagtalo sa mga Goliat sa ating buhay.” Mababaw lamang ang kanilang pagaaral sa mga detalye ng salaysay at agad na pumupunta sa aplikasyon, na karaniwang ginagawang alegoriya (allegory) si Goliat at ipinalalagay na si Goliat ay ang mga mahihirap na sitwasyon sa buhay na kailangang mapagtagumpayan sa pamamagitan ng pananampalataya. May mga pagtatangka din na pakahuluganan ang limang makikinis na bato na pinulot ni David. Ang mga sermong ito ay karaniwang may konklusyon na “maging matapat tayo sa Diyos gaya ni David.”
Habang ang mga interpretasyong ito ay “nagbibigay ng kulay” sa sermon, hindi kapanipaniwala na ang mga ganitong paglalapat ang siya ring pagkaunawa sa kuwento ng mga orihinal na sinulatan. Bago natin mailapat ang katotohanan ng 1 Samuel 17, kailangan nating malaman kung paano iyon naunawaan ng mga orihinal na mambabasa at nangangahulugan ito ng pangunawa sa pangkalahatang layunin ng Aklat ng 1 Samuel. Kung pag-aaralang mabuti ang kuwento, masasabi nating hindi ito tungkol sa pagtalo sa mga higante sa ating buhay. Maaaring ito ay isang napakalayong aplikasyon ng mga talata ngunit ang interpretasyong ito ay napakalayo sa teksto. Ang Diyos ang bayani sa kuwento at si David ay isa lamang piniling instrumento upang magligtas sa Kanyang bayan. Pinaghahambing ng kuwento ang haring pinili ng mga tao (si Saul) at ang haring pinili ng Diyos (Si David) at sinasalamin din nito kung ano ang gagawin ni Kristo (ang Anak ni David) sa hinaharap upang pagkalooban tayo ng kaligtasan.
Ang isa pang teksto na karaniwang inuunawa na hindi inaalam ang konteksto ay ang Juan 14:13-14. Kung uunawain ang talatang ito ng hindi inaalam ang konteksto, mukha ngang itinuturo ng talata na kung dadalangin tayo sa Diyos ng kahit anong bagay, ipagkakaloob sa atin iyon kung gagamitin natin ang salitang sa “pangalan ni Hesus” na tulad sa isang pormula. Kung iaaplay ang mga batas ng tamang hermeneutics sa mga talatang ito, makikita natin na nakikipagusap si Hesus sa mga alagad noong huling hapunan bago Siya ipagkanulo ni Hudas. Ang kausap dito ni Hesus ay ang mga alagad. Ipinangako ni Hesus sa Kanyang mga alagad na ipagkakaloob sa kanila ng Diyos ang lahat ng kanilang kinakailangan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Ito ay isang talata ng pagbibigay kaaliwan dahil malapit na silang iwanan ni Hesus. May aplikasyon ba ito sa mga mananampalataya sa panahong ito? Oo naman! Kung mananalangin tayo ayon sa kalooban ng Diyos (sa pangalan ni Hesus), ipagkakaloob ng Diyos ang ating mga kinakailangan upang matupad ang Kanyang kalooban para sa atin at sa pamamagitan natin. Bukod pa dito, ang ating tugon ay dapat na laging pagluwalhati sa Diyos. Hindi ito tungkol sa pagbibigay sa atin ng anumang ating naisin, kundi itinuturo ng mga talatang ito na dapat tayong magpasakop sa kalooban ng Diyos sa ating mga panalangin, at ipagkakaloob Niya ang ating mga kinakailangan upang maganap natin ang Kanyang kalooban.
Ang tamang interpretasyon sa Bibliya ay nakasalig sa mga sumusunod na prinsipyo:
1. Konteksto. Upang maunawan ng lubos ang isang talata, magumpisa muna mula sa maliit hanggang sa malaki: talata muna bago sitas, pagkatapos ay kabanata, aklat, may akda at ang Tipan ng Diyos.
2. Unawain kung paano nauunawaan ng orihinal na sinulatan o mambabasa ang teksto.
3. Isaalang-alang ang mga pagkakaiba ng iyong kultura sa kultura ng unang mambabasa.
4. Kung ang isang utos mula sa Lumang Tipan ay inulit sa Bagong Tipan, ituring na ang utos na iyon ay para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon.
5. Tandaan na ang bawa talata sa Bibliya ay may isa lamang tamang interpretasyon, ngunit maaaring maraming aplikasyon (ang ibang aplikasyon ay mas tama kaysa sa iba).
6. Laging magpakumbaba at huwag kalimutan ang papel ng Banal na Espiritu sa interpretasyon. Ipinangako Niya sa atin na ipauunawa Niya sa atin ang lahat na katotohanan (Juan 16:13).
Gaya ng nasabi na sa itaas, ang interpretasyon o pagunawa sa Bibliya ay isang sining at isa ring siyensya. May mga batas at prinsipyo na kailangang gamitin at ang ilan sa mga talatang mahirap unawain ay nangangailangan ng mas maraming pagaaral at panahon upang maipaliwanag ng tama. Dapat na lagi tayong maging bukas sa pagtatama ng ating maling pagkaunawa kung itinuturo sa atin ng Banal na Espiritu ang tamang interpretasyon at sinusuportahan iyon ng mga ebidensya sa Kasulatan.
English
Paano natin malalaman kung anong bahagi ng Bibliya ang maaring ilapat sa buhay natin ngayon?