settings icon
share icon
Tanong

Ano ang iba’t ibang anyo ng Biblikal na literatura?

Sagot


Ang isa sa mga nakakaintrigang katotohanan tungkol sa Bibliya ay, habang ito ang instrumento ng Diyos sa pakikipagugnayan sa tao (Mateo 5:17; Markos 13:31; Lukas 1:37; Pahayag 22:18-19), bahagi rin ang mga tao sa proseso ng pagsulat nito. Gaya ng sinasabi sa Hebreo 1:1, “Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta.” Kasama sa “iba't ibang paraan” ang iba’t ibang uri ng literatura. Gumamit ang mga taong sumulat ng Bibliya ng iba’t ibang anyo ng literatura upang ipahayag ang iba’t ibang mensahe ng Diyos sa iba’t ibang panahon.

Naglalaman ang Bibliya ng kasaysayan (1 at 2 Hari), drama (Job), legal na dokumento (karamihan sa Exodo at Deuteronomio), liriko ng mga kanta (Awit ni Solomon at aklat ng Awit), tula (karamihan sa aklat ng Isaias), karunungan ng tao (Kawikaan at Mangangaral), mga hula (Pahayag at ilang bahagi ng aklat ng Daniel), maikling kuwento (Ruth), mga sermon (gaya ng itinala sa aklat ng mga Gawa), mga talumpati at proklamasyon (gaya sa mga talumpati ni Haring Nabucodonosor sa aklat ng Daniel), mga panalangin (marami sa aklat ng Awit), mga talinghaga (gaya ng mga sinabi ng Panginoong Hesus), mga pabula (gaya ng sinabi ni Haring Jotam), at mga sulat (gaya ng aklat ng Efeso at Roma).

Marami sa iba’t ibang uri ng literatura ang ginamit na magkakasama. Marami sa mga Awit, halimbawa, ay mga panalangin din naman. May ilan sa mga sulat ang naglalaman ng mga tula. Ang bawat uri ng literatura ay may natatanging katangian na dapat na isaalang-alang. Halimbawa, ang pabula ni Jotam (Hukom 9:7–15) ay hindi dapat unawain sa parehong paraan ng pangunawa sa 10 utos ng Diyos (Exodo 20:1–17). Ang pangunawa sa mga tula, sa paggamit nito ng mga pigura ng pananalita at iba pang pananalitang mabulaklak ay malaki ang pagkakaiba sa pangunawa sa mga salaysay tungkol sa kasaysayan.

Sinasabi sa ikalawang Pedro 1:19–20: “Ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.” Kung gagamitin ang terminolohiya sa panahong ito, ang pangkalahatang editor ng Bibliya ay ang Banal na Espiritu. Inilagay ng Diyos ang Kanyang tatak bilang may akda ng bawat isa sa 66 na aklat ng Bibliya, anuman ang uri ng literaturang ginamit ng mga manunulat. “Kinasihan” ng Diyos ang mga nasulat na salita (2 Timoteo 3:16–17). Dahil may kakayahan ang mga tao na maunawaan at masiyahan sa iba’t ibang anyo ng literatura, gumamit ang Diyos ng maraming uri nito upang ipahayag ang Kanyang Salita. Matutuklasan ng mambabasa ng Bibliya na may isang pangkalahatang layunin na nagbubuklod sa lahat ng bahagi nito. Matutuklasan niya ito sa paksa ng mga hula, paulit-ulit na tema at mga ginamit na tauhan. Sa lahat ng ito, matutuklasan ng tao na ang Bibliya ang pinakadakilang obra maestra ng literatura – at ang mismong Salita ng tunay na Diyos na ating Manlilikha. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang iba’t ibang anyo ng Biblikal na literatura?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries