settings icon
share icon
Tanong

Ano ang bunga ng Espiritu?

Sagot


Inisa-isa sa Galacia 5:22-23 ang mga bunga ng Banal na Espiritu. “Datapuwa't ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.” Ang bunga ng Banal na Espiritu ay resulta ng presensya ng Banal na Espiritu sa buhay ng isang Kristiyano. Malinaw na itinuturo sa atin ng Bibliya na ang lahat ng mga tunay na Kristiyano ay tumanggap ng Banal na Espiritu sa oras na sila ay manampalataya sa Panginoong Hesu Kristo (Roma 8:9; 1 Corinto 12:13; Efeso 1:13-14). Ang isa sa mga pangunahing gawain ng Banal na Espiritu sa buhay ng mga Kristiyano ay ang pagbabago sa kanilang mga buhay. Gawain ng Banal na Espiritu na baguhin tayo ayon sa wangis ng Panginoong Hesu Kristo at gawin tayong kagaya Niya.

Ang bunga ng Banal na Espiritu ay direktang kasalungat ng mga gawa ng laman sa Galacia 5:19-21, “At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtatanim ng sama ng loob, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.” Inilalarawan ng mga talatang ito ang gawain ng lahat ng tao na hindi nakakakilala sa Panginoong Hesu Kristo at dahil doon sila ay wala sa impluwensya ng Banal na Espiritu. Ang ating makasalanang kalikasan ay nagdadala ng uri ng bunga na sumasalamin sa ating kalikasan at ang Banal na Espiritu naman ay nagdadala ng uri ng bunga na sumasalamin sa kalikasan ng Panginoong Hesu Kristo.

Ang buhay ng Kristiyano ay isang labanan ng makasalanang kalikasan ng laman at ng bagong kalikasan na ipinagkaloob ni Kristo (2 Corinto 5:17). Bilang mga tao na bumagsak sa kasalanan, tayo ay nakabilanggo sa ating lupang katawan na nagnanasa ng mga makasalanang gawa (Roma 7:14-25). Bilang mga Kristiyano, mayroon na tayong Banal na Espiritu na nagdadala sa atin ng bunga at binibigyan tayo ng kapangyarihan na gapiin ang mga gawa ng ating makasalanang kalikasan (2 Corinto 5:17; Filipos 4:13). Hindi ganap na magtatagumpay na ipakita ng isang Kristiyano ang mga bunga ng Banal na Espiritu sa lahat ng oras. Kaya’t ang pangunahing layunin ng Kristiyano, ay patuloy na magpasakop sa Banal na Espiritu upang patuloy na makita ang Kanyang mga bunga sa ating mga buhay - at hayaan na labanan at talunin ng Banal na Espiritu ang ating makasalanang kalikasan. Ang bunga ng Banal na Espiritu ang siyang ninanais ng Diyos na makita sa ating mga buhay at sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ito ay kaya nating gawin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang bunga ng Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries