settings icon
share icon
Tanong

Mahalaga pa ba ang Bibliya sa ngayon?

Sagot


Sinasabi sa Hebreo 4: 12, “Sapagka't ang salita ng Diyos ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak ng buto, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.” Samantalang ang Bibliya ay isinulat ng humigit-kumulang apatnapung mga manunulat sa loob ng isan-libo at limandaang taon, ang pagiging tama o pagkakawasto at kahalagahan ng Bibliya sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagbabago. Ang Bibliya na ibinigay ng Diyos sa atin ang tanging pinagmumulan ng lahat ng mga kapahayagan ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang plano sa sangkatauhan.

Ang Bibliya ay naglalaman ng napakalaki at napakaraming impormasyon tungkol sa natural na mundo na kinumpirma ng mga siyentipiko sa kanilang mga pagsusuri at pananaliksik. Ang ilan sa mga talatang ito ay ang Levitico 17:11, Mangangaral 1:6-7, Job 36:27-29, Awit 102:25-27 at Colosas 1:16-17. Habang patuloy na inilalahad ng Bibliya ang plano ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan, maraming mga karakter ang malinaw na inilarawan. Kung gayon, tunay ngang ang Bibliya ay nagbibigay ng malaking impormasyon tungkol sa pag-uugali at sa kakayahang gawin ng isang tao. Sa katunayan, makikita sa pang araw-araw na karanasan ng tao ang mga eksaktong katangian at paglalarawan nito higit sa alinmang aklat ng saykolohiya. Maraming mga historikal na katotohanan na nakatala sa Bibliya na kinumpirma ng mga extra-biblical na pag-aaral. Madalas ang mga pananaliksik sa kasaysayan ay nagpapakita ng malaking pagkakasundo sa pagitan ng Biblikal at extra-biblical na mga tala ng magkaparehong pangyayari. Sa maraming pagkakataon, ang tala ng Bibliya ang mas itinuturing na wasto.

Gayon man, ang Bibliya ay hindi isang librong pangkasaysayan, librong pang-saykolohiya o isang siyentipikong talaan. Ang Bibliya ay ang paglalarawan na ibinigay ng Diyos sa atin kung Sino Siya, at kung ano ang Kanyang plano para sa sangkatauhan. Ang pinakamahalagang nilalaman ng Kanyang kapahayagan ay ang kuwento tungkol sa pagkahiwalay natin sa Diyos dahil sa kasalanan, at ang pagbibigay ng Diyos ng kasagutan upang mapanumbalik ang ating relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo sa krus. Ang ating pangangailangan ng katubusan ay hindi nagbabago gayon din ang kagustuhan ng Diyos na mapanumbalik tayo sa Kanya.

Naglalaman ang Bibliya ng mga tumpak at mahalagang mga impormasyon. Ang pinakamahalagang mensahe ng Bibliya ay ang katubusan. Ang Salita ng Diyos kailanman ay hindi lilipas, mapapalitan, o madadagdagan. Ang mga kultura ay nagbabago, ang mga batas ay nagbabago, ang mga henerasyon ay dumarating at lumilipas subalit ang Salita ng Diyos ay mananatiling mahalaga, kasing halaga noong una itong isinulat. Maaaring hindi lahat ng nakasulat sa Bibliya ay kinakailangang mailapat natin sa ating mga buhay sa ngayon, subalit lahat ng mga nakasulat sa Bibliya ay naglalaman ng katotohanan na maaari nating magamit, at nararapat nating gamitin sa ating mga buhay sa kasalukuyan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mahalaga pa ba ang Bibliya sa ngayon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries