settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang ibig sabihin na ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos”?

Sagot


Kapag sinasabi ng mga tao na ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos,” tinutukoy nito ang katotohanang ang Diyos ang gumabay sa mga taong sumulat sa mga Kasulatan kaya't ang kanilang mga isinulat ay ang mismong Salita ng Diyos. Sa konteksto ng Kasulatan, ang ibig sabihin ng kinasihan ay “hiningahan ng Diyos.” Ang pagkasi ng Diyos sa Bibliya ay nagpapahiwatig sa atin ng katotohanan na ang Kasulatan ay totoong Salita ng Diyos, at ito ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay kakaiba sa lahat ng mga aklat.

Habang may iba't ibang pananaw sa kung hanggang saan ang pagkasi ng Diyos sa Bibliya, walang pag-aalinlangang ang Bibliya mismo ang umaangkin na ang lahat ng mga Salita, at ang lahat ng bahagi ng Bibliya ay kinasihan ng Diyos (1 Corinto 2:12-13; 2 Timoteo 3:16-17). Ang ganitong pananaw sa Kasulatan ay malimit na tinatawag na verbal na pagkasi o “verbal plenary inspiration.” Nangangahulugan ito na ang pagkasi sa Bibliya ay sumasaklaw sa bawat salita mismo, at hindi lamang sa mga konsepto o ideya; at ang pagkasi ng Diyos sa Bibliya ay sumasaklaw sa lahat ng bahagi ng Kasulatan at sa lahat ng paksa sa Bibliya. May ilang taong naniniwala na ilang bahagi lamang ng Bibliya ang kinasihan, o tanging ang mga diwa at konsepto lamang na may kinalaman sa relihiyon ang kinasihan, subalit ang ganitong pananaw ng pagkasi ng Diyos sa Bibliya ay salungat sa inaangkin mismo ng Bibliya. Ang pagkasi ng Diyos sa kabuuan ng Bibliya o “verbal plenary inspiration” ay siyang angkop na pangunawa sa pagkasi ng Diyos sa Kanyang mga Salita.

Ang saklaw ng pagkasi ng Diyos sa Bibliya ay malinaw na makikita sa aklat ng 2 Timoteo 3:16, “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Diyos ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” Sinasabi sa atin ng talatang ito na kinasihan ng Diyos ang kabuuan ng Kasulatan at kapakipakinabang ito sa atin. Hindi lamang ang mga bahagi ng Bibliya na tumutukoy sa mga doktrinang pangrelihiyon ang kinasihan ng Diyos, sa halip ang bawat bahagi nito mula sa aklat ng Genesis hanggang sa aklat ng Pahayag ay eksaktong mga Salita ng Diyos. Dahil ito ay kinasihan ng Diyos o sa literal na kahulugan ay “hiningahan ng Diyos,” samakatuwid ang Kasulatan ang pinakamataas na awtoridad sa pagtatatag ng mga doktrina at sapat na sa pagtuturo sa sangkatauhan kung papaanong ang tao ay magkakaroon ng tamang relasyon sa Diyos. Hindi lamang inaangkin ng Bibliya na ito ay kinasihan ng Diyos kundi inaangkin din nito na mayroon itong kakayahang bumago at kumumpleto sa atin, upang maging handa tayo sa paggawa ng kalooban ng Diyos.

Ang isa pang talata na tumutukoy sa pagkasi ng Diyos sa Bibliya ay ang 2 Pedro 1:21. Sinasabi sa atin ng talatang ito na, “Ito ay sapagkat ang mga pahayag ay hindi dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao ngunit nagsalita ang mga banal na tao ng Diyos nang sila ay ginabayan ng Banal na Espiritu.” Tinutulungan tayo ng talatang ito na maunawaan na kahit na mga tao ang sumulat ng Bibliya, ang mga salitang kanilang isinulat ay ang mismong Salita ng Diyos. Kahit na ginamit ng Diyos ang mga tao na may kanya-kanyang personalidad at paraan ng pagsulat, kinasihan ng Diyos ang bawat salitang kanilang isinulat. Kinumpirma mismo ni Hesus ang pananaw na ito ng sabihin Niya, “Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin. Sapagka't katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anumang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay” (Mateo 5:17-18). Sa talatang ito, pinatutunayan ni Hesus ang kawastuhan ng mga Kasulatan hanggang sa pinakamaliit na detalye nito sapagkat ito ang mismong Salita ng Diyos.

Dahil ang Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, masasabi natin na ang Bibliya ay walang pagkakamali at may ganap na awtoridad. Ang tamang pananaw sa Diyos ay magbubunga sa tamang pananaw sa Kanyang Salita. Dahil ang Diyos ang nakakaalam ng lahat, banal at makapangyarihan sa lahat, ang Kanyang mga Salita ay repleksyon ng Kanyang mga katangiang ito. Walang pag-aalinlangang ang Bibliya ang pinakamataas na awtoridad patungkol sa pananampalataya at gawang ayon sa katuwiran. Tunay na ang Bibliya ang Salita ng Diyos para sa sangkatauhan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang ibig sabihin na ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos”?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries