Tanong
Ano ang Biblikal na tipolohiya (typology)?
Sagot
Ang tiplohiya (typology) ay isang espesyal na uri ng simbolismo (ang isang simbolo ay isang bagay na kumakatawan sa isa pang bagay). Ang kahulugan ng tipolohiya ay “simbolo ng isang hula” dahil ang mga ito ay kumakatawan sa isang pangyayari sa hinaharap. Sa isang mas maliwanag na pakahulugan, ang tipolohiya (typology) sa Kasulatan ay isang tao o bagay sa Lumang Tipan na sumisimbolo sa isang tao o bagay sa Bagong Tipan. Halimbawa, ang baha noong panahon ni Noe (Genesis 6-7) ay ginamit na simbolo para sa bawtismo sa 1 Pedro 3:20-21. Ang salita para sa “tipo” na ginamit ni Pedro ay “pigura.”
Kung sinasabi natin na ang isang tao ay “pigura” ni Kristo, sinasabi natin na ang isang tao sa Lumang Tipan ay kumikilos sa isang paraan na katumbas ng katangian o aksyon ni Hesu Kristo sa Bagong Tipan. Kung sinasabi natin na ang isang bagay o pangyayari ay “tipo” ni Kristo, sinasabi natin na ang isang bagay o pangyayari ay kumakatawan sa ilang katangian ni Hesus.
Ipinakilala mismo ng Kasulatan ang ilang mga pangyayari sa Lumang Tipan bilang “pigura” ng gagawing pagtubos ni Kristo sa tao sa Bagong Tipan, ang ilan dito ay ang Tabernakulo, ang sistema ng paghahandog ng dugo ng mga hayop, at ang Paskua. Ang tabernakulo sa Lumang Tipan ay kinikilala na isang pigura ng Tabernakulo sa langit sa Hebreo sa 9:8-9: “Na ipinakikilala ng Espiritu Santo, na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang natatayo pa ang unang tabernakulo.” Ang pagpasok ng punong Saserdote sa Dakong Kabanal-banalan isang beses isang taon ay pigura ng pagiging Tagapamagitan ni Kristo, ang ating Punong Saserdote. Kalaunan, sinabi na ang tabing ng Tabernakulo ay isa ring pigura ni Kristo (Hebreo 10:19-20) at ang Kanyang katawan ang ‘napunit,’ (gaya ng mapunit ang tabing sa Templo ng ipako Siya sa krus) upang bigyan ng daan patungo sa presensya ng Diyos ang Kanyang mga tinubos sa pamamagitan ng Kanyang handog.
Ang buong sistema sa paghahandog ng dugo ng mga hayop ay ipinakilala sa Kasulatan na “pigura” ng paghahandog ng dugo ni Kristo sa Hebreo 9:19-26. Ang mga bagay sa Tabernakulo sa “Lumang Tipan” ay inihahandog kasama ng dugo ng hayop; at ang mga bagay na ito ay tinatawag na “mga anyo ng mga bagay sa sangkalangitan” at “kahalintulad lamang ng tunay” (talatang 23-24). Itinuturo sa mga talatang ito na ang mga paghahandog sa Lumang Tipan ay simbolo ng paghahandog ng dugo ni Kristo para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sanlibutan. Ang paskua ay isa ring pigura ni Kristo ayon sa 1 Corinto 5:7, “Sapagka't ang kordero ng ating paskua ay naihain na, sa makatuwid baga'y si Cristo.” Ang pagtuklas sa eksaktong itinuturo ng mga pangyayari sa paskua ay isang kapaki-pakinabang na pagaaral.
Dapat nating malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng ilustrasyon at tipolohiya (typology). Ang tipolohiya ay laging tinutukoy bilang pigura sa Bagong Tipan. Ang isang magaaral ng Bibliya na tinutuklas ang kaugnayan sa pagitan ng isang kuwento sa Lumang Tipan at sa buhay ni Kristo ay naghahanap lamang ng ilustrasyon, hindi ng pigura o tipolohiya. Sa ibang salita, ang Kasulatan ang mismong nagpapakilala sa tipolohiya hindi ang tao. Kinasihan ng Banal na Espiritu ang paggamit ng mga pigura; ang mga ilustrasyon at analohiya ay resulta lamang ng pagaaral ng tao. Halimbawa, maraming tao ang nakikita ang pagkakapareho sa pagitan ni Jose (Genesis 37-45) at ni Hesus. Ang pagkapahiya at ang sumunod na pagtataas sa tungkulin ni Jose ay tila pareho sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Kristo. Gayunman, hindi si Jose ginamit kailanman sa Bagong Tipan bilang modelo ni Kristo; kaya nga, ang kuwento ng buhay ni Jose ay maaaring tawaging isang ilustrasyon, ngunit hindi bilang “tipo” o “pigura” ni Kristo. English
Ano ang Biblikal na tipolohiya (typology)?