settings icon
share icon
Tanong

Maaari / dapat ba nating unawain ang Bibliya sa literal na paraan?

Sagot


Hindi lamang maaari nating unawain ang Bibliya sa literal na paraan, kundi dapat nating tanggapin na literal ang Bibliya. Ang literal na paraan ng interpretasyon ay ang tanging paraan upang maunawaan natin ang nais ng Diyos na ipaalam sa atin. Kung babasa tayo ng isang piyesa ng literatura, dapat nating alamin kung ano ang nais na ipaabot ng may akda. Marami ang bumabasa ng isang talata o kabanata ng Kasulatan at pagkatapos ay gagawa ng kanilang sariling pakahulugan sa mga salita , parirala o mga saknong at hindi isinasa-alang alang ang konteksto at intensyon ng orihinal na manunulat. Ngunit hindi ganito ang layunin ng Diyos, ito ang dahilan kung bakit Niya sinabi sa atin na, “Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Diyos, manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan” (2 Timoteo 2:15).

Ang isang dahilan kung bakit dapat nating unawain ang Bibliya sa literal na paraan ay dahil inunawa ito ng Panginoong Hesus sa ganitong paraan. Sa tuwing babanggit ang Panginoong Hesus ng talata mula sa Lumang Tipan, laging maliwanag na makikita na naniniwala Siya sa literal na interpretasyon ng mga iyon. Halimbawa, noong tuksuhin ni Satanas si Hesus sa ilang sa Lukas 4, sinagot Niya si Satanas sa pamamagitan ng pagbanggit sa Lumang Tipan. Kung ang utos ng Diyos sa Deuteronomio 8:3, 6:13, at 6:16, ay hindi literal, hindi iyon gagamitin ni Hesus at walang kapangyarihan ang mga salitang iyon upang pigilan si Satanas.

Itinuring din ng mga alagad na literal ang mga utos ni Kristo (na bahagi din ng Bibliya). Inutusan ni Hesus ang mga alagad na humayo at gumawa ng mga alagad sa Mateo 28:19-20. Sa Aklat ng mga Gawa, makikita natin ang mga alagad na itinuring na literal ang utos ni Hesus habang naglalakbay sila sa buong mundo at nangangaral ng Kanyang mga Salita at ipinapahayag sa lahat ng tao, “Sumampalataya kayo sa Panginoong Jesus, at maliligtas kayo” (Gawa 16:31). Sa parehong paraan, dapat din nating unawain ang mga Salita ng Panginoong Hesus sa paraang literal. Paano tayo makatitiyak sa ating kaligtasan kung hindi tayo literal na naniniwala na nagtungo si Hesus sa lupa upang hanapin at iligtas ang “naligaw” (Lukas 19:10), upang bayaran ang ating mga kasalanan (Mateo 26:28), at magkaloob sa atin ng buhay na walang hanggan (Juan 6:54)?

Ang pagunawa sa Bibliya sa paraang literal ay nagbibigay daan pa rin sa mga pigura ng pananalita o mga hindi literal na mga salita. Ang isang halimbawa ng pigura ng pananalita ay ang pagsasabi na, “ang araw ay sumisikat na.” Sa katotohanan, hindi naman talaga sumisikat ang araw; sa halip ang mundo ang umiikot sa araw sa isang paraan na tila sumisikat ang araw. Ngunit halos lahat ng tao ay nauunawaan ang pigurang ito ng pananalita at ginagamit ito ng lahat sa pakikipagusap sa kapwa tao. May mga hindi maikakailang mga pigura ng pananalita sa Bibliya na hindi dapat na intindihin sa literal na paraan (tingnan ang Awit 17:8 bilang halimbawa.)

Sa huli, kung ituturing natin ang ating sarili na siyang hukom sa kung aling bahagi ng Bibliya ang literal at kung alin ang hindi, itinataas natin ang ating sarili sa posisyon ng Diyos. Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Salita upang makipag-ugnayan sa atin. Ang mga kalituhan at maling pangunawa na nagmula sa isang hindi literal na interpretasyon ng Bibliya ay nagpapawalang bisa sa Kasulatan. Ang Bibliya ang Salita ng Diyos sa atin, at ibinigay Niya ito sa atin upang ating paniwalaan - ng literal at ganap.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Maaari / dapat ba nating unawain ang Bibliya sa literal na paraan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries