settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Budismo (Buddhism) at ano pinaniniwalaan ng mga Budista (Buddhist)?

Sagot


Ang Budismo (Buddhism) ay isa sa mga nangungunang relihiyon ngayon sa daigdig pagdating sa dami ng taga-sunod, pamamahagi sa heograpiya, at impluwensiya sa lipunan at kultura. Habang ito ay isang malaking relihiyon sa silangan, ito ay nagiging kilala at maimpluwensya rin sa mundong kanluranin. Ito ay kakaibang relihiyon sa mundo sa sarili nitong karapatan, bagaman marami itong pagkakahalintulad sa Hinduismo na parehong nagtuturo ng Karma (tuntunin ng sanhi-epekto), Maya (ang ilusyong kalikasan ng mundo), at Samsara (ang muling pagkakatawang-tao). Ang mga Budista (Buddhist) ay naniniwala na ang pinaka-layunin sa buhay ay ang makamit ang tinatawag nilang "enlightenment" o Nirvana.

Ang tagapagtatag ng Budismo na si Siddhartha Guatama, ay ipinanganak na isang dugong-bughaw sa India noong 600 B.C. Siya ay nabuhay sa maluhong pamumuhay na hindi masyadong nalalantad sa mundo. Sadya siyang iniwas ng kanyang mga magulang sa impluwensya ng relihiyon at inilayo mula sa sakit at pagdurusa. Gayunman, hindi ito nagtagal hanggang ang kanyang tahanan ay napasok, at siya ay nagkaroon ng pangitain ng isang matandang tao, may karamdamang tao at nabubulok na bangkay. Ang kanyang ikaapat na pangitain ay isang mapayapang asetikong monghe (tinanggihan ang luho at kaginhawahan). Nang makita niya ang kapayapaan sa monghe, napagpasyahan niya na maging isa ring asetiko. Iniwan niya ang kayamanan at kasaganaan at ipinagpalit sa payak na pamumuhay. Sinanay niya ang sarili sa matinding pagninilay at pagdidisiplina. Siya ang namuno sa kanyang pangkat. Kalaunan, ang lahat ng kanyang pagsusumikap ay nagwakas. Siya'y nagpakasawa sa isang tasang kanin at umupo sa ilalim ng puno ng igos (tinatawag din na puno ng Bodhi) upang magnilay hanggang maabot ang "enlightenment" o mamatay sa pagsubok na maabot ito. Sa kabila ng mga paghihirap at tukso, kinaumagahan, kanyang naabot ang "enlightenment". Kaya siya ay nakilala sa tawag na 'the enlightened one' o 'Buddha'. Kinapitan niya ang kanyang mga natuklasan at nagsimulang ituro sa mga kapwa niya monghe, na mayroon siyang malaking impluwensiya. Lima sa kanyang mga kasamahan ang naging una niyang mga alagad.

Ano ang mga natuklasan ni Guatama? Ang "enlightenment" ay makakamit sa pamamagitan ng "gitnang daan," hindi sa pagpapakasasa sa kaluhuan kundi sa mortipikasyon ng sarili. Higit pa rito, natuklasan niya ang tinatawag na "apat na maharlikang katotohanan"1) ang mabuhay ay magdusa (Dukha), 2) ang pagdurusa ay hatid ng pagnanais (Tanha, or "attachment"), 3) maaalis ang pagdurusa sa pamamagitan ng pag-alis sa lahat ng "attachment" at 4) ito ay makakamtan sa pagsunod sa "noble eightfold path". Ang "eightfold path" ay nabubuo sa pagkakaroon ng tamang 1) pananaw, 2) hangarin, 3) pananalita, 4) kilos, 5) buhay (bilang monghe), 6) pagsisikap (wastong paggabay sa enerhiya), 7) pag-iisip (pagninilay), at 8) konsentrasyon (pokus). Ang mga katuruan ni Buddha ay tinipon sa tinatawag na "Tripitaka" o "three baskets."

Sa likod ng mga katuruang ito ay mga katuruang karaniwan sa Hinduismo, gaya ng karma, Maya, at ang posibilidad na unawain ang realidad sa isang "pantheistic" na oryentasyon. Nagbibigay ang Budismo ng teolohiya ng mga diyos at mataas na nilalang. Subalit, tulad ng Hinduismo, ang pananaw ng Budismo sa Diyos ay mahirap maintindihan. Ang ilang sangay ng Budismo ay nararapat na tawaging "atheistic", habang ang iba naman ay "pantheistic", ang iba naman ay "theistic", tulad ng "Pure Land Buddhism". Samantalang ang "Classical Buddhism" ay mas piniling maging tahimik ukol sa realidad na mayroong pinakamakapangyarihan sa lahat, samakatwid maituturing itong "atheistic".

Ang Budismo ngayon ay tila magkakaiba. Ito ay maaaring hatiin sa dalawang malawak na kategorya. Ang Theravada ("small vessel") at Mahayana ("large vessel"). Ang Theravada ay ang konserbatibong anyo ng Budismo kung saan limitado ang "ultimate enlightenment" at "nirvana" na para sa mga monghe lamang, habang ang Budismong Mahayana ay mas pinalawak ang layunin ng "enlightenment" maging para sa mga karaniwang tao o sa mga hindi monghe. Sa mga kategoryang ito ay matatagpuan ang maraming sangay na kabilang ang Tendai, Vajrayana, Nichiren, Shingon, Pure Land, Zen, and Ryobu, at iba pa. Kaya naman mahalaga sa mga nais maintindihan ang Budismo na huwag ipagpalagay na kanilang nalalaman na ang lahat ng detalye sa isang partikular na pag-aaral ng Budismo, samantalang ang kanila pa lamang napag-aaralan ay ang klasiko at makasaysayang Budismo.

Hindi kailanman itinuring ng Buddha ang kanyang sarili bilang diyos o anumang anyo ng banal na katauhan. Bagkus, itinuturing niya ang sarili bilang "daluyan" para sa iba. Pagkatapos lamang ng kanyang pagkamatay siya itinaas ang kalagayan ng kanyang mga taga-sunod, bagaman hindi lahat ng kanyang taga-sunod ay ganito ang pagtingin sa kanya. Ganun pa man sa Kristiyanismo, malinaw na ipinapahayag sa Bibliya na si Hesus ay Anak ng Diyos (Mateo 3:17: "At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na Siya kong lubos na kinalulugdan") at Siya at ang Diyos ay iisa (Juan 10:30). Sinuman ay hindi maituturing na isang Kristiyano ng walang pagpapahayag ng kanyang pananampalataya kay Hesus bilang Diyos.

Itinuro sa atin ni Hesus na Siya ang daan at hindi lamang nagturo ng daan, ayon sa Juan 14:6 "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay; sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko". Sa oras na namatay si Guatama, ang Budismo ay naging pangunahing impluwensya sa India; matapos ang tatlong daan taon, nasakop ng Budismo ang karamihan sa Asya. Ang mga kasulatan at kasabihang iniuugnay kay Buddha ay naisulat pagkalipas ng apat na daang taon matapos ang kanyang kamatayan.

Sa Budismo, ang kasalanan ay kinikilala bilang kamangmangan. At dahil ang kasalanan ay itinuturing na pagkakamali, sa moralidad, ang konteksto kung saan ang masama at mabuti ay naiintindihan ay naisasantabi. Ang Karma sa kanilang paniniwala ay ang balanse ng kalikasan at hindi personal na ipinatutupad. Ang kalikasan ay hindi moral; kung kaya ang karma ay hindi pamantayang moral, at ang kasalanan ay sadyang hindi imoral. Kung gayon, maaari natin sabihin sa pag-iisip ng mga Budista, ang ating mga pagkakamali ay hindi usaping moral sapagkat ito ay hindi personal na pagkakamali. Ang kalalabasan ng ganitong pag-unawa ay kapahamakan. Para sa mga Budista, ang kasalanan ay isang uri ng maling hakbang kaysa pagsuway sa kalikasan ng banal na Diyos. Ang ganitong interpretasyon sa kasalanan ay hindi umaayon sa likas na kamalayang moral ng tao na sila ay susumpain dahil sa kanilang mga kasalanan sa harap ng banal na Diyos (Mga Taga-Roma 1-2).

Yamang pinanghahawakan nila na ang kasalanan ay impersonal at pagkakamaling naitutuwid, ang Budismo ay hindi sumasang-ayon sa doktrina na ang lahat ay makasalanan (doctrine of depravity), isang pangunahing doktrina ng Kristiyanismo. Sinasabi sa Bibliya na ang kasalanan ng tao ay isang eternal na suliranin at mayroong walang hanggang konsekwensya. Sa Budismo, hindi kinakailangan ang Tagapagligtas upang iligtas ang mga tao sa kanilang kasumpa-sumpang kalagayan. Para sa mga Kristiyano, si Hesus ang tanging daan upang maligtas sa walang hanggang kapahamakan. Para sa mga Budista (Buddhist), makakamit lamang ang matuwid na pamumuhay sa pamamagitan ng pagninilay sa pag-asa na makamit ang enlightenment at Nirvana. Kinakailangan din na dumaan ang tao sa paulit ulit na pagkakatawang-tao (reincarnation) upang mabayaran ang naipong utang dahil sa karma. Para sa mga tunay na taga-sunod ng Budismo, ang relihiyon ay isang pilosopiya ng moralidad at etika, na kinapapalooban ng pagtatakwil sa sarili. Sa Budismo ang realidad ay hindi personal at hindi magkaka-ugnay; kaya naman hindi ito kaibig-ibig. Hindi lamang ang hindi totoo ang Diyos, kundi itinuturing ang kasalanan bilang isang pagkakamali lamang at ang pagtanggi sa lahat ng materyal na realidad bilang tinatawag na maya ("illusion"), kahit ang ating sarili ay nawawala sa"kanyang sarili." Ang ating mga personalidad mismo ay nagiging isa lamang ilusyon.

Sa tuwing tinatanong kung paano nagsimulang umiral ang mundo, sino o ano ang lumikha sa sansinukob, sinasabing ang Buddha ay nananatiling tahimik sapagkat sa Budismo walang simula at wakas. At sa halip, mayroong walang katapusang gulong ng pagkabuhay at kamatayan. Marahil may magtatanong kung anung klaseng Katauhan ang lumikha sa atin upang mabuhay, magtiis sa sakit at pagdurusa, at pagkatapos ay mamamatay ng paulit-ulit? Ito ang dahilan upang ating itanong "anong kapakinabangan nito at para saan? Nalalaman ng mga Kristiyano na ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak upang mamatay para sa atin, upang hindi tayo magdusa ng walang hanggan. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang bigyan tayo ng kaalaman na hindi tayo nag-iisa at tayo ay Kanyang minamahal. Alam ng mga Kristiyano na mayroong higit sa buhay kaysa pagdurusa at kamatayan - "Nguni't ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus, na siyang nag-alis ng kamatayan, at nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira sa pamamagitan ng ebanghelyo" (2 Timoteo 1:10).

Itinuturo sa Budismo na ang Nirvana ang pinakamataas na antas ng katauhan, ang estado ng pagiging dalisay, at ito ay makakamit sa indibidwal na kaparaanan. Ang Nirvana ay sumasalangsang sa mga lohikal na kaayusan at rasyonal na paliwanag at samakatwid ay hindi maaaring maituro, ito'y sa isip lamang. Sa kabilang banda, ang katuruan ni Hesus tungkol sa langit ay tiyak. Kanyang ipinaalam na ang ating mga pisikal na katawan ay mamamatay ngunit ang ating kaluluwa ay aakyat sa langit upang Kanyang makasama (Marcos 12:25). Itinuro ng Buddha na ang mga tao ay walang sariling kaluluwa at ang mga sarili ay pawang mga ilusyon lamang. Para sa mga Budista, walang mahabaging Ama sa langit na nagpadala ng Kanyang Anak upang mamatay para sa ating mga kasalanan, upang tayo ay maligtas at maabot ang Kanyang kaluwalhatian. Ito ang pinakamalaking dahilan kung bakit dapat tanggihan ang Budismo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Budismo (Buddhism) at ano pinaniniwalaan ng mga Budista (Buddhist)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries