Tanong
Ano ang Dakilang kapighatian?
Sagot
Ang kapighatian ay isang yugto ng panahon sa hinaharap kung kailan gaganapin ng Panginoon ang dalawang layunin: 1) Kukumpletuhin Niya ang pagdidisiplina sa bansang Israel (Daniel 9:24), at 2) Huhukuman Niya ang mga hindi mananampalataya at ang mga tao sa buong sanlibutan na walang kinikilalang Diyos (Pahayag 6 - 18). Ang Kapighatiang ito ay tatagal ng pitong taon. Ito ay napagalaman sa pamamagitan ng pagunawa sa pitumpung linggo na tinukoy ni Propeta Daniel (Daniel 9:24-27; tingnan din ang aming artikulo tungkol sa "Kapighatian"). Ang Dakilang Kapighatian ay ang kalahati sa huling bahagi ng pitong taon ng kapighatian na tatagal ng tatlo at kalahating taon. Ang yugtong ito ay naiiba sa panahon ng Kapighatian dahil ang Halimaw o ang Antikristo ay mahahayag at ang poot ng Diyos ay paiigtingin sa panahong ito. Kaya nga mahalaga sa puntong ito na bigyang diin na ang ‘kapighatian’ at ang ‘Dakilang Kapighatian’ ay dalawang magkaibang panahon. Sa pagaaral sa mga magaganap sa mga huling araw (eschatology), ang kapighatian ay tumutukoy sa buong pitong taon habang ang Dakilang Kapighatian ay tumutukoy sa ikalawang bahagi ng pitong taon ng kapighatian o sa tatlo at kalahating taon.
Si Hesu Kristo mismo ang gumamit sa salitang ‘Dakilang Kapighatian’ upang tukuyin ang huling tatlo at kalahating taon ng kapighatian. Sa Mateo 24:21 sinabi ni Hesus, "Sapagkat sa panahong iyon, ang mga tao'y magdaranas ng napakalaking kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan." Sa talatang ito, tinutukoy ni Hesus ang pangyayaring ito sa Mateo 24:15 na naglalarawan sa paghahayag ng Kalapastanganang Walang Pangalawa, ang isang tao na kilala rin sa tawag na Antikristo. Gayundin, sinabi ni Hesus sa Mateo 24:29-30, "Sapagkat may mga magpapanggap na Mesias at may mga lilitaw na mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na tanda at mga kababalaghan upang iligaw kung maaari, pati ang mga hinirang ng Diyos. Tandaan ninyo: ipinagpauna ko nang sabihin ito sa inyo. "Pagkatapos ng kapighatiang iyon, 'magdidilim ang araw, at hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang kapangyarihan sa kalawakan." Sa mga talatang ito, inilarawan ni Hesus ang Dakilang Kapighatian (talata 21) sa pagsisimula ng kapahayagan ng kalapastanganang walang pangalawa (talata 15) na magtatapos sa ikalawang pagparito ni Kristo (talata 30).
Ang iba pang mga talata na tumutukoy sa Dakilang Kapighatian ay Daniel 12:1b, "...at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos." Masasabing inulit ni Hesus ang talatang ito ng Kanyang banggitin ang mga salitang itinala sa Mateo 24:21. Tinutukoy din ang Dakilang Kapighatian sa Jeremias 30:7, "Nakasisindak ang araw na yaon. Wala itong katulad; ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob, ngunit makaliligtas siya rito." Ang pariralang ‘panahon ng paghihirap ni Jacob’ ay tumutukoy sa bansang Israel, na makararanas ng paguusig at mga kalamidad na hindi pa naranasan kailanman ng buong mundo.
Kung isasaalang-alang ang mga impormasyong ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus sa Mateo 24:15-30, maipagpapalagay na ang pasimula ng Dakilang Kapighatian ay may kinalaman sa paglabas ng Kalapastanganang Walang Pangalawa, sa pagdating at sa mga gagawin ng Antikristo. Sa Daniel 9:26-27, makikita natin na ang taong ito ay makikipagkasundo sa mundo sa loob ng pitong taon (’isang lingo;’ muli, basahin ang aming artikulo tungkol sa kapighatian). Sa pangalawang bahagi ng pitong taong ito - sa kalagitnaan ng ‘isang linggo’ - sinabi sa atin na sisira sa kanyang ginawang kasunduan ang taong ito at ipatitigil niya ang mga paghahandog na partikular na tumutukoy sa sa kanyang gagawin sa loob ng templo sa Jerusalem na muling itatayo sa hinaharap. Ibinigay sa Pahayag 13:1-10 ang mas detalyadong gagawin ng ‘Halimaw’ at mahalaga rin na mapuna ang haba ng panahon na mananatili siya sa kapangyarihan. Sinabi sa Pahayag 13:5 na maghahari siya sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan, na kung kukuwentahin ay tatlo at kalahating taon, ang parehong haba ng itatagal ng Dakilang Kapighatian.
Binibigyan tayo sa aklat ng Pahayag ng napakaraming impormasyon tungkol sa Dakilang Kapighatian. Mula sa Pahayag 13 kung saan nahayag ang Halimaw hanggang sa muling pagparito ni Hesu Kristo sa Pahayag 19, binigyan tayo ng larawan ng poot ng Diyos sa mga tao sa sanlibutan dahil sa kanilang rebelyon at kawalan ng pananampalataya (Pahayag 16-18). Inilalarawan din dito kung paano didisiplinahin ng Diyos at iingatan din naman ang kanyang bayang Israel (Pahayag 14:1-5) hanggang sa maganap Niya ang Kanyang pangako sa kanila - ang pagtatayo ng isang kaharian dito sa lupa (Pahayag 20:4-6).
English
Ano ang Dakilang kapighatian?