settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagaalala?

Sagot


Malinaw na itinuturo ng Bibliya na hindi dapat magalala ang mga Kristiyano. Sa Filipos 4:6, sinabihan tayo na "Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat." Sa kasulatan, natutunan natin na dapat nating dalhin ang lahat ng ating mga pangangailangan at pagkabahala sa ating mga panalangin sa halip na magalala para sa mga iyon. Hinihimok tayo ni Hesus na iwasan ang pagaalala tungkol sa ating mga pisikal na pangangailangan gaya ng damit at pagkain. Tiniyak niya sa atin na nagmamalasakit ang Diyos sa ating mga pangangailangan (Mateo 6:25-34). Kaya nga, hindi tayo dapat magalala para sa anumang bagay.

Dahil ang pagaalala ay hindi dapat na maging bahagi ng buhay ng isang Kristiyano, paano natin mapaglalabanan ang pagaalala? Sa 1 Pedro 5:7, tinuruan tayo na, "Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga kabalisahan sapagkat siya ang kumukupkop sa inyo." Hindi nais ng Diyos na pasanin natin ang bigat ng ating mga problema at mga kabalisahan. Sa talatang ito sinasabi sa atin ng Diyos na ipagkaloob natin sa Kanya ang ating mga pagaalala at pagkabalisa. Bakit ayaw ng Diyos na dalhin natin ang ating mga suliranin? Dahil mahal Niya tayo, ayon sa Bibliya. Ang Diyos ay nagmamalasakit sa lahat ng nangyayari sa ating buhay. Walang malaki o maliit na pagaalala na hindi Niya napapansin. Kung ibibigay natin ang ating mga suliranin sa Diyos, Ipinangako Niya na bibigyan Niya tayo ng hindi malirip na kapayapaan (Filipos 4:7).

Siyempre, sa mga taong hindi nakikilala ang Tagapagligtas, ang pagaalala at pagkabalisa ay bahagi ng kanilang buhay. Ngunit sa mga nagbigay ng kanilang buhay sa Kanya, sinabi ni Hesus, "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo" (Mateo 11:28-30).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagaalala?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries