Tanong
Ano ang Dakilang Utos?
Sagot
Ang Mateo 28:19-20 ay naghahayag ng utos na kalaunan ay tinawag na "Ang Dakilang Utos: "Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan." Ibinigay ni Hesus ang utos na ito bago Siya umakyat sa langit at ito ang naglalarawan sa inaasahan ni Hesus sa Kanyang mga alagad, at gayundin naman sa mga susunod sa kanila pagkatapos ng kanilang kamatayan.
Kapansin pansin na sa orihinal na salitang Griyego, ang tanging partikular na utos sa Mateo 28:19-20 ay "gumawa ng mga alagad." Tinuturuan tayo ng Dakilang Utos na gumawa ng mga alagad habang narito tayo sa mundo at gumagawa ng mga pang araw araw nating mga gawain. Paano tayo gagawa ng alagad? Sa pamamagitan ng pagbabawtismo at pagtuturo ng lahat ng itinuro ni Hesus. Ang "gumawa ng alagad" ang utos sa Dakilang Utos habang tayo ay "humahayo" at "nagtuturo". Ito ang pamamaraan upang magampanan ang utos na "gumawa ng mga alagad."
Marami ang naniniwala na ang Gawa 1:8 ay bahagi din ng Dakilang Utos. "Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig." Binibigyan tayo ng kakayahan ng Banal na Espiritu na ganapin ang Dakilang Utos. Dapat tayong maging mga saksi ng Panginoong Hesus, na ginaganap ang Dakilang Utos sa ating mga siyudad (Jerusalem), sa ating mga lalawigan at bansa (Judea at Samaria), at saan mang panig ng mundo tayo dalhin ng ating Diyos.
English
Ano ang Dakilang Utos?