Tanong
Ano ang kahalagahan ng talaan ng mga angkan sa Bibliya?
Sagot
Naglalaman ang Bibliya ng napakaraming talaan ng mga angkan. Marami sa atin ang nilalaktawang basahin ang mga bahagi ng Bibliya kung saan sila mababasa o talagang hindi na natin binabasa ang mga iyon dahil nakakainip basahin at hindi na kailangan pang malaman. Gayunman, ang mga ito ay bahagi ng Kasulatan at dahil ang Kasulatan ay hiningahan ng Diyos, (2 Timoteo 3:16), tiyak na sila ay mahalaga. Tiyak na may matututuhan tayo sa mga listahang ito.
Una, tinutulungan tayo ng talaan ng mga angkan na patunayan ang pagiging makatotohanan ng Bibliya sa kasaysayan. Kinukumpirma ng listahan ng mga angkan ang pisikal na pag-iral ng mga tauhan sa Bibliya. Sa pamamagitan ng kaalaman sa mga kasaysayan ng mga pamilya, nauunawaan natin na ang Bibliya ay higit sa isa lamang kuwento o talinghaga at malalaman din natin mula dito kung paano tayo mamumuhay sa mundo. Ito ay totoo at makatotohanan ayon sa kasaysayan. Isang aktwal na lalaki na nagngangalang Adan ang may aktwal na lahi (kaya nga, ang kanyang aktwal na kasalanan ay may aktwal na parusa).
Kinukumpirma din ng talaan ng mga angkan ang mga hula. Hinulaan na ang Mesiyas ay magmumula sa lahi ni David (Isaias 11:1). Sa pagtatala sa linya ng lahi ni David sa Kasulatan, kinukumpirma ng Diyos na si Jesus ay nanggaling sa lahi ni David (tingnan ang Mateo 1:1-17 at Lukas 3:23-38). Ang talaan ng mga angkan ay isa pang ebidensya na si Jesus ang katuparan ng mga hula sa Lumang Tipan.
Ipinapakita din ng talaan ng mga angkan ang kalikasan ng Diyos na detalyado at maayos at maging ang Kanyang interes sa mga indibidwal na tao. Sa paningin ng Diyos, ang Israel ay hindi isang walang katiyakang grupo ng tao; itinuturing Niya sila bilang isang partikular na grupo ng tao, na may katiyakan at detalyado. Walang hindi mahalaga sa anumang listahan ng mga angkan. Ipinapakita nito na ang Diyos ang kumikilos sa mga lahi. Ang mga Israelita ay mga totoong tao, na may totoong kasaysayan at totoong hinaharap. Nagmamalasakit ang Diyos sa bawat tao at sa mga detalye ng kanilang buhay (Mateo 10:27-31; Awit 139).
Panghuli, matututo tayo sa iba’t ibang tao na nakalista sa talaan ng mga angkan. Ang ilan sa listahan ay nagtataglay ng mga bahagi ng salaysay na nagbibigay sa atin ng sulyap sa buhay ng mga tao. Halimbawa, ang panalangin ni Jabes ay nakapaloob sa isang talaan ng mga angkan (1 Cronica 4:9-10). Mula doon, matututuhan natin ang katangian ng Diyos at ang kalikasan ng panalangin. May talaan ng angkan na nagpapakita na sina Ruth at Rahab ay kabilang sa mga ninuno ni Jesus (Ruth 4:21-22; Mateo 1:5). Makikita natin na pinahahalagahan ng Diyos ang buhay ng mga indibidwal na ito, bagama’t sila ay mga Hentil at hindi kabilang sa Kanyang bayan.
Habang sa biglang tingin ay tila hindi mahalaga ang talaan ng mga angkan, may mahalaga silang lugar sa Kasulatan. Pinagtitibay ng talaan ng mga angkan ang katotohanan ng Kasulatan sa kasaysayan, kinukumpirma ang mga hula, at nagbibigay sa atin ng sulyap sa mga katangian ng Diyos at buhay ng Kanyang mga anak.
English
Ano ang kahalagahan ng talaan ng mga angkan sa Bibliya?