Tanong
Ano ang Dakong kabanal-banalan?
Sagot
Ang silid na kilala sa tawag na Dakong Kabanal-banalan ang pinakakaloob-looban at pinakasagradong lugar sa sinaunang Tabernakulo ni Moises at ng templo sa Jerusalem. Ang Dakong Kabanal-banalan ay itinayo na gaya ng isang perpektong kwadrado. Nasa loob nito ang Kaban ng Tipan, ang simbolo ng espesyal na relasyon ng bansang Israel sa Diyos. Tanging ang pinakapunong saserdote lamang ang nakakapasok sa Dakong Kabanal-banalan. Isang beses sa isang taon, sa pista na tinatawag na Yom Kippur (Araw ng Katubusan), ang Araw ng Pagpapalubag loob ng Diyos sa kasalanan, pinapayagan ang punong saserdote na makapasok sa isang mailiit at walang bintanang espasyo para magsunog ng insenso at magwisik ng dugo ng hayop sa luklukan ng awa ng Kaban ng Tipan. Sa pamamagitan nito, napapaglubag ang galit ng Diyos para sa kasalanan ng punong saserdote at kasalanan ng mga tao. Ang Kabanal-banalang dako ay nakahiwalay sa ibang bahagi ng Tabernakulo/Templo sa pamamagitan ng isang malaki at mabigat na tabing na yari sa pinong lino at kulay asul, kulay lila at pinaghalong kulay pula at kahel na sinulid na binurdahan ng gintong kerubin.
Sinabi ng Diyos na magpapakita Siya sa Dakong Kabanal-banalan (Levitico 16:2); ito ang dahilan sa pangangailangan ng tabing. Ang tabing na ito ang hadlang sa pagitan ng tao at ng Diyos. Hindi maaaring pasukin ng sinuman ang kabanalan ng Dios maliban sa punong saserdote, at isang beses lamang sa loob ng isang taon. Napakabanal ng Kanyang paningin “upang masdan ang kasamaan” (Habakuk 1:13), at hindi Niya maaaring ipagwalang-bahala ang kasalanan. Ang tabing at ang napaka-detalyadong mga ritwal na isinasagawa ng saserdote ay isang paalala na hindi maaaring walang ingat at walang pitagang pumasok sa kamangha-manghang presensya ng Diyos. Bago pumasok ang punong saserdote sa Dakong Kabanal-banalan sa Araw ng Katubusan, kailangan Niyang maglinis ng buong katawan, magsuot ng espesyal na kasuotan, magdala ng nagbabaga a umuusok na insenso para matakpan ang kanyang mata at hindi direktang makita ang presensya ng Diyos at makapagdala ng dugo ng hayop na pangwisik sa ibabaw ng Kaban ng Tipan na tinatawag na “luklukan ng awa” para sa pampalubag loob sa mga kasalanan (Exodo 28; Levitico 16; Hebreo 9:7).
Ang kahalagahan ng Dakong Kabanal-banalan para sa mga mananampalataya ay makikita sa mga pangyayari na nakapaloob sa pagpapapako kay Cristo. Nang mamatay si Jesus, isang kahanga–hangang bagay ang naganap: “Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga. Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba” (Mateo 27:50-51a). Hindi tao ang pumunit sa tabing ng templo. Ito ay isang mahimalang pangyayari na naganap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos upang magpahayag ng isang kahanga-hangang katotohanan: Dahil sa kamatayan ni Cristo sa krus, may daan na para sa mga tao upang makipagkasundo sa Diyos at hindi na mahiwalay sa Kanya. Naluma na at nawalan ng bisa ang sistema ng pagsamba at paghahandog ng dugo ng hayop sa templo. Hindi na natin kailangan pang umasa sa mga pari o saserdote upang gumanap ng minsan sa isang taong paghahandog para maging kinatawan natin sa harapan ng Diyos. Napunit ang balat at laman ni Jesus sa krus gaya ng kung paanong napunit ang tabing sa templo, at ngayon, malaya na tayong makalalapit sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus: “Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan” (Hebreo 10:19-20).
Ang minsan at magpakailanmang paghahandog ni Kristo ang tumapos sa pangangailangan ng taunang paghahandog na hindi makakapagalis ng kasalanan (Hebreo 10:11). Ang mga handog sa templo sa Lumang Tipan ay anino lamang ng perpektong handog na darating, walang iba kundi ng paghahandog ng Kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29). Ang Dakong Kabanal-banalan – ang mismong presensya ng Diyos, ay bukas na ngayon para sa sinumang lumalapit kay Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang ginawa. Kung noon, may malaking hadlang sa pagitan ng Diyos at tao, ngayon, binuksan ng Diyos ang daan patungo sa Kanya sa pamamagitan ng nabuhos na dugo ng Kanyang Anak na si Jesu Cristo.
English
Ano ang Dakong kabanal-banalan?