settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Christ Commission Fellowship?

Sagot


Ang Christ Commission Fellowship (CCF) ay isang Ebanghelikong megachurch sa Pilipinas. Ito ay itinatag noong 1982 ng magasawang Pastor Peter Tanchi (isang Chinese) at Deonna Tanchi (isang Amerikana). Ayon sa CCF, mayroon itong mahigit sa 60 satellite churches sa Pilipinas at mahigit sa 40 satellite churches sa ibang bansa at may mahigit sa 70,000 attendees sa kanilang worship services kada Linggo (bago ang COVID crisis). Kahit na walang pinansyal na suporta mula sa ibang bansa, at hindi kaanib sa ibang grupo, nakapagpatayo ang CCF ng isang gusali na may walong palapag at may auditorium na kayang maglaman ng hanggang 9,000 katao.

Tipikal sa mga Ebanghelikong iglesya, naniniwala ang CCF sa doktrina ng Trinidad, sa kawalan ng pagkakamali ng Kasulatan, sa pagiging Diyos at pagiging tao ni Kristo, sa pagiging Diyos ng Banal na Espiritu, sa kaligtasan sa biyaya ng Diyos, at sa bawtismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. Ang sentrong pagpapahalaga ng CCF ay inilahad sa ganitong paraan: "Ibigin ang Diyos, Ibigin ang Iba, Sundin ang mga salita ng Diyos, Magboluntaryo sa paglilingkod, at Isali ang pamilya" (mula sa website ng CCF). Ginagamit nito ang “Dgroup system” bilang sentrong estratehiya sa paglago ng iglesya. Binuo ang Dgroups (o mga grupo ng pagdidisipulo) para sa paglagong espiritwal, at sa pagpaparami ng miyembro sa pamamagitan ng pagabot sa iba at paggawa ng mga alagad.

Sa mga pagsamba at pagpupulong ng Christ Commission Fellowship, ginagamit ang iba’t ibang pamamaraan ng pangangaral kabilang ang expository, topical, pagaaral ng mga aklat ng Bibliya at iba pa. Karamihan ng mga sermon ay nakatuon sa mga praktikal na aplikasyon ng Kasulatan sa personal na buhay. Kabilang sa mga nagdaang serye ng sermon ang mga mensahe sa aklat ng mga Awit (Mga Awit ng Pag-asa); MOTIVATE (mga prinsipyo para sa pangmatagalang epekto sa pamilya at iba pang uri ng relasyon); kagalakan sa gitna ng krisis (Aklat ng Filipos) at iba pa. Ang pinagtutuunan ng pansin ng mga mensahe ng CCF ay ang pagsasapamuhay ng mga biblikal na katotohanan sa buhay ng tao. Hinihimok ang mga pamilya at malilit na grupo na talakayin ang mga susing talata mula sa mga mensahe ng nagdaang linggo at sikaping isapamuhay ang kanilang natutunan sa kanilang mga buhay.

Hindi nanghahawak ang Christian Commission Fellowship sa alinman sa katuruan ng Calvinism o Arminianism. Pinili ng CCF na hindi unawain ang Kasulatan sa pansala ng isang partikular na lente ng teolohiya. Sinasabi ng mga tagapanguna ng CCF na sinisikap nilang magturo ng isang balanseng pananaw sa teolohiya base sa buong katuruan ng Kasulatan (tingnan ang kapahayagan ng pananampalataya ng CCF dito). Matatagpuan ang mga kritiko ng CCF mula sa maraming kampo ng teolohiya, mula sa mga Calvinists o fundamentalists, hanggang sa Pentecostal at Karismatiko. Ang isang bagay na nakakabahala sa CCF ay ang pagpayag nito na tumanggap ng mga tagapagsalita na itinuturing ng ilan na nagsusulong ng prosperity Gospel at pagendorso sa aklat na isinulat ng nagsusulong ng prosperity gospel. Sa aspetong ito, nawa’y magsanay ng mas malalim na discernment ang CCF.

Ang pangunahing pinagtutunan ng pansin ng Christ Commission Fellowship ay ang pagabot sa mga hindi pa nakakakilala kay Cristo at pagtulong sa kanila na maging masugid na tagasunod ni Cristo. Habang maraming miyembro at mga dumadalo sa CCF ang nanggaling sa ibang iglesya, at naging mga tagapanguna, ang nasabing intensyon ng iglesya ay tumulong sa mga tao, lalo’t higit sa mga hindi pa mananampalataya na makilala si Cristo. Habang walang masama para sa mga Kristiyano na piliing dumalo sa Christ Commission Fellowship, isang matalinong pagpapasya para sa mga ikonokonsidera na dumalo sa iglesya na dapat munang maging pamilyar sa misyon, pangitain, sentrong pagpapahalaga at kapahayagan ng pananampalataya upang malaman kung sang ayon ang pananaw sa ministeryo at teolohiya ng CCF sa kanyang sarili (Mga Gawa 17:11).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Christ Commission Fellowship?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries