Tanong
Naglalaman ba ng mga kamalian, pagkakasalungatan o hindi pagkakatugma ang Bibliya?
Sagot
Kung babasahin ang Bibliya, ayon sa pagkakasulat at walang ibang intensiyon kundi ang pagaralan at unawain ito, ito'y isang aklat na puno ng katotohanan at kaalaman na madaling maunawaan. Oo, maraming matatalinghagang pananalita na tila mahirap unawain dito. Oo, may mga talata na tila magkakasalungat sa isa't isa. Ngunit dapat nating isaalang-alang na ang Bibliya ay isinulat ng humigit-kumulang apatnapung iba't ibang manunulat sa loob ng isang-libo at limandaang taon. Ang bawat manunulat ay may iba't ibang estilo ng pagsulat, may iba't ibang pananaw, at nagmula sa magkakaibang grupo ng tao at may iba’t ibang layunin. Dapat lamang na mayroong mga pagkakaiba! Gayon man, ang pagkakaiba ay hindi pagkakasalungatan. Ito'y maituturing lamang na pagkakamali kung wala na talagang maiisip pang paraan para pagtugmain ang mga talata. Kahit na ang kasagutan ay hindi kaagad matagpuan, hindi nangangahulugan na wala na itong kasagutan. Marami ang nakasumpong ng mga tila pagkakamali sa Bibliya na may kinalaman sa mga pangyayari sa nakaraan at sa heograpiya, subalit kanilang nalaman na tama ang Bibliya matapos nilang matagpuan ang mga ebidensya sa arkeyolohiya na nagpapatotoo sa isinasaad ng Bibliya.
Sa aming website sa wikang Ingles, madalas kaming nakakatanggap ng mga katanungan gaya ng: “Ipaliwanag ninyo kung papaano ang mga talatang ito sa Bibliya ay hindi nagkakasalungatan!” o “Tingnan ninyo, may pagkakamali rito ang Bibliya!” Inaamin namin na mahirap sagutin ang ilan sa mga katanungang ibinabato sa amin ng mga nagdududa sa Bibliya. Gayon man, aming pinaninindigan na mayroong posible at katanggap-tanggap na mga kasagutan sa sinasabing mga pagkakamali at pagkakasalungatan sa Bibliya. May mga libro at websites na gumawa ng mga listahan ng mga sinasabi nilang “mga pagkakamali sa Bibliya.” Karamihan sa mga taong ito ay hindi nakikita ang mga sinasabi nilang kamalian sa pamamagitan ng sariling pagbabasa sa Bibliya kundi nakita nila sa mga babasahin o websites na walang ibang layunin kundi ang pagdudahan ang Bibliya. Ito'y sa kabila ng katotohanang mayroon din namang mga libro at websites na pinapabulaanan ang lahat ng mga sinasabi nilang pagkakamali sa Bibliya. Nakalulungkot lamang isipin na ang karamihan sa mga taong umaatake sa Bibliya ay walang interes na malaman ang kasagutan sa kanilang mga katanungan. Ang tanging hangad lamang nila ay labanan ang katotohanan. Karamihan sa mga umaatake sa Bibliya ay nakakaalam ng kasagutan, subalit mas pinipiling ipagpatuloy ang kanilang walang kabuluhang pag-uusig sa Bibliya.
Ano ang gagawin mo kung lalapitan ka ng isang tao at tanungin ka tungkol sa isang ‘pagkakamali’ sa Bibliya? Una, manalangin habang pinag-aaralan ang Bibliya. Tingnan kung may simpleng kasagutan at ipaliwanag iyon. Ikalawa, magsagawa ng pananaliksik sa pamamagitan ng mga komentaryo sa Bibliya, “Mga librong pang-depensa sa Bibliya,” at mga Biblical research websites. Ikatlo, magtanong sa iyong pastor/pinuno ng simbahan upang tingnan kung mayroon silang solusyon. Higit sa lahat, pagtiwalaan ang Diyos na ang Kanyang Salita ay ang katotohanan (2 Timoteo 2:15; 3:16-17).
English
Naglalaman ba ng mga kamalian, pagkakasalungatan o hindi pagkakatugma ang Bibliya?