Tanong
Totoo ba ang mga codes o nakatagong mensahe sa Bibliya?
Sagot
Ang mga codes sa Bibliya ay mga nakatagong mensahe na diumano ay nasa mga orihinal na teksto ng Kasulatan. Maraming tao ang nagaangkin na nakatuklas sila ng mga nakatagong mensahe sa Bibliya gamit ang Matematika. Ang ilang codes ay nakita sa pamamagitan ng pagbibilang ng mga letra o paglalagay ng katumbas na numero sa bawat letra sa teksto (tinatawag na “theomatics”). Maraming mga kumplikadong codes ang nakita diumano sa tulong ng kompyuter. Halimbawa, may mga inuunawa ang Isaias 53:5 (“Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap.”) gamit ang bawat ikalabindalawang letra sa wikang Hebreo at binabaybay mula dito ang pangungusap na “Jesus ang Aking pangalan.”
Kaya nga, may mga makikita na ilang mga nakatagong mensahe na nagpapahayag ng partikular at makabuluhang impormasyon. Hindi natin ganap na maisasantabi ang posibilidad na may mga “nakatagong mensahe” ang Diyos sa Kanyang salita. Tiyak na kaya ng Diyos na buuin ang Kanyang kinasihang Salita sa ganitong kumplikadong pamamaraan. Gayunman, alam natin na nais ng Diyos na maunawaan natin ang Kanyang salita (2 Timoteo 3:16–17) kaya bakit kailangan pa Niyang “itago” ang mahahalagang impormasyon na naunawaan lamang ng mga tao sa paglipas ng libu-libong taon.
May ilang problema sa ideya ng mga nakatagong mensahe o codes sa Bibliya. Una, hindi nagbibigay ang Bibliya ng pahiwatig sa pagkakaroon ng mga nakatagong mensahe sa loob ng Bibliya (sa kabila ng sinasabi sa Kawikaan 25:2), kaya ang lahat ng mga codes ay resulta ng paglalagay ng tao ng kahulugan sa mga teksto. Sa lahat ng mga pagkakataon na bumanggit si Jesus ng mga talata sa Bibliya, hindi siya gumamit kahit isang beses ng isang “nakatagong mensahe” o codes para ipaliwanag. Si Apostol Pablo man, sa lahat ng pagkakataon na bumanggit siya ng mga talata sa Lumang Tipan, ay hindi rin gumamit ni minsan ng isang “code” para magturo ng mas malalim na kaalaman. Ganito rin ang masasabi sa lahat ng iba pang manunulat ng Bibliya.
Gayundin, hindi kinakailangan ang mga nakatagong mensahe sa Bibliya. Ang dapat nating malaman at maisapamuhay ay sapat na nagiging maliwanag mula sa simpleng pagbabasa ng Salita ng Diyos. Ang kaligtasan ay ating naranasan sa pamamagitan ng pagsamo natin kay Cristo na iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Ang pagtawag kay Cristo ay ating nagawa ng ilagak natin ang ating pananampalataya sa Kanya. Ang pananampalataya ay resulta ng pakikinig sa Salita ng Diyos. Nagaganap ang pakikinig kung may taong nangangaral ng Salita ng Diyos sa iba (Roma 10:9–17). Pagkatapos na maranasan ang kaligtasan, lumalago tayo kay Cristo habang nagaaral tayo ng Salita ng Diyos (Awit 119:9–11,105; 2 Timoteo 3:16–17; 1 Pedro 2:2). Ang lahat ng mga talatang ito ay tumutukoy sa pangunawa sa teksto ng Bibliya at sa paglalapat ng mga prinsipyo nito sa ating mga buhay. Ang kaligtasan at pagpapaging-banal ay hindi nakasalalay sa paghahanap ng mga nakatagong mensahe o codes sa Bibliya. Sa karagdagan, ang pagtuklas sa mga nakatagong mensahe sa Bibliya ay hindi makatuwiran. Ang proseso ng pagtuklas at pagpapaliwanag ay nakadepende sa pananaw ng nagsasaliksik. Ito ay totoo lalo na kung ang isang nakatagong mensahe ay isang hula.
Ang Bibliya ba ay isang kumplikadong aklat? Oo. Kumplikado ba ito ng higit sa ating nalalaman. Oo. Posible ba na naglagay ang Diyos ng mga nakatagong mensahe sa mga orihinal na teksto ng Kasulatan? Oo, posible na may mga nakatagong mensahe sa Bibliya. Ngunit muli, ang simpleng pagbabasa ng Bibliya ay mas mainam. Ang lahat na ating kailangan mula sa Bibliya ay nakukuha sa isang tapat na pagaaral ng mga teksto nito (2 Timoteo 2:15; 3:16–17). Hindi na kailangan pang mag-ubos ng panahon sa pagbibilang ng mga letra, paghahanap ng mga pagkakasunod-sunod at pagsasaayos ng mga teksto para maghanap ng mga kwestyonableng disenyo at pansariling pagpapakahulugan sa mga ito.
English
Totoo ba ang mga codes o nakatagong mensahe sa Bibliya?