settings icon
share icon
Tanong

Bakit kinakailangan ang tulog/pagtulog?

Sagot


Dahil nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, nilikha din Niya tayo na may pangangailangan sa pagtulog. Ang unang banggit sa Bibliya tungkol sa pagtulog ay makikita sa Genesis 2:21 nang patulugin ng Diyos si Adan at likhain si Eba mula sa isa sa kanyang mga tadyang. Nilikha ng Diyos ang konsepto ng pamamahinga sa Kanyang sangnilikha (Genesis 2:2). Itinatag niya ang modelo ng regular na pamamahinga ng Kanyang ibukod ang araw ng Sabbath para sa pamamahinga ng bayang Judio (Exodo 31:16; Levitico 23:3).

Binabanggit ang pagtulog sa Bibliya sa positibo at negatibo. Minsan ang pagtulog ay inilalarawan bilang isang kaloob ng Diyos sa mga talata gaya ng Kawikaan 3:24 at Awit 4:8. Alam natin na ang pagtulog ay bahagi ng ating pagkatao bilang malulusog na indibidwal dahil natulog din si Jesus na gaya natin (Lukas 8:23; Markos 1:35). Minsan, nakipagusap ang Diyos sa mga tao habang sila’y natutulog sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain (Genesis 20:3; 31:24; 1 Hari 3:5; Daniel 7:1). Gayunman, gaya ng ibang kaloob ng Diyos, ang pagtulog ay maaaring abusuhin. Inilarawan ang pagtulog bilang simbolo ng katamaran sa mga talatang gaya ng Kawikaan 6:9, 19:15, 20:13, at24:33.

Maraming teorya sa siyensya at pantasya tungkol sa mga dahilan kung bakit tayo natutulog. Ipinapakita sa mga pagsusuri ang mga nagaganap na pagbabago sa ating paguugali kung nagkukulang tayo sa tulog ngunit hindi masagot ng siyensya ang dahilan kung bakit. Ang isang posibleng paliwanag para sa ating pangangailangan ng tulog ay ito ang nagpapaalala sa atin na tayo ay Kanyang mga nilikha, hindi tayo ang Manlilikha. Dapat na patuloy na bigyan ang ating mga pisikal na katawan ng pagkain, tubig, oxygen at tulog para mapanatili itong gumagana ng maayos. Ang pagkatagpo sa mga pangangailangang ito ang umuubos sa ating maraming panahon at oras. Dapat tayong patuloy na mapaalalahanan sa ating mga limitasyon at maunawaan na ganap tayong nakadepende sa Diyos para sa ating mismong pag-iral. Ang pisikal na pangangailangan ay isa sa mga paalalang ito.

Pinapahintulutan din ng tulog ang ating isip na magpahinga para mas makapagtuon tayo ng pansin sa ating mga ginagawa sa tuwing tayo ay gising. Ang ating mga isip ay kahalintulad sa kompyuter na may imbakan ng memorya at may mga hindi nagagamit na potensyal. Pero maaari din itong hindi gumana kung hindi maaalagaan ng maayos. Gaya ng kompyuter ito ay kailangang pagpahingahin ng regular sa tuwing ito ay nasosobrahan sa trabaho. Nangangailangan din ang ating mga utak ng maayos at sapat na tulog tuwing gabi. Laging binabanggit sa Kasulatan ang pakikipagtagpo sa Diyos tuwing umaga (Isaias 50:4; Exodo 34:2; Awit 5:3). Ipinapangako din sa atin ng Diyos na laging bago ang Kanyang habag sa atin tuwing umaga (Panaghoy 3:23), na nagpapahiwatig na pagkatapos ng ating pamamahinga sa gabi, kailangan nating humingi sa Kanya ng lakas para sa araw na iyon.

Ang isang masarap na tulog sa gabi ay laging inilalarawan bilang kaloob na mula sa Diyos (Levitico 26:6; Awit 4:8), habang ang hindi pagkatulog ay katumbas ng isang konsensya na inuusig ng budhi o ng pagkatakot (Awit 6:6; 77:4). Anuman ang dahilan ng Diyos sa paglikha sa atin na may pangangailangan ng tulog, pasalamatan natin siya na tinutugunan Niya ang ating mga pangangailangan (Filipos 4:19). Nilikha Niya tayo ng may mga pangangailangan at limitasyon kaya’t dapat tayong patuloy na mapaalalahanan kung gaano natin Siya kailangan. Ang mga iyon ay paalala sa atin na dapat tayong maging mapagpasalamat at mapagpakumbaba, dalawang katangian na kinakailangan para tayo makapamuhay sa presensya ng Diyos (Santiago 4:6; Awit 95:2).

English





Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit kinakailangan ang tulog/pagtulog?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries