settings icon
share icon
Tanong

Calvinism laban sa Arminianism - aling pananaw ba ang tama?

Sagot


Ang Calvinism at ang Arminianism ay ang dalawang sistema ng Teolohiya na nagtatangkang ipaliwanag ang relasyon sa pagitan ng kapangyarihan ng Diyos at ng responsibilidad ng tao pagdating sa kaligtasan. Ang Calvinism ay hinango sa pangalan ni John Calvin, isang Pranses na nag-aral ng Teolohiya at nabuhay noong 1509-1565. Ang Arminianism naman ay hinango kay Jacobus Arminius, isang Dutch na nag-aral din ng Teolohiya at nabuhay noong 1560-1609.

Ang paniniwala ng dalawang sistemang ito ay maaaring paiksiin sa pamamagitan ng limang puntos. Ang Calvinism ay naniniwala sa ‘total depravity’ habang ang Arminianism ay naniniwala sa ‘partial depravity.’ Ang ‘total depravity’ ay nangangahulugan na ang buong pagkatao ng tao ay nababalot ng kasalanan at walang sinuman ang may kakayahang lumapit sa Diyos sa kaniyang sariling desisyon o malayang pagpapasya. Ang tao ay lubusang naging masama at ang tangi lamang niyang kayang gawin ay piliin ang maraming masama at kaunting masama. Ang ‘partial depravity’ naman ay nangangahulugan na nagkasala din ang lahat ng tao, subalit mayroon pa rin siyang kakayahan na makapanampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling desisyon o malayang pagpapasya.

Pinanghahawakan ng Calvinism na ang pagpili ng Diyos sa tao sa kaligtasan ay walang kahit na anong kundisyon samantalang pinaniniwalaan naman ng Arminianism na ang pagpili ng Diyos ay base sa pagtanggap ng tao. Pinaniniwalaan ng Calvinism na ang Diyos lamang ang pumili ng mga taong maliligtas at ito'y nakabase lamang sa Kanyang sariling kalooban, hindi sa ginawa o gagawin ng isang tao. Ang Arminianism naman ay naniniwala na pinipili ng Diyos ang mga taong maliligtas ayon sa Kanyang kakayahang malaman ang hinaharap. Itinuturo ng Armianismo na pinili ng Diyos ang isang tao dahil nakita Niya sa nakaraan na pipiliin Siya nito at mananampalataya ito sa Kanya sa hinaharap.

Pinaniniwalaan ng Calvinism na ang katubusan ay limitado lamang para sa mga hinirang ng Diyos habang ang Arminianism naman ay naniniwala na lahat ng tao ay kabilang sa tinubos ni Kristo. Ito ang pinakakontrobersyal sa limang puntos ng dalawang sistemang ito. Pinaniniwalaan ng Calvinism na si Hesus ay namatay para lamang sa Kanyang mga pinili at ang bisa nito ay para lamang sa kanila samantalang ang Arminianism naman ay naniniwala na si Hesus ay namatay para sa lahat, subalit ang Kanyang kamatayan ay walang epekto hangga't hindi nananampalataya sa Kanya ang isang tao.

Pinanghahawakan ng Calvinism na hindi matatanggihan ninuman ang biyaya ng Diyos samantalang naniniwala naman ang Arminianism na kayang tanggihan ng tao ang biyaya ng Diyos. Sinasabi ng Calvinism na kung talagang tinatawag ng Diyos ang isang tao sa kaligtasan, ang taong iyon ay hindi makakatanggi at siya'y tiyak na maliligtas. Samantalang ang Arminianism naman ay naniniwala na kayang tanggihan ng tao ang biyaya ng Diyos. Pinaniniwalaan ng Arminianism na lahat ng tao ay tinatawag ng Diyos upang maligtas ngunit may kakayahan silang balewain at tanggihan ang pagtawag na iyon.

Naniniwala ang Calvinism na ang mga iniligtas ng Diyos ay magtitiyaga hanggang wakas at hindi kailanman mawawala ang kaligtasan habang ang Arminianism naman ay naniniwala na mayroong kondisyon ang kaligtasan at maaari itong bawiin ng Diyos. Sa Calvinism, ang mga tunay na mananampalataya ay hindi magagawang itatwa o talikuran si Kristo kailanman. Samantalang itinuturo naman ng Arminianism na ang kaligtasan ay nakadepende sa kakayahan ng tao na manatili sa kaligtasan. Naniniwala sila na maaari pang tumalikod kay Kristo ang isang mananampalataya, magpatuloy sa pagkakasala at mawala ang kaligtasan.

Sa usaping ito ng Calvinism laban sa Arminianism, sino ba ang panalo? Nakatatawag pansin na may mga mananampalataya na naniniwala sa pinaghalong Calvinism at Arminianism. Mayroon namang pinaniniwalaan ang lahat ng puntos ng Calvinism at ang lahat ng puntos ng Arminianism. Mayroon namang naniniwala sa 4 na puntos ng Calvinism at isang puntos ng Arminianism o apat na puntos sa Armianism at isang puntos sa Calvinism. Maraming mga mananampalataya ang pinaghalo halo at pinaniniwalaan ang iba-ibang puntos ng dalawang sistemang ito sa teolohiya.

Kami’y naniniwala na wala sa dalawang sistemang ito ang perpektong makapagpapaliwanag sa bagay na ito na hindi kayang lubusang ipaliwanag ng tao. Walang kakayahan ang tao na ganap na maunawaan ang isipan ng Diyos. Totoo na ang Diyos ay makapangyarihan at Siyang pumili sa Kanyang tatawagin sa kaligtasan, ngunit totoo rin na inuutusan Niya ang lahat na magsisi at manampalataya kay Kristo para sa kanilang kaligtasan. Ang dalawang katotohanang ito ay tila magkasalungat para sa atin, subalit ang tila magkasalungat sa atin ay perpektong magkatugma para sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Calvinism laban sa Arminianism - aling pananaw ba ang tama?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries