settings icon
share icon
Tanong

Paano nakakaapekto ang iba’t ibang kategorya ng Bibliya sa ating pangunawa dito?

Sagot


Ang Bibliya ay isang obra ng literatura. Ang literatura ay may iba’t ibang kategorya o mga kategorya ayon sa istilo, at ang bawat isa ay binabasa at pinapahalagahan ng magkakaiba sa isa’t isa. Halimbawa, ang pagtrato ng magkapareho sa isang obra ng likhang isip at sa isang aklat ng medisina ay lilikha ng maraming problema—dapat silang unawain sa magkaibang paraan. At dapat na unawain sa magkaibang pamamaraan ang isang aklat na likhang isip at isang aklat ng medisina kaysa sa isang tula. Kaya nga, dapat na isaalang-alang ang layunin at istilo ng isang aklat o sitas sa Kasulatan para sa tamang pagpapakahulugan at pangunawa. Sa karagdagan, may ilang mga talata na ginawang pigura ng pananalita at ang tamang pangunawa sa mga ito ay napapahusay sa pamamagitan ng pangunawa sa genre o kategorya. Ang kawalang kakayahan na malaman ang kategorya o genre ng isang aklat ay nagbubunga sa seryosong maling pangunawa sa Kasulatan.

Ang mga pangunahing kategorya o genre na makikita sa Bibliya ay ang mga sumusunod: kautusan, kasaysayan, karunungan, tula, salaysay, mga sulat, hula at mga literatura para sa pagwawakas ng panahon. Ang paglalagom sa iba ay nagpapakita ng mga pagkakaiba sa pagitan ng bawat kategorya at kung paano ang pagpapakahulugan sa kanila:

Kautusan: Kabilang sa mga ito ang aklat ng Levitico at Deuteronomio. Ang layunin ng kautusan ay ipahayag ang walang hanggang kalooban ng Diyos patungkol sa pamahalaan, tungkulin ng mga saserdote, obligasyon ng mga tao sa sosyedad at iba pa. Ang kaalaman sa mga kaugalian at kultura ng mga Hebreo ng panahong iyon, maging ang kaalaman sa mga tipan ay malaking tulong sa pagbabasa at pangunawa sa ganitong materyales.

Kasaysayan: Ang mga kuwento at mga epiko mula sa Bibliya ay kasama sa kategoryang ito. Halos lahat ng aklat ng Bibliya ay naglalaman ng kasaysaysan, ngunit ang mga aklat ng Genesis, Exodo, Mga Bilang, Josue, Mga Hukom, 1 at 2 Samuel, 1 at 2 Mga Hari, 1 at 2 Cronica, Ezra, Nehemias, at mga Gawa ay naglalaman ng mas maraming kasaysayan. Ang kaalaman tungkol sa kasaysayan sa sekular ay napakahalaga dahil perpektong sinusuportahan nito ang kasaysayan ng Bibliya at mas pinalalakas ang tamang pangunawa sa Kasulatan.

Karunungan: Ito ay kategorya ng mga aporismo o talinghaga na nagtuturo ng kahulugan ng buhay at ng paraan ng pamumuhay. Ang ilan sa mga lengguwahe na ginamit sa literatura ng karunungan ay patula at patalinghaga at dapat itong isaalang-alang sa pagaanalisa at pangunawa sa kanilang kahulugan. Kasama sa mga aklat na ito ang aklat ng Kawikaan, Job, at Mangangaral.

Tula: Kasama sa mga ito ang mga prosa na may ritmo, pararelismo, at mga pigura ng pananalita, gaya ng Awit ni Solomon, Panaghoy, at mga Awit. Alam natin na marami sa mga awit ang sinulat ni David na isang musiko, o ng kanyang tagapanguna sa pagsamba na si Asap. Dahil hindi madaling isalin ang tula, nawawala ang “daloy” ng musika sa ilang sitas dahil sa proseso ng pagsasalin. Gayunman, makikita natin ang parehong paggamit ng mga idioma, pagkukumpara, at koro sa kategoryang ito na atin ding nakikita sa mga makabagong musika.

Salaysay: Kabilang sa kategoryang ito ang mga Ebanghelyo, na mga salaysay tungkol sa buhay ni Jesus, at ang mga aklat ng Ruth, Ester at Jonas. Makakakita din ang mambabasa ng kaunting ibang kategorya sa loob ng mga Ebanghelyo gaya ng talinghaga (Lukas 8:1-15) at talumpati (Mateo 24). Ang aklat ng Ruth ay isang perpektong halimbawa ng isang maiksing kuwento na maayos ang pagkakalahad, na kahanga-hanga sa kaiksian at istruktura.

Mga Sulat: Ang isang sulat ay isang liham na karaniwang pormal ang istilo. May 21 sulat sa bagong Tipan mula sa mga apostol para sa iba’t ibang iglesya o indibidwal. Ang mga sulat na ito ay may istilo na kapareho ng mga modernong sulat na may isang pasimula, isang pagbati, isang katawan o nilalaman at pagwawakas. Ang nilalaman ng mga sulat ay kinapapalooban ng paglilinaw sa mga dating katuruan, pagsaway, pagpapaliwanag, at isang malalim na pagsisid sa mga katuruan ni Jesus. Kailangang maunawaan ng isang mambabasa ang kultura, kasaysayan, at siwasyong sosyal ng orihinal na sinulatan para magkaroon ng pinakamagandang pangunawa o analisis sa mga aklat na ito.

Mga Hula at Literatura tungkol sa mga magaganap sa hinaharap. Ang mga hula sa Lumang Tipan ay ang aklat ni Isaias hanggang sa aklat ni Malakias at ang hula naman sa Bagong Tipan ay ang aklat ng Pahayag. Kasama sa mga ito ang mga prediksyon sa mga magaganap sa hinaharap, mga babala sa paparating na paghatol, at isang pangkalahatang ideya tungkol sa plano ng Diyos para sa Israel. Ang literatura para sa magaganap sa hinaharap ay isang partikular na anyo ng hula na karamihan ay kinapapalooban ng mga simbolo at matalinghagang paglalarawan at panghuhula sa magaganap na sakuna at pagkawasak sa hinaharap. Makikita natin ang uring ito ng lengguwahe sa Daniel (ang mga halimaw sa kabanata 7), Ezekiel (Ang nakabalumbong kasulatan sa kabanata 3), Zacarias, (Ang gintong kandelero o lalagyan ng kandila sa kabanata 4), at Pahayag (ang apat na mangangabayo sa kabanata 6). Ang mga aklat ng propesiya at mga hula sa hinaharap ang siyang laging paksa ng maling pangunawa at personal na pagpapakahulugan base sa emosyon o pagkiling para sa isang dating paniniwala. Gayunman, sinasabi sa atin sa Amos 3:7, “Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos, kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.” Kaya nga, nasabi na ang katotohanan at maaari itong malaman sa paggamit ng maingat na pagpapaliwanag, sa pagiging pamilyar sa ibang bahagi ng Bibliya, at pananalangin. May ilang bagay na hindi ginawang malinaw para sa atin ngayon ngunit magiging malinaw lamang pagdating ng kapuspusan ng panahon, kaya ang pinakamaganda ay hindi magpalagay na alam ang lahat ng bagay pagdating sa mga literatura para sa mga magaganap sa hinaharap.

Ang pangunawa sa mga kategorya o genre ng Kasulatan ay napakahalaga sa isang magaaral ng Bibliya. Kung ipagpapalagay ang isang maling kategorya para sa isang sitas, maaaring magkamali ang pangunawa dito, na magbubunga sa isang hindi kumpleto at mapanlinlang na pangunawa sa nais na ipahayag ng Diyos. Hindi ang Diyos ang may akda ng kalituhan (1 Corinto 14:33), at nais Niya na tama “ang paggamit sa katotohanan” (2 Timoteo 2:15). Nais din ng Diyos na malaman natin ang Kanyang plano para sa mundo at para sa atin bilang mga indibidwal. Anong ligaya na malaman natin “kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim” (Efeso 3:18) ang pag-ibig ng Diyos para sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano nakakaapekto ang iba’t ibang kategorya ng Bibliya sa ating pangunawa dito?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries