settings icon
share icon
Tanong

Pumapabor ba ang Diyos / Bibliya sa diskriminasyon sa kasarian?

video
Sagot


Ang seksismo ay ang pagkakaroon ng diskriminasyon kadalasan laban sa mga kababaihan. Maraming katuruan sa Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga kababaihan, na kung titingnan sa makabagong pananaw ngayon ay tila mababa ang turing sa mga kababaihan. Ngunit dapat nating alalahanin na kung may nabanggit na gawain sa Bibliya, hindi ito nangangahulugan na iminumungkahi ito ng Kasulatan. Inilarawan sa Bibliya na ang trato ng mga kalalakihan sa mga kababaihan ay tulad sa isang pag-aari ngunit hindi nangangahulugan na sang-ayon dito ang Diyos. Nakatuon ang Bibliya sa pagbabago ng ating mga kaluluwa hindi sa kalagayan ng lipunan. Ito'y sapagkat alam ng Diyos na ang binagong puso ay magkakaroon ng bagong ugali at pamumuhay.



Sa panahon ng Lumang Tipan, halos lahat ng kultura sa buong mundo ay pinamumunuan ng mga kalalakihan. Ang katayuang ito sa kasaysayan ay malinaw - hindi lamang sa Bibliya kundi sa mga umiiral na batas sa pamamahala ng lipunan sa ibang panig ng mundo. Sa makabagong sistema ng pagpapahalaga at makamundong pananaw, ito ay tinatawag na “sexism” o diskriminasyon sa kasarian. Dinisenyo ng Diyos ang kaayusan ng lipunan, hindi ang mga tao at Siya rin ang may akda ng pagkatatag ng prinsipyo ukol sa awtoridad. Ngunit gaya ng iba, may mga nahulog sa ganitong sistema. Ito ay nagbunga sa di pagkapantay-pantay ng mga kababaihan at kalalakihan sa kasaysayan. Ang mga pagtatangi at diskriminasyon na nakikita natin sa mundo ay hindi na bago sa atin. Ang mga ito ay bunga ng pagkahulog ng tao sa kasalanan. Samakatuwid, maaaring sabihin na ang diskriminasyon sa kasarian ay bunga ng kasalanan. Ang progresibong kapahayagan ng Bibliya ay may tinuturo sa atin tungkol sa pagsugpo sa seksismo at sa lahat ng mga makasalanang gawa sa sangkatauhan.

Upang malaman at maunawaan natin ang mga itinakda ng Diyos na kalagayan ng tao pagdating sa kapangyarihan, marapat lamang na sumangguni tayo sa Bibliya. Ang Bagong Tipan ay kaganapan ng Lumang Tipan, at doon makikita natin ang mga doktrina at kautusan na magtuturo ng tamang posisyon pagdating sa kapangyarihan, lunas sa kasalanan at sakit ng sanlibutan, kasama na dito ang diskriminasyon sa kasarian.

Ang krus ni Hesus ang sapat na pambalanse sa lahat. Sa Juan 3:16 ay sinasabing “ang sinumang sumampalataya.” Ipinapakita lang dito na hindi basehan ang katayuan sa lipunan, ang kapasidad ng pag-iisip, o kasarian man upang tanggapin ng Panginoon. Mayroon ding nasusulat sa Galacia na nagsasabing para sa lahat ang pagkakataon na maligtas. “Dahil sa inyong pananalig kay Cristo Jesus, kayong lahat ay anak ng Diyos. Sapagkat ang lahat ng nabautismuhan kay Cristo ay pinananahanan ni Cristo. Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang mga malaya, ang lalaki at ang babae - kayong lahat ay iisa dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (Galacia 3:26-28) Walang diskriminasyon sa kasarian sa krus ni Kristo.

Ang Bibliya ay hindi “sexist” sapagkat malinaw na ipinahahayag dito ang bunga ng kasalanan ng lahat na lalaki at babae. Nakatala sa Bibliya ang lahat ng uri ng kasalanan: pang-aalipin, pagpapasakit at pagkabigo ng mga magigiting na bayani nito. Subalit ito rin ay may ibinibigay na kasagutan kung ano ang mga lunas sa kasalanan sa Diyos at Kanyang mga kautusan upang magkaroon ng tamang relasyon sa Kanya. Ang Lumang Tipan ay paghahanda sa pinakamataas na sakripisyo dahil sa paggawa ng kasalanan. Itinuturo nito ang pangangailangan ng paglapit sa Diyos. Sa Bagong Tipan, “ang kordero na nag-alis ng kasalanan ng sanlibutan” ay isinilang , namatay, inilibing at nabuhay na mag-uli at umakyat sa langit at umupo sa Kanyang trono. Sa pananampalataya sa Kanya matatagpuan ang lunas sa kasalanan, at kasama dito ang kasalanan ng seksismo.

Ang ideya ng seksismo ay resulta ng kakulangan ng kaalaman at pag-aaral sa Bibliya. Kung ang bawat babae at lalaki sa anumang edad ay matutong sumunod sa mga itinakdang kalagayan ng Diyos at mamuhay ayon sa “sinabi ng panginoon,”tiyak na magkakaroon ng nakamamanghang balanse sa pagitan ng anumang kasarian. Mas mapagtutuunan ng pansin ang mga bunga ng kasalanan kaysa sa ugat nito. Ang tanging paraan upang magkaroon ng totoong pagkapantay-pantay ay ang pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. “Makikilala niyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32).

Napakahalagang maintindihan na ang palagay ng Bibliya sa iba't ibang gampanin ng lalaki at babae ay hindi para magkaroon ng seksismo. Malinaw na sinasabi sa Bibliya na inaasahan ng Diyos ang lalaki na mamuno sa simbahan at tahanan. Nangangahulugan ba ito na mas mababa ang mga babae kaysa sa mga lalaki? Hindi. Nangangahulugan ba ito na mas mababa ang talino, kapasidad at pananaw nila sa mata ng Diyos? Syempre hindi! Nangangahulugan lamang ito na sa makasalanang mundong ito, kailangan lamang ng kaayusan at awtoridad. Maging ang pagkakaroon ng awtoridad ay nilikha ng Diyos para sa ating ikabubuti. Ang seksismo ay bunga lamang ng pag-abuso dito at hindi ang mismong pagkakaroon nito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Pumapabor ba ang Diyos / Bibliya sa diskriminasyon sa kasarian?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries